MABILIS NA kinuha ni Dani ang bag niya saka humarap kay Luisa. Pinipigilan niya ang sarili na umiyak, ayaw niya ang nararamdaman sa mga sandaling iyon pero ayaw paawat ng kanyang puso.
"Uy girl, okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Luisa.
Pinilit niyang ngumiti saka tumango.
"Oo, halika na," yaya niya.
"Sorry ha? Hindi ko kasi alam iyon pala ang koneksiyon ng Rachel na iyon kay Gabriel. Grabe siya talaga, inagaw na nga niya sa'yo si John noon, tapos si Gabriel naman ngayon," walang prenong wika nito.
"Umalis na lang tayo, baka mahuli ako sa meeting ko kay Sir Mac," pag-iiba niya ng usapan.
Natigilan si Dani ng biglang bumukas ang pinto. Agad siyang umiwas ng tingin kay Gabriel.
"Aalis muna ako, may meeting ako kasama si Sir Mac," pormal ang mukha na paalam niya.
"Sandali lang, mag-usap muna tayo," pigil sa kanya ni Gabriel.
"Ayokong makipag-usap sa'yo," tanggi niya.
"Dani please."
"Halika na, Luisa," sa halip ay baling niya sa kaibigan.
Hindi pa siya nakakahakbang ay nahawakan na agad siya ni Gabriel sa kamay, pagkatapos ay hinila si Dani sa loob ng kuwarto saka sinandal sa likod ng pinto.
"Ano ba gusto mong mangyari?" galit na tanong niya.
"Walang ibig sabihin 'yong nakita mo kanina," depensa nito.
Nangilid ang luha ni Dani. Nang dumating si Rachel kanina ay labis nilang kinagulat, ayon kay Luisa, papunta siya talaga doon sa bahay niya ng maabutan si Luisa sa labas ng bakuran. Dahil kilala rin nito si John, natural na nakilala din nito noon si Rachel. Nang mga panahon na broken hearted siya kay John, si Luisa ang nariyan sa tabi niya.
Ayon kay Rachel, dahil alam nito na hindi siya puwedeng iwan ni Gabriel kaya ito na lang daw ang pumunta sa kanila. Hindi man siya pabor sa pagpunta nito ay tinanggap pa rin niya ng maayos ang babae. Alang-alang sa pagkakaibigan nito at Gabriel. Pero hindi pa rin mapanatag ang kalooban niya dito, dahil nararamdaman niya na may iba pa rin itong pakay. For some reason, hindi niya maiwasan na hindi mag-selos. Kaya para siyang pinukpok ng martilyo sa dibdib ng maabutan na nakayakap si Rachel kay Gabriel.
"Wala naman akong sinasabi ah!"
"Pero halata sa kilos mo!"
"Aalis na ako, baka ma-late ako," paiwas na sagot niya.
Hinarang ni Gabriel ang braso sa pinto.
"Gabriel, ano ba?!" asik niya.
"Walang ibang kahulugan ang nakita mo. Dinadamayan ko lang si Rachel," paliwanag nito.
Tuluyan nang umagos ang luha ni Dani.
"Inoobserbahan ko kayo kanina pa, kahit hindi ko naririnig ang pinag-uusapan n'yo, nakikita kung gaano kayo kaseryoso sa usapan n'yo. Pakiramdam ko, kaya mong sabihin sa kanya lahat!" puno ng hinanakit na wika niya.
"Dani, please..."
"Bakit sa kanya kaya mong sabihin ang lahat? Bakit sa akin hindi?! Bakit hindi mo masabi sa akin na mahal mo rin ako?!" bulalas niya.
"Dahil hindi puwede!" pasigaw na sagot ni Gabriel.
"Bakit hindi?!"
Sa muling pagkakataon, hindi na naman nakasagot si Gabriel at labis siyang nasasaktan.

YOU ARE READING
The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An Angel
Fantasy"Sapat ng patunay na bumalik ka mula sa langit para ipagpatuloy ang buhay kasama ako." Teaser: Ako si Gabriel, ang anghel na may taglay na kapangyarihan para magpagaling. Minsan sa buhay ko, naranasan ko ng umibig sa isang kaibigan kong anghel. Pe...