NAKATAYO si Gabriel sa pinakatuktok ng mataas na bundok na iyon habang pinagmamasdan ang malawak at makapal na dagat ng mga ulap. Iyon ang lugar kung saan niya dinala si Dani ilang araw lang ang nakakalipas. Wala sa loob na napangiti siya matapos maalala ang maamo at magandang mukha ng dalaga lalo na sa tuwing ngumingiti ito. Muli niyang naramdaman ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso, lalo na ng maalala ang halik na unang beses niyang naranasan ng gabing iyon.
Hindi maipaliwanag ni Gabriel ang sayang nararamdaman ng mga sandaling iyon. Parang ayaw na niyang umalis pa sa tabi ni Dani, kung puwede lang. Pero hindi niya hawak ang mangyayari kinabukasan, hindi niya alam kung hanggang kailan siya mananatili doon sa lupa. Paano na lang kapag umalis na siya? Paano si Dani? Isipin pa lang ni Gabriel ang araw na iyon ay parang pinipiga na ang puso niya sa sakit. Ngunit nawala ang atensiyon niya sa iniisip matapos marinig ang tinig ni Dani.
"Nasaan na naman kaya ang anghel na 'yon? Gabriel!"
Napangiti siya. Sa tuwing nawawala si Gabriel sa paningin ng dalaga, kahit nasaan siya. Kapag hinahanap siya ni Dani ay naririnig niya ang tinig nito sa kanyang isipan. Kaya kahit wala siya doon sa bahay ay panatag ang kalooban niya.
Mula doon sa pinaka mataas na parteng iyon ng bundok ay lumundag siya pababa at lumipad pabalik sa bahay ni Dani. Nang makarating siya sa gitna ng makapal na ulap ay naglaho na siya doon at sumulpot na sa loob ng bahay. Pagdating doon ay agad na sinalakay si Gabriel ng isang pamilyar na amoy na nagmumula sa kusina.
"Ang bango," sabi pa niya.
Napapitlag si Dani saka biglang humarap sa kanya na abala sa paghahain sa mesa.
"Ikaw naman oh! Palagi kang nanggugulat!" asik nito sa kanya.
Natawa si Gabriel saka lumapit sa tabi nito.
"Sorry na! Natuwa lang ako sa amoy na 'yon," sagot niya.
Napangiti si Dani.
"Nakakainis lang minsan, wala akong mailihim sa'yo. Hindi tuloy kita ma-surprise," sabi pa nito, mula sa oven ay nilabas nito ang mabangong tinapay na kanina pa niya naaamoy.
"Wow!"
"'Yan, manna bread. Hindi ko alam kung pareho 'yan ng lasa ng kinakain n'yo doon sa langit, pero nagpaturo ako kay Luisa. Hindi siguro perfect, at least, mapag—"
Hindi na nito naituloy ang sinasabi ng bigla itong matigilan matapos niyang yakapin ng mahigpit.
"Salamat, Dani. Maraming salamat," masayang wika niya.
Alam ni Gabriel na hindi ito katulad ng kinakain niya doon sa mundo nila. Pero ang maglaan ng oras si Dani para gawin ito para sa kanya ay malaking bagay. Pakiramdam ni Gabriel ay espesyal siya sa dalaga.
"Gabriel... sandali lang..."
Imbes na lumayo ay mas lalo niya itong hinapit palapit sa kanya saka hinaplos ang buhok nito. Napapikit si Gabriel saka napangiti, kahit yata maghapon niyang yakapin si Dani ay hindi siya magrereklamo. Nag-uumapaw ang saya sa puso niya sa mga sandaling iyon, at kay bilis ng pintig niyon.
Bahagya siyang lumayo at sinalubong ng tingin ang dalaga. Rinig niya ang lakas ng kabog ng dibdib nito at bakas sa mukha nito ang pagkabigla. Marahan hinawakan ni Gabriel ang namumulang pisngi ni Dani, pagkatapos ay nginitian niya ito.
"Puwede ko na bang tikman?"
Tumikhim ang dalaga saka marahan tumango. Nilagyan siya nito ng tinapay sa isang maliit na pinggan.

YOU ARE READING
The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An Angel
Fantasy"Sapat ng patunay na bumalik ka mula sa langit para ipagpatuloy ang buhay kasama ako." Teaser: Ako si Gabriel, ang anghel na may taglay na kapangyarihan para magpagaling. Minsan sa buhay ko, naranasan ko ng umibig sa isang kaibigan kong anghel. Pe...