"BAKIT po ako?" nagtatakang tanong ni Gabriel.
"Dahil ikaw ang isa sa pinagkakatiwalaan ko sa lahat ng anghel. Si Michael at Andrew ay may sariling buhay na sa lupa, kaya walang iba akong nakikitang puwedeng gumawa ng misyon na ito kung hindi ikaw lang," sagot niya.
"Mawalang-galang na po Supremo, pero..."
"Nakikiusap ako sa'yo Gabriel."
Natigilan siya. Mukhang mahalaga para sa Supremo nila ang misyon na iyon. Napabuntong-hininga siya, mukhang wala naman siyang mapagpipilian kung hindi ang pumayag.
"Sige po," pagpayag niya.
Nakita ni Gabriel sa ngiti nito na tila nakahinga ito ng maluwag.
"Salamat," anang Supremo nila.
"Ano po ba ang misyon na iyon?" tanong niya.
Mula sa ulap ay lumabas ang mukha ng isang magandang dalaga. Ngunit sa kabila ng kagandahan niyon, bakas sa mga mata nito ang kalungkutan.
"May isang dalaga na nawawalan na ng pag-asa sa buhay niya matapos ng isang malaking trahedya. Nabulag siya at hindi madali ang mga pagdaraanan niya. Gawin mo ang lahat ng alam mong nararapat. Ngayon na nag-iisa na siya, mag-silbi ka hindi lang isang gabay kung hindi kaibigan. Minsan sa buhay ko ay binantayan ko ang taong mahalaga sa kanya, pero kinuha na ng ating Panginoon ang taong iyon. Manatili ka doon hanggang sa dumating ang tamang panahon ng pagbabalik mo dito sa langit. Pinagpala ka ng Panginoon ng kamay na nagpapagaling. Hindi lamang ng pisikal na sakit, maging ang puso na minsan nang nasaktan. Tulungan mo siyang hilumin ang sugat sa puso niya na dulot ng mga pangyayari, iyon na rin ang maghahanda sa kanya para harapin ang malaking mangyayari sa buhay niya sa mga susunod na araw," paliwanag ng Supremo.
"Ano po iyon?" tanong pa niya.
"Malalaman mo rin. Sa pagbaba mo sa lupa, sigurado akong may matutunan ka rin sa kanya," sagot nito.
Marahan siyang tumango.
"Gabriel, ipinagkakatiwala ko siya sa'yo," anang Supremo.
"Opo, makakaasa po kayo," sagot niya.
"Sige, makakababa ka na sa lupa. Ang banal na espiritu ng Diyos ang gagabay sa'yo at magdadala sa'yo sa dalagang ito," anito.
Hindi alam ni Gabriel kung anong magiging buhay niya pagbaba sa lupa. Kung puwede lang talaga siyang tumanggi, kaya lang tungkulin niya bilang anghel ang gawin ang misyon na binibigay sa kanya ng nakakataas.
Lumipad pababa ng lupa si Gabriel. Habang sinasalubong siya ng malakas na hangin, hindi mawala sa isip niya ang magandang mukha ng dalaga. Bigla siyang napahinto sa paglipad at napalutang-lutang sa gitna ng mga ulap. Tumingala siya saka napakamot ng ulo.
"Hindi nasabi ni Supremo kung anong pangalan n'ya. Di bale na nga lang," aniya saka pinagpatuloy ang paglipad pababa.
"Ano nga kaya ang pangalan niya?" tanong na naman niya sa isipan saka wala sa loob na napangiti.
SA ISANG ospital napadpad si Gabriel. Nakita niya ang dalawang babae sa labas ng isang silid, ang isa dito ay may edad na, habang ang mas bata ay umiiyak. Unang tingin pa lang ay alam na niyang mag-ina ang dalawa.
"Nay, sa tingin mo magiging maayos si Dani?" tanong ng dalaga.
"Malakas ang loob niya, huwag kang masyadong mag-aalala," sagot ng Nanay nito.

YOU ARE READING
The Messenger's Trilogy Book 3: A Date With An Angel
Fantasy"Sapat ng patunay na bumalik ka mula sa langit para ipagpatuloy ang buhay kasama ako." Teaser: Ako si Gabriel, ang anghel na may taglay na kapangyarihan para magpagaling. Minsan sa buhay ko, naranasan ko ng umibig sa isang kaibigan kong anghel. Pe...