Chapter Two

4.2K 72 2
                                    


GUSTO niyang umusal ng pasasalamat pero tila tuyong-tuyo ang lalamunan niya. Ni hindi niya napuna nang lingunin ni Asuncion ang lalaking nakabunggo sa kanya. Mula sa mesa nito ay agad itong tumayo at lumapit sa kanila.

Ang tatlong service crew at ang kahera ay abala sa kani-kanilang normal na gawain. Sa mgamata ng iilang customer sa maliit na coffee shop na iyon ay wala namang kakaibang nangyayari. Iyon ay kung may nakapuna man lang sa kanilang tatlo. Nakatayo pa rin nang tuwid si Alaina at marahang humahakbang patungo sa exit habang nakaalalay si Asuncion.

Kung sakali mang nakahawak nang mahigpit sa kanya si Asuncion ay hindi naman ito kapuna-puna. Tila magkaibigang magkaabrisete ang dalawa. Nakikipag-usap sa kanya ang babae. Sa wari ay may itinatanong subalit hindi niya ito naiintindihan.

Sa nanlalabo niyang paningin ay alam niyang nagsasalita ito at nakangiti pa. Pero tila kay layo ng pinanggagalingan ng tinig nito.

Hindi rin makuhang tumanggi ni Alaina nang kunin ng babae ang bag niya mula sa kanya. Mula roon ay kinuha nito ang pasaporte niya at gate pass. Ni hindi rin napuna ni Alaina na may isang batang-batang babae ang sumalubong sa kanila at palihim na iniabot dito ni Asuncion ang pasaporte at gate pass niya, ganoon din ang camera. 


"NATITIYAK mo bang walang nakapuna sa atin, Pancho?" tanong ni Asuncion sa lalaking pinaandar na ang van palabas ng parking area ng airport.

"Abala ang lahat sa pagtungo sa departure area.At sa likod tayo dumaan at mahusay kang umarte. Kinakausap mo pa si Mrs. Navarro na sinasagot ka naman." Isang malakas na tawa ang pinakawalan nito at tuluyan nang lumabas ng airport patungo sa main road.

"Paano pala kung hindi naisip ng babaeng ito na pumasok sa coffee shop at nagtuloy sa departure area?"

"Masuwerte pa rin tayo. Kung nagkataon ay mahabang paghihintay na naman ng tiyempo. Panibagong plano. At mas sa menos na magtititili na naman ang pamangkin mo sa bulilyaso kung nagkataon."

Bahagya nang tumango si Asuncion. "Tatawag si Emma sa pamangkin ko pagdating nito sa Rome. Mananatili si Emma roon nang tatlong araw at pagkatapos ay babalik sa Pilipinas gamit ang sariling pasaporteng ibinigay ng aking pamangkin."

"Walang sablay! Akalain mong suwerteng nakarating nang wala sa oras sa Rome ang anak mo," nakangising sagot ni Pancho, sinulyapan sa rearview mirror si Asuncion.

Napangisi rin si Asuncion, nilingon si Alaina na nakayupyop sa upuan at walang malay.

"Hanapin na nila sa buong Europa ang babaeng ito. Iyon ay kung makikita nila. Ang tawag ni Emma ang hudyat upang tawagan naman tayong aking pamangkin. Kaya kailangan nating maghintay nang maraming oras bago tayo kumilos."

Mabilis nitong tinanggal ang wig at lumitaw ang maiksing-maiksing buhok nito. Isinunod nitong tanggalin ang suot na salaming wala namang grado. Ang wig at ang salamin ay pareho nitong inihagis sa likuran. Pagkatapos ay niyuko ang sapatos.

"Letseng sapatos ito, muntik na akong matapilok, ah!"

"Aba, kahit ako'y 'di kita nakilala. Maganda ka pala kapag naayusan, Asuncion," anang lalaki at saglit siyang sinulyapan mula sa rearview mirror.

Nakangisi. "Kung 'di ko alam na kuwarenta ka na ay mapagkakamalan kitang beinte-singko anyos lang." Sinamahan nito ng kindat ang pambobola.

Nakadama ng kasiyahan ang babae sa papuri ng kalaguyo. Pero sandali lang iyon. Muli nitong sinulyapan ang nakalugmok na si Alaina.

"Tamang-tama lang ang drug na itinurok ko sa kanya kaninang hawakan ko siya. Hindi siya nawalan ng malay habang nasa airport pa tayo."

"Isa kang midwife. Dapat lang na kaya mong tantiyahin ang ibinigay mo. Kahit paano pinag-aralan mo rin iyon, 'di ba?"

Kristine Series 53: Magic Moment, Book 2: I Have Kept You In My HeartWhere stories live. Discover now