Chapter Twenty-seven

4.4K 85 10
                                    


MARAHAS niyang dinampot ang cell phone sa ikaapat na ring nito. "Hello!" she snapped. Ang tiyahin niya ang nasa linya. "Tiyakin mong may maganda kang balita sa akin. Is Alaina dead? I hope hindi ninyo gaanong sinaktan si Nick."

"N-nahuli si Pancho at ang mga tao niya," nanginginig ang tinig at puno ng takot na sabi niAsuncion.

"Ano!" Pahablot nitong inalis ang kumot na nakatabing sa katawan at bumangon. Kasabay ng matinding tambol sa dibdib niya. "Paanong nangyari?"

"N-nasa loob ako ng sasakyan sa kabilang bahagi ng kalye. Nakaparada ang van sa isang walang-taong bahay at naghihintay sa kanila. Nakita kong biglang nagliwanag ang buong kabahayan ng mga Navarro. Kinabahan na ako.

"Hindi lumalabas ng bahay sina Pancho at dalawang kasama. Kalahating oras ang nakalipas nang may dumating na itim na sasakyan at kinuha mula sa loob sina Pancho.

At hindi ko matiyak kung si Pancho ang pinagtulungang buhatin ng mga lalaki!" Humagulhol na si Asuncion.

Hindi agad siya makapagsalita sa pinagsamang kaba at takot. "Hindi police car ang kumuha kina Pancho?"

"Hindi. At nakita ko ang dalawang security guard na lumabas mula sa bahay nina Mr. Navarro. Tinitiyak ko sa iyong hindi sila mga ordinaryong security guard sa tindig! Sila ang mga bodyguard ni Nick Navarro!" Muli itong humagulhol. "Saan nila dadalhin ang asawa ko?"

"Putang—!" marahas niyang mura. "Huwag iyon ang intindihin mo. Ang intindihin mo ay baka ikanta tayo ni Pancho!"

"Baka pinatay nila si Pancho!" Asuncion was hysterical.

"Tumigil ka!" hiyaw niya sa mouthpiece. "Walang mangyayari kung maghihisterya ka diyan! Nakita mo ba ang mga Navarro sa loob ng bahay?"

"Hindi ko alam," humihikbi nitong sagot. "Duda ko ay may mga tao nang naghihintay kina Pancho sa loob ng bakuran. Paano nila nalamang darating sina Pancho kagabi?"

"Huwag kang tanga. Hindi nila alam!" she screamed. "They couldn't have known. Nagbabaka-sakali lang sila. O marahil ang ilan sa mga security ni Nick ang naroroon na. Naging panatag si Pancho!" Paroo't parito siya sa loob ng silid niya. "Binalaan ko siya tungkol sa mga bodyguard ni Nick!"

Natitiyak niyang hindi naman inaasahan ng mga bodyguard na papasukin nina Pancho ang bahay. Naroon ang mga iyon bilang bantay nina Nick at Alaina. Sana'y naghintay na muna siya ng ilang araw bago niya inutusan si Pancho. Pero kung ginawa naman niya iyon ay wala nang pag-asang maisakatuparan ang plano nila. Aalis ng bansa sina Nick at Alaina.

Damn!

Ano ngayon ang gagawin niya? Kung hindi mgapulis ang kumuha kina Pancho ay sino? Paano kung kumanta si Pancho?

Kapagkuwa'y napatigil siya. Maaari namang sabihin ni Pancho na balak lang nilang pagnakawan ang bahay ng mga Navarro. Baka naman mga NBI ang kumuha sa dalawang lalaki.

"Tatawagan kita mamaya," aniya sa kausap at nag-disconnect. Pagkatapos ay isang numero ang tinawagan niya. Apat na ring bago may sumagot.

"Hello," said the voice from the other line. Husky from sleep. 

Mabilis niyang ibinaba ang telepono sa cradle nito. It was Alaina! Natitiyak niya. Nasa penthouse sina Nick at Alaina! Doon natulog ang mga ito. Napaungol siya. Sana'y nalaman niyang hindi umuwi ang mag-anak kahapon. Dapat ay hindi muna siya umuwi. Kung hindi niya pinairal ang damdamin disin sana'y nalaman niyang sa penthouse natulog ang mag-anak!

Alam ba ni Nick na may nagtangkang pumasok sa bahay nito? Pero tila nagising lang ng tawag niya si Alaina.

Nanlulumong umupo siya sa gilid ng kama. Ikinulong ang mukha sa mga palad. Ano ang gagawin niya? Hindi siya papayag na mabilanggo!

Kristine Series 53: Magic Moment, Book 2: I Have Kept You In My HeartWhere stories live. Discover now