Chapter 2.

760 30 0
                                    

Chapter 2.

Evia’s POV.

Sumilip ako sa pintuan ng aking silid para tingnan kung nandoon pa ba sila Ina. Nang makitang papaalis na sila ay agad akong lumabas at saka lumapit sa kanila. Nagulat pa sila nang makita ako sa kanilang harapan.

“Oh? Akala ko ay hindi ka na lalabas?” yumuko lamang ako sa tanong ni Ina Rue. Nagbuntong-hininga siya saka lumapit sa akin, ramdam kong ganoon din ang ginawa ng dalawa. “Bakit hindi ka lumabas kagabi? May nangyari ba?” malambing na tanong niya ulit sa akin na ikinaangat ko ng tingin.

“May umaway ba sa iyo kahapon?” napalingon ako kay Ina Shala dahil sa tanong niya.

“O hindi kaya baka nasaktan ka sa pangunguha mo sa puno ng sari-sari?” tanong din ni Ina Fe sa akin.

Napangiti ako dahil sa uri ng pag-aalala nila sa akin. Ganito sila palagi, ni-minsan ay hindi nila ako pinagtaasan ng boses o hindi kaya pinagalitan sa mga kamaliang nagawa ko, kung hindi ay tinatama nila ako at mas lalong tinuturuan kung ano ang tama o hindi. Kaya mahal na mahal ko silang tatlo, kahit na hindi nila ako kadugo ay tinuring nila akong parang tunay na anak. Sila ang pinaka-importanteng tao sa buhay ko, dahil sila rin naman ang mga taong nakasama ko simula noong nagmulat ako sa mundong ito.

Umiling ako. “Wala pong nangyari sa akin, sadyang masama lang ho ang pakiramdam ko at gusto lamang magpahinga. Kaya patawad sa aking tinuran kagabi at sa hindi pagkain sa hapunan.” Pagsisinungaling ko.

Ito ang kauna-unahang nagsinungaling ako sa kanila sa tanang buhay ko. Dahil noon ay sinasabi ko na talaga ang lahat ng totoo tungkol sa akin, ngunit ngayon ay parang ayokong sabihin. Dahil kung sakaling malaman nila na nakakita ako ng ibang tao sa gubat ay baka hindi na nila ako papalabasin. Ayoko no’n.

Tinitigan nila ako na ikinayuko kong muli. Ayoko kong malaman nilang nagsinungaling ako.

Nagbuntong hininga si Ina Rue. “Sige…” napatingin ako sa kaniya. Nakangiti siya sa akin. Napahinga ako ng maluwag nang hindi niya nahalatang nagsinungaling ako. Hinawakan niya ang aking ulo. “Kumain ka na lamang ng maraming umagahan bago ka lumabas ng bahay,” nakangiting aniya dahilan para mapangiti rin ako.

“Opo!” masiglang sagot ko.

Ngumiti ulit silang tatlo saka nagpaalam sa aking umalis. Pero bago pa man makalabas si Ina Shala ay tumingin ulit siya sa akin na ikinataka ko.

“Anak, huwag—” tanong niya.

“Huwag na huwag kang lalabas sa gubat. Delikado ang buhay mo sa labas.” Pagpatuloy ko sa kaniyang sinabi. “Opo, hindi po ako lalabas,” nakangiting saad ko.

Ngumiti siya sa akin. “Mabuti naman kung ganoon. Oh s’ya, aalis na kami. Mag-ingat ka sa iyong paglilibot rito sa gubat ngayon araw.”

“Kayo rin, Ina!”

Nang makalabas sila ay napabuga ako ng hininga para mawala ang kaba. Kanina pa ako kinabahan na baka malaman nilang nagsisinungaling ako. Lagot na kapag nangyari iyon.

Tumingin ako sa hapag. May nakita akong nakahandang pagkain doon na ikinangiti. Hindi talaga sila aalis kung walang ihahabilin.

Umupo na ako roon at nagsimulang kumain. Pagkatapos ay hinugasan ko muna ang aking kinainan bago kinuha ang isa pang basket sa aking silid. Nang makalabas ay napahinto ako nang maalala ang nangyari kahapon. Gusto ko mang pumasok ulit sa loob ng bahay at magmukmok na lamang ay pinilit kong humakbang papalayo sa aming tahanan.

Hindi ko hahayaang masisira ang araw ko dahil lamang sa nangyari. Kahit na masakit sa akin ay wala akong magagawa. Alam ko kung paano tanggapin ang mga nangyari. Wala rin namang magagawa ang pagmumukmok kung sakali. Patay pa rin naman siya. Hindi ko na maibabalik pa ang nakaraan.

V. Academy (Completed)Where stories live. Discover now