Chapter 9.

501 27 0
                                    

Evia’s POV.

Dahan-dahan akong naglalakad sa gitna ng hallway, sobrang ingat dahil may dala akong napakaraming libro. Mabuti na lamang ay wala ng mga estudyante rito dahil unti-unti nang tumatama sa ilang parte ng paaralan ang hindi gaanong kaliwanag na araw, ibig sabihin ay paumaga na at natutulog na ang iilang bampira o matutulog pa lamang.

Ewan ko ba, ako na lamang parati ang inuutusan ng mga guro rito para dalhin ito sa loob ng library. Marami naman kaming estudyante nila ngunit ako na lamang palagi ang pinipili. Alam naman siguro nilang hindi ko kabisado ang napakalaking paaralan na ito. Minsan nga ay nawawala pa ako. Mabuti na lamang talaga ay tinutulungan ako ng iilang mga bampira rito. Hindi ko naman maabala si Maureen at Quiara dahil alam ko inaantok na sila at pagod galing sa kanilang mga klase.

Kaunti na lamang ay iisipin kong ako ang pinagdidiskitahan nila dahil sa wala akong alam dito. Siguro rin dahil bago lamang ako. Pati iyong ibang mga estudyante ay ang sama-sama ng tingin sa akin na tila ba ay gusto nila akong patayin ng wala sa oras. May iba pang pinagtatawanan ako na akala mo ay may nakakatawa sa akin, pero ang totoo ay wala naman talaga. Pero imbis na pagtuonan sila ng pansin ay hindi ko na lamang sila pinansin. Alam ko namang wala akong ginawang masama sa kanila. Nandito lang naman ako dahil gusto kong makaranas na mag-aral. Hindi ko nga lang inaasahan na mapupunta ako rito.

Ilang araw na ba akong nandito? Hmm… sa tingin ko ay anim na araw na? Tama ba?

Sa loob ng mga araw na iyon, pinaramdam ng iilan sakin na hindi ako bagay rito. Ang iba ay hindi ako pinapansin na tila ba ay hangin lamang ako sa kanila. Sa mga araw na iyon, tingin ko ay mahirap? Dahil siguro ako na lamang palagi ang inuutusan nila. Hindi naman ako makatanggi dahil ke-bago-bago ko pa, magmamaldita na ako tapos ayoko pang may gulo. Ayoko rin naman maging masungit dahil baka wala akong magiging kaibigan.

Mabuti nang sumunod na lang keysa magkagulo.

Huminto ako saglit saka nag-stretch ng paa, sumakit kasi ito. Mahirap na baka matapilok pa ako at madapa, mahulog pa ang lahat ng aking dala.

Napapikit na lamang ako nang may mahulog na isang libro. Kinalma ko ang sarili dahil baka mapasigaw ako sa inis at magising ang mga bampirang tulog na. Ayoko namang maging usap-usapan na naman dito. Hindi pa naman mahaba ang aking pasensya.

Tiningnan ko ang librong nahulog. Lumilinga-linga ako upang tingnan kung may bampira ba sa paligid. Nang masiguradong wala ay tiningnan ko ulit ang libro. Nag-focus ako at bumigkas ng lengwaheng tanging mga Salvi lamang na katulad ko ang may alam kung paano at nakakaintindi nito.

Napangiti ako nang makitang dahan-dahan itong tumaas mag-isa at pumatong sa librong nasa itaas. Salamat naman akala ko’y matatagalan pa ako.

Habang nagpatuloy ako sa paglalakad, napahinto ako nang may marinig na kung ano sa hindi kalayuan. Ngunit pagtingin ko sa bandang kaliwa ay wala naman akong makitang posibleng magsimula ng ingay. Kahit na saang parte ay wala talaga.

V. Academy (Completed)Where stories live. Discover now