3

26 6 8
                                    

“SORRY sa inasal kanina ni mama.” 

Sumabay sa ingay ng mga kuliglig at ang pagdaan ng ilang sasakyan sa kalsada sa narinig ni Wretchel na malalim na buntong-hininga ni Giovanni. Naroon silang dalawa sa kanilang bakuran. Doon sila dumiretso nang makakain ng hapunan. Sa tabi ng kanilang pulang gate ay mayroong puno ng mangga at sa ilalim niyon ay may mahabang upuang kahoy kung saan siya nakaupo, nakatayo naman ang nobyo sa harapan niya. Tanging liwanag na nagmumula sa poste na nasa labas ng kalsada sa tapat ng kanilang bakuran ang nagbibigay ng liwanag sa kanilang dalawa.

“Iyon ba ang iniisip mo kaya kanina ka pa tahimik?” Mas lumapit ito sa kanya. Tumatama ang mga tuhod nito sa binti niya.
“Okay lang naman ‘yon, love. Wala ‘yon sa akin,” malambing ang boses na anito.

Alam niyang mapapansin nito ang pananahimik niya. Pero hindi lang iyon dahil sa mga narinig niya sa kanyang ina.

“Gio—”

Napapikit siya nang marahang humaplos ang mga palad nito sa kanyang mukha. Napamulat siyang muli nang maramdaman ang paglapat ng mainit na labi nito sa kanyang noo, lumayo ito at ngumiti saka muling lumapit at ang kanyang labi naman ang dinampian ng halik.

Mariin niyang kinagat ang ibabang labi nang mangatal iyon. Nasa tabi niya pa lang ito, yakap-yakap, kaharap, hinahawakan, o hinahalikan—sa bawat pagkakataon na ganoon, ramdam na ramdam niya ang dumodobleng bilis ng tibok ng puso niya, ang sayang lumulukob sa kabuoan niya, sa buong pagkatao niya at ang tapang na sumasaklob sa kanya pero may mga pagkakataon na hindi niyon nawawalis ang isa pang pakiramdam na nakasuksok sa puso niya. Pakiramdam na anim na buwan na niyang dala-dala.

“Gio—”

“Too bad we're only here for one day. Gusto ko sanang mapuntahan ‘yong Mount Pingas na sinasabi mo—”

“Narinig mo naman sila Mama kanina, ‘di ba, Gio?” putol niya rito. Tumigil ang paglilikot ng mga kamay nito at naging malamlam ang tingin sa kanya. “Iniwan ng tatay ko ang mama ko. May nabuntis na iba at iniwan si Ate ng boyfriend niya. Ng taong pakakasalan sana niya.”

“Love, please...”

At alam niya na alam na nito ang iniisip niya sa mga sandaling iyon. Kitang kita niya ang paglalim ng gatla sa noo nito, ngunit naroon sa mga mata nito ang... takot.

“Nako-konsensya na ako, Gio.”

“Wretchel—”

“Hindi na tama ‘to,” mariing giit niya. “Hindi. Kahit noon pa man hindi na. Noon pa man maling mali na, Gio. Walang patutunguhan ‘tong relasyon na ‘to. Alam nating dalawa ‘yon.”

“Kaya iiwan mo ako ganoon ba?”

“Gio—”

Nanikip ang dibdib niya nang lumayo ito sa kanya. Ang sakit na bumalatay sa mga mata nito ay mas nagpapahirap sa kanya. Para niyong paulit-ulit na pinipindot ang isang switch, ibabalik ang desisyon niya at muling aalisin.

“Alam mo namang hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala ka, Wretch. Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo ang bagay na ‘yon?”

Nanlabo ang mga mata niya at mabilis na umagos ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Parang kinukuyumos ang puso niya sa halo-halong emosyon. Sa takot, pangamba, at dahil sa nagmamakaawang boses ni Gio. Kapag naririnig niya ang mga ganoong salita nito agad na binubura sa isip niya ang binabalak niya. Agad na binubura ang lahat ng hindi magandang nararamdaman niya, dahil ito na lang ang natitirang mahalaga para sa kanya.

“Huwag mo akong iwan, Wretch. Please naman, oh.” Muli itong lumapit at mahigpit na yumakap sa kanya. “Love, Please. Mahal na mahal kita, Wretchel.”

At sa hindi mabilang na pagkakaton, natalo na naman siya. Natalo na naman siya ng sariling damdamim. Natalo na naman siya ng pagmamahal niya para rito. Sabihin lang nito na mahal siya nito, magmakaawa lang ito na huwag niya itong iwan ay nabubura na ang tapang niyang putulin ang relasyon nila.

“Just give me a little more time. Tatapusin ko ang lahat sa amin at magsasama tayo.”

Oo, kabit siya nito. Kerida. Pangalawa. Sikreto. Alam niyang may asawa ito pero pumatol siya rito. Alam niyang mali, hindi lang sa mata ng tao, kung ‘di lalong lalo na sa mga mata ng Diyos. Pero ganoon nga yata ang pagmamahal. Kahit mali, magpupumilit at patuloy na magsusumiksik.

‘Kumplikado ang pag-ibig, anak. May mga pag-ibig kasi na akala mo tama pero mali. At may mga pag-ibig na kahit mali gusto nating maging tama. Ipipilit nating maging tama para sa sarili natin. Kaya nga umalis ang papa mo at sumama sa babae niya. Iyon kasi ang naisip niyang paraan para maitama ang pagmamahalan nila na mali.’

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now