21

8 6 5
                                    

SINUBUKAN niyang sundan ang kapatid. Nakita niya ang pagpasok nito sa kwarto nito kaya sinundan niya ito hanggang doon. Naabutan niya ito na nakaupo sa kama nito at tulala.

“A-Ate...”

Niyon pa lamang siya nito nilingon. Sa kabila ng ilang hakbang na layo nito sa kanya, ramdam niya ang talas ng tingin nito.

“Narinig ko bawat hagulgol ni mama noon, Wretchel. Na hanggang ngayon naririnig ko pa sa isip ko. Bawat tanong niya kay papa kung bakit nito nagawa ang bagay na iyon na hindi kailanman nabigyan ng sagot. Mahal na mahal ni mama si Papa na nagawa niyang balewalain ang panloloko nito. Pero kalaunan sumuko rin si Mama dahil ayaw niyang kalakihan natin at makita natin ang ginagawa ni papa. ‘Yang ginagawa ninyo, hindi mo alam na anak ni Gio ang labis na maapektuhan. Hindi ikaw, hindi si Gio, hindi ang asawa niya kung ‘di ang anak niya. Sabihin mo man na hindi ka ganoong nasaktan nang iwan tayo ni papa, nang malaman mo ang ginawa niya dahil hindi mo naman talaga nasaksihan ang nangyari sa kanila ni mama pero alam ko na nangungulila ka pa rin sa kanya. Akala mo ba hindi namin alam ni mama ang pagbubukas mo ng kahon kung nasaan ang litrato niya? Kaya nga hindi magawang itapon ‘yon ni mama dahil sa ‘yo. Dahil alam niya na hindi mo pa tuluyang natatanggap na wala na talaga si Papa. Na hindi na siya kailanman babalik sa atin.”

Napatungo siya at mariing napapikit. Naramdaman niya ang pag-agos ng mainit na luha sa magkabilang pisngi niya. Tama ito. Lahat ng sinabi ng kapatid ay totoo.

“Alam mo ba kung bakit hindi ko na itinuloy ang relasyon ko kay Ram kahit pa alam kong ako ang mas may karapatan?”

“Dahil bukod sa magkakaanak na sila, alam kong hindi ganoong kalakas ang loob ko na tanggapin siya sa kabila ng pagmamahal ko sa kanya at sa kabila ng papagluhod at paghingi niya ng tawad. Alam ko na hindi na tuluyang mabubuo ang tiwala ko at ayaw kong dumaan ang mga taon na ang pagkakamali niyang iyon ang patuloy na sisira sa relasyon namin.”

’May mga bagay na mas mainam na pakawalan, Wretch. ‘Yong mga bagay na alam mong hindi na makabubuti sa ‘yo. ‘Yong bagay na alam mong sisira sa ‘yo, kahit gaano mo pa ‘yon kamahal.’ Naalala niya ang sinabi nitong iyon noon na aaminin niyang hindi niya lubusang naiintindihan nang mga panahong iyon at ngayon niya lang iyon labis na naunawaan.

“Hindi ko alam kung ano’ng pumasok sa kukuto mo, Wretchel. Marami naman diyang iba kaya bakit sa may asawa pa? Hindi pa ba sapat ang mga paalala namin noon ni mama na mag-iingat ka sa mga lalaki, ha?“

“I’m s-sorry.”

“Do you desperetly need that love, huh? That kind of love? Hindi mo alam ang pakiramdam na niloloko ka ng taong mahal mo, Wretchel. Hindi mo alam kung gaano kasakit na malaman na ‘yong taong labis mong pinagkakatiwalaan ang mananakit sa‘yo.” Natatawa itong suminghal. “Sabagay, hindi mo kailanman malalaman ang sakit dahil hindi ka naman nakaranasan na lokohin, dahil ikaw ang manloloko! Ikaw ang maninira ng relasyon!”

Hindi siya natinag sa kinatatayuan. Hindi siya umiwas kahit pa nang lapitan siya nito, nang mahigpit nitong hinawakan ang mga braso niya.

“Hindi ka na nahiya kay mama. Noong papasok ka sa relasyon na ‘yan, hindi mo man lang ba siya naisip? Hindi mo man lang naisip ang pinagdaanan niya na maaaring maranasan din ng asawa niyang kinakalantari mo na nagawa mo pang iharap sa amin? Ang kapal-kapal ng mukha mo, Wretchel! Alam mo ba 'yon, ha!”

Isang malakas na sampal ang nakapagpapiling sa kanyang ulo. Ramdam niya ang pag-iinit niyon. Hindi man tingnan, alam niyang namumula iyon. Ang hapdi na dala niyon ay kumakalat sa buong katawan niya. Pero alam niyang walang wala ang sakit niyon sa narardama ng ina at kapatid nang lokohin ang mga ito ng mga mahal nila. Ilang segundo pa bago niya ibinalik sa ayos ang ulo. Nakatayo pa rin ang kapatid sa harapan at naririnig na niya ang pagsinghot nito.

“‘Yang sorry mo, bakit sa akin mo sinasabi ‘yan? Bakit hindi sa asawa niya, ha? Tutal matapang ka na pumasok sa ganyang klase ng relasyon. Sige, sabihin mo ‘yan sa asawa niya!”

Wala siyang naging imik. Tanging tahimik na pag-iyak ang nagawa niya. Ramdam niya ang galit ng kapatid sa naririnig niyang mabilis nitong paghinga.

“Masaya ka ba sa pagmamahal mong ‘yan, ha? Masaya ka bang may nasisira kang pamilya? Na may nasasaktan dahil sa ‘yo? Masaya ka bang maging kabit, ha, Wretchel? Hindi mo alam at hindi ko gustong malaman mo kung gaano kasakit ang ipagpalit ka sa iba ng minamahal mo. Na malaman mong bukod sa ‘yo ay iba pa siyang niyayakap, hinahalikan, minamahal. Pero, Wretchel, dahil sa ginagawa mong ito para mo na rin kaming binastos ni mama. Para mo na ring pinagtawanan ang mga pinagdaanan namin.”

How Far Would You Go For Love?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon