8

19 5 11
                                    

NAGTUNGO si Wretchel sa comfort room na nasa gilid lamang ng locker area, habang dina-dial ang numero ni JV. Tumigil siya sa sink. Habang nakatapat ang cell phone sa tenga at naghihintay na may sumagot sa kanyang tawag ay napagmasdan niya ang sarili. Mula sa repleksyon sa salamin, nakita niya ang nakakunot niyang noo at nakatiim ang labi. Niyon niya lang din napansin ang mabilis na paghinga.

Animo’y napagsabihan, kusang bumalik sa ayos ang mukha. Tumuwid siya ng tayo, pumikit at malalim na humugot at saka iyon malakas na ibinuga. Gumaan ang pakiramdam niya, parang may kung ano’ng mahigpit na nakayakap sa kanyang baga at lumuwag iyon. Pero aaminin niyang hindi nawala sa isip ang bumabagabag sa kanya.

Naroon si Gio sa labas, naghihintay sa kanya. Maghapon nga sila nitong hindi nagkausap. Nagkakasalubong sila kanina sa trabaho, pero nagagawa niya itong lampasan nang hindi nito iisiping iniiwasan niya ito dahil pare-pareho silang abala. Pero paano niya ‘yon gagawin ngayon?”

“Hello?”

Napatuwid siyang muli ng tayo nang marinig ang boses sa kabilang linya.

“Wretch? Where are you na?”

Hindi niya pinansin ang tanong nito. “Bakit kay Sir Gio ako sasabay?” sa halip ay tanong niya.

“Inimbitahan din siya ni Ma’am Kristine. Ano, gusto mo ikaw lang ay may libreng dinner?”

Napapikit siya at nahilot ang sentido. Minsan talaga ang sarap ding kutusan ng kausap niyang ‘to, eh. ‘Yong problemado na nga siya pero nagagawa pa nitong mamilosopo? Sabagay, ano nga bang alam nito sa pinoproblema niya.

“Nag-offer kasi si Sir Gio kanina na siya na lang daw ang maghihintay sa ‘yo. Kesa nga naman mag co-commute ka pa, eh, ‘di sumabay ka na sa kanya. Gusto ko nga rin snanag sumabay na lang sa inyo, pero epal kasi itong si Annie—aray ko. Makabatok Anniebatumbakal!”

Tumalikod siya dahil naalibadbaran siya sa nakikitang itsura niya sa salamin. Pinoproblema niya pa rin ang pakikisabay niya kay Gio habang naririnig ang pagtatalo ni Annie at JV sa kabilang linya.

Kung may makakakita lang sa kanya sa mga sandaling iyon, baka isipin ng mga ito na nadudumi siya. Paano niya haharapin ang taong naiisip niyang interesido sa kanya? Okay lang sana kung binata ito. Baka pagtawanan niya lang iyon, o ikonsidera. Pero may asawa ‘yon!

“May customer ka pa ba? Sabihin mo umuwi na’t may lakad ka pa.”

Napailing siya sa kalokohan ng kaibigan. “Wala na akong customer.”

“Oh, wala na pala, eh. Gumora ka na rito. Pakibilis!”

‘Magdahilan kaya ako na masama ang pakiramdam?’ Lumapad ang ngiti niya pero mabilis ding bumagsak ang gilid ng mga labi at ang mga balikat niya. ‘Nakakahiya kay Ma’am Kristine!’

“Gumora na kayo rito, ha. Ingat!” huling sinabi ni JV at saka nito tinapos ang tawag.

Nakagat niya ang ibabang labi at nahilot ang sentido. Naisip niyang tanggihan na lang si Gio. Hindi bale ng mag commute siya, huwag lang niyang makasabay ito.

‘Pero paano kung mali ang mga naiisip mo, Wretch? Na concern lang naman talaga siya sa ‘yo. Na nagagawa mo lang bigyan ng ibang kahulugan ang inaakto niya dahil may asawa ito at pakiramdam mo maling pakitunguhan ka niya ng ganoon?’

Napatunghay siya. Titig na titig sa unahan na animo’y nakikita niya roon si Gio. Naisip niya ang pakikitungo nito sa mga kasamahan nila. Sweet talaga itong tao, maalaga. Naalala niya noong kaarawan ng kanilang head, nagdala pa ito ng cake. Ang pagyakap dito ni Annie at ang pang-aalo nito rito habang umiiyak dahil nagkahiwalay ito at ang boyfriend nito. Ang pakikipagbiruan nito sa mga promodiser. Kung paano ito purihin ng mga ka-trabaho nila. Kung paanong kuya ito at kaibigan ng lahat kapag nasa labas ng trabaho.

‘Ako nga lang ba talaga ang nagbibigay ng ibang kahulugan sa kabutihan niya?’

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now