7

24 5 21
                                    

SA dalawang araw na lumiban si Wretchel sa trabaho, hindi nakaligtaan ni Gio ang mangamusta sa kanya. Maya’t maya nga iyon. Sa tuwi yatang wala itong customer, naka-break at pagka-out ay nakatatanggap siya rito ng text. Nangangamusta, nagtatanong kung kumain na ba siya o uminom ng gamot. Minsan kahit gabi, at alam niyang naroon na ito sa bahay ng mga ito, nakatatanggap pa rin siya ng mensahe mula rito. Nakikini-kinita na niya, nagtatago ito, maghahanap ng tyempo para makapagpadala ng text sa kanya nang hindi nakikita ng asawa nito. O kung may lakas ito ng loob, at kung talagang wala lang dito, na hindi naman totoo ang iniisip niya rito, baka pa kahit kaharap ang asawa nito ay magagawa siya nitong kumustahin. Kahit pa alam niyang napaka-imposible niyon. Pero nang mga sandaling iyon, pagkatapos niyang mabasa ang tatlong salitang iyon, parang tahimik na rin nitong kinumpirma na tama ang naiisip niya rito.

Bakit ito magpapadala ng ganoong text? Bakit siya nito pipigilan? Maliban kung humihingi siya rito ng payo kung tatanggapin niya ba ang alok ng head nila, pero hindi naman. Kaya bakit? Iyon ay alam niyang dahil sa isang dahilan. Naisip niyang muli, ang titig nito, ang maya’t mayang pagte-text nito noong may sakit siya, ang concern na nakapaloob doon, at ang ipinadala nitong text ilang minuto ang nakalilipas. Gusto siya nito? Interisado ito sa kanya.

“Ano, Ma’am Wretch?”

Mabilis niyang naiangat ang ulo kasabay ng pagbubulsa ng kanyang cell phone sa kanyang kulay krema na slacks. Pilit siyang ngumiti sa head nila, na nag-aabang pa rin sa sagot niya, naroon ang nag-uudyok na ngiti sa labi nito.

“Nakakahiya naman, Ma’am,” natatawa pang aniya.

Umismid ito. “Nabanggit na kita roon, ‘no. Ikaw lang kasi, ayaw mo pang tanggapin ang alok ko.”

Idinaan niya sa tawa nang mabakas niya ang pagtatampo sa boses nito sa huling sinabi nito. Hindi niya agad nagawang sagutin iyon. Pinag-isipan niya muna. Nakakahiya naman kasing tumanggi agad-agad. Gusto niyang ikonsidera iyon, mapagbigyan niya lang ang hiling ng head nila.

“Isang dinner. Kung ayaw mo sa kanya after, it’s okay.”

“Itong si Ma’am Kristine mapagpilit. Huwag ninyo hong pilitin si Wretchel dahil narito naman ako,” ani JV na ikinatawa nila pare-pareho.

“Oh, sige. You can join us for dinner. Kayo ni Ma’am Annie.”

“Wow, ha! Ngayon lang talaga naisipang mag-alok,” eksaheradang ani JV na muli nilang ikinatawa. “Eh, Ma’am, kapag sumama ako roon baka sa akin maakit ang bayaw mo.” Nangalumbaba pa ito at kumurap-kurap.

“Puro ka talaga kalokohan,” sabi rito ng kanilang head.

“Hindi iyon isang kalokohan, Ma’am Kris. Baka hindi mo alam, kapag magkasama kami nitong si Wretchel, lahat ng lalaking lumilingon ay sa akin nakatingin.”

“Ano’ng sinasabi? Anong sinasabi?” pagsakay ni Annie rito.

“Bakit raw may kasamang aso si Wretch.”

Napahagalpak sila ng tawa.

“Tuwang tuwa ang mga animal,” dagdag ni JV na ikinatawa pa nila lalo. Maski naman ito ay nakangiti.

Tumayo na lang sila’t lahat at nag-in ay ang tungkol pa sa alok ng kanilang head ang laman ng usapan nila.

“Bakit ba ikaw, Ma’am, ang naghahanap ng mapapang-asawa no’ng bayaw mo?” si Annie.

“Aba, naiinip na kami roon ni Manuel. He’s thirty-six na ano pero wala pa yatang balak mag-asawa,” naiiling na ani ng kanilang head. Para itong ina na problemado sa anak.

Nakarating sila sa harapan ng store. Nasa likod ng mahabang counter ang kanilang tables, kahanay ng cashier. Nakahinga siya nang maluwag nang hindi niya makita roon si Gio. Hindi niya alam kung ano’ng magiging reaksyon niya kapag nakita niya ito pagkatapos niyang maisip na tama ang hinala niya.

“Ano, later sa bahay?” baling sa kanila ng head.

Wala ng pagdadalawang isip na um-oo siya nang pumayag si JV at Annie. Tuwang tuwa naman ang kanilang head at sinabing oorder na ito ng foods.

Naging abala siya buong araw. Pauli-uli siya. Iikot sa buong store kasabay ng customer habang naglilibot ito, pupunta sa cashier para sa transaction, saka muling aasikasuhin ang bagong dating na customer. Para ring sinadya na sunud-sunod na dumating ang mga regular customer niya kaya halos hindi talaga siya nakaupo. Late na rin siyang nakapagbreak. Wala rin siyang oras na alalahanin ang tungkol kay Gio na ipinagpasalamat niya.

Alas sais ang out niya pero naroon pa siya sa store ng alas y media dahil sa regular customer niya na inaasahan na niyang darating sa araw na iyon.  Si JV ay nagsabi na maghihintay sila ni Annie sa locker area pero sinabihan niya ito na mauna na at sumabay na sa kanilang head patungo sa mga ito. Alam naman niya ang bahay nito dahil minsan na silang nakarating doon nang magcelebrate ito ng birthday nito. Ayaw pa sana ni JV dahil kesa raw magco-commute pa siya. Dito kasi siya nakikisabay palagi kapag uuwi dahil pareho lang naman ang daan patungo sa apartment niya at ang daan nito pauwi. Pero sinabi niyang baka matagalan pa siya roon. Pumayag na rin ito kalaunan sa ilang pamimilit niya.

Limang minuto bago ang alas siyete nang makapag-out siya. Pero natigilan siya nang makarating sa locker. Doon, mag-isang nakaupo si Gio. Nakatungo ito at tutok ang tingin sa cell phone nito. Rinig niya pa roon ang pagsasalita ng isang babae na nasisiguro niyang mula sa isang laro.

Inangat niya ang kamay na may hawak na cell phone nang tumunog iyon. Mula kay JV ang text message. Gusto na lamang niyang mapapikit at magsisi na nagpaiwan siya sa mga ito matapos niyang mabasa iyon.

‘Ang tagal mo besh!! Nga pala nariyan si Sir Gio, ha. Wait ka na lang raw niya. Sumabay ka na sa kanya papunta rito.’

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now