22

6 5 8
                                    

HINDI na sila nagtagal pa sa kanilang bahay. Ang balak na sa susunod na araw pa sana ang balik nila sa Santa Rosa ay hindi na niya ginawa. Agad siyang nagyaya kay Giovanni na umuwi na. Nagdahilan na lamang siya sa ina na kailangan niyang pumasok sa trabaho nang maaga dahil may darating na customer sa umaga kahit ang totoo ay alas dose pa naman talaga ang pasok niya.

“Hindi ba pwedeng agahan ninyo na lamang bukas ang biyahe? Alas otso na, Wretchel.”

“Maaga pong darating ang customer bukas, ‘Ma. Ayoko namang pumasok na pagod sa biyahe. Pasensya na talaga, ‘Ma.”

“O, siya, sige. Mag-iingat kayo, ha. Giovanni, mag-ingat sa pagda-drive.”

“Opo, Tita.”

Narinig niya ang pagsinghal ng kapatid na nasa likuran ng kanilang ina. Mukhang hindi nito iyon napansin na ipinagpasalamat niya. Nag-iinit ang mga mata niya makita niya ang talim ng tingin ng kapatid sa kanya. Hindi siya sanay na ganoon ito. Lumaki silang magkasundo. Nagtatalo man sila pero sa maliliit na bagay lamang at agad ding nagkakasundo. Pero sa laki ng kasalanan niya, alam niyang magtatagal ang galit nitong iyon. At hindi niya alam kung paano hihingin ang kapatawaran nito.

Bago pa sila makaalis ay pumasok na ang kapatid sa kwarto nito. Tahimik sila ni Giovanni sa kotse. Tahimik siyang lumuluha. Alam niyang alam nito, alam niyang naririnig nito ang bawat singhot at mahihinang hikbi niya. Nararamdama niya ang panaka-naka nitong pag-abot sa kamay niya ngunit agad niya iyong itinataboy. Nagpapasalamat na lamang siya na hinahayaan siya nito at hindi kinukulit.

Naipit pa sila ng trapiko sa Los Baños kaya naman alas diyes na sila nakarating sa apartment. Walang imik siyang bumaba bitbit ang mga gamit niya. Didiretso na sana siya sa kwarto ngunit pinigilan siya ni Giovanni.

“Hindi mo man lang ba ako kakausapin? Kanina ka pa tahimik. Hinayaan na kita sa sasakyan pati ba naman dito, Wretchel?”

“Umuwi ka na.”

“Paano ako uuwi kung ganito ka?”

“Umuwi ka na!” singhal niya na ikinatigalgal nito.

Nabigla siya nang makita ang gulat nito. Nahahapong nasapo niya ang ulo. Mariin siyang napapikit at pilit na pinapahinahon ang sarili. Ngunit habang nakapikit ay naalala niya ang itsura ng kapatid. Ang galit nito at ang mga sinabi nito. Nangatal ang labi niya sa pagbuhos ng emosyon. Nagmulat siya at nagmamakaawang tiningnan si Giovanni.

“Tapusin na natin ‘to, Gio. Hindi ko... h-hindi ko kakayanin kapag nalaman ni mama ang relasyon nating ito.”

Hindi niya kaya ang galit ng kapatid. Ano pa kaya kapag humalo ang galit ng kanilang ina. Pakiramdam niya ay mababaliw siya. Magalit na sa kanya ang lahat, huwag lang ang mga ito. Sa sasaknyan paulit-ulit niyang pinagagalitan ang sarili. Bakit nga ba binalewala niya ang naiisip noon na darating ang ganitong panahon. Bakit nga ba inuna niya ang sigaw ng puso kaysa sa maaaring maramdaman ng ina at kapatid. Bakit nga ba hinayaan niyang malunod siya sa maling pagmamahal.

“Kaya ako ang isusuko mo? Sabi mo mahal mo ako, Wretchel, pero bakit ngayong nagkakaroon ng problema sa relasyon natin pagsuko agad ang naiisip mo?”

“Anong gusto mo? Ituloy pa natin ‘tong relasyon natin na ‘to? At ano? Paano kapag nalaman ng pamilya ko at ng asawa mo, ha! Hindi mo man lang ba naiisip ang anak mo? Ang mararamdaman niya?”

“Akala mo ba madali sa akin ‘to, Wretchel? Akala mo ba ikaw lang ang nag-iisip at nag-aalala sa mga bagay na ‘yan? Inisang tabi ko ang lahat para sa ‘yo. Dahil mahal kita.”

“Hindi ko sinabing iisang tabi mo sila para sa akin, Gio. Hindi dapat sila. Ako dapat, hindi sila! Maghiwalay na tayo. Itigil na natin ito hangga’t hindi pa ito nalalaman ng asawa mo. Itigil na natin ito hanggat kaya pa nating ayusin ang gusot na ‘to, Giovanni.”

Nakita niya ang bumalatay na sakit sa mukha nito. Ngunit hindi niya hinayaang manlambot ang puso roon. Pilit niyang pinatitigas ang damdamin.

Matagal itong walang imik. Iiwan na sana niya ito roon ngunit muli lang siyang natigilan nang magsalita ito.

“Katulad ka lang din ni Althea. Buong pagmamahal sa una, pero sa pagdaan ng panahon unti-unti ring nawawala. Pagod na ako, Wretch. Pagod na ako na maghanap ng pagmamahal na hindi napapagod. Pagmamahal na hindi nawawala.”

Mabilis niya itong nilingon. Kumakatok ang awa sa puso niya sa nakikitang namumulang mga mata nito. Hindi niya inaasahang maririnig niya ang mga sinabi nitong iyon. Nagsimula ang relasyon nila na wala itong nababanggit tungkol sa asawa nito. Kung may problema ba ang mga ito sa pagsasama nila ay wala siyang ideya. Pero ngayong naririnig niya ang mga sinasabi nito, alam na niya ang sagot doon.

“Kailangan kita, Wretch. Please, huwag mo namang akong iwan, oh.”

Hindi na niya nagawang umatras nang lumapit ito sa kanya. Muli niyang nakalimutan ang mga inaalala. Muling nanaig ang pagmamahal kaysa takot. At sa hindi mabilang na pagkakataon, muli niyang inabot ang kamay nito at tinanggap ang yakap nito.

How Far Would You Go For Love?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon