20

9 4 8
                                    

“Marupok!”

Iyon ang paulit-ulit na itinatawag sa kanya ni JV dahil sa ilang beses na nakipaghiwalay siya kay Giovanni at sa ilang beses na hindi iyon matuloy-tuloy.

“Ano’ng gagawin ko kung ayaw akong tigilan,” naidahilan niya.

“Sus! Kahit kulitin ka nang kulitin no’n, kahit maglumuhod pa ‘yon sa harapan mo, kung ayaw mo talaga wala siyang magagawa.”

Kung martilyo lang ang mga salita ng kaibigan na ipinupukpok sa kanyang ulo, masasabi niyang kulang pa iyon sa lakas. Dahil hindi pa siya tuluyang natatauhan.

“Magdadahilan ka pa. Ang sabihin mo gusto mo rin. Konyatan kita, eh!”

Hindi na niya maipagkakaila, masyado ng gumugulo ang mga emosyon sa buong sistema niya. May pagkakataon na gustong gusto na niyang kumawala sa relasyong mayroon sila ni Giovanni. Lalo pa kapag naiisip niya ang pamilya nito, ang pamilya niya, at sa tuwing naiisip niya ang sarili. Napapagod na siyang magtago, napapagod na siya sa araw-araw na dala ang takot na baka may makaalam pa ng relasyon nila. Ang takot na malaman iyon ng asawa nito at ng ina at kapatid niya. Pero bakit sa kabila ng lahat ng iyon, hindi niya pa rin magawa, hindi niya pa rin kayang iwan at mawala ito sa buhay niya.

“Narinig mo naman sila Mama kanina, ‘di ba, Gio? Iniwan ng tatay ko ang mama ko. May nabuntis na iba at iniwan si Ate ng boyfriend niya. Ng taong pakakasalan sana niya.”

At ang mga salitang iyon na binitawan niya rito, para lang din ‘yong pagpaalala niya sa sarili. Pilit niyang pinupukpok at ginigising ang sarili.

“Nako-konsensya na ako, Gio.”

“Wretchel—”

“Hindi na tama ‘to,” mariing giit niya. “Hindi. Kahit noon pa man hindi na. Noon pa man maling mali na, Gio. Walang patutunguhan ‘tong relasyon na ‘to. Alam nating dalawa ‘yon.”

“Kaya iiwan mo ako ganoon ba?”

“Gio—”

Nanikip ang dibdib niya nang lumayo ito sa kanya. Ang sakit na bumalatay sa mga mata nito ay mas nagpapahirap sa kanya. Para niyong paulit-ulit na pinipindot ang isang switch, ibabalik ang desisyon niya at muling aalisin.

“Alam mo namang hindi ko kaya. Hindi ko kayang mawala ka, Wretch. Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo ang bagay na ‘yon?”

Nanlabo ang mga mata niya at mabilis na umagos ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Parang kinukuyumos ang puso niya sa halo-halong emosyon. Sa takot, pangamba, at dahil sa nagmamakaawang boses ni Gio. Kapag naririnig niya ang mga ganoong salita nito agad na binubura sa isip niya ang binabalak niya. Makita niya lang ang mga emosyong iyon dito, agad na binubura ang lahat ng hindi magandang nararamdaman niya, dahil ito na lang ang natitirang mahalaga para sa kanya.

“Huwag mo akong iwan, Wretch. Please naman, oh.” Muli itong lumapit at mahigpit na yumakap sa kanya. “Love, Please. Mahal na mahal kita, Wretchel.”

At sa hindi mabilang na pagkakaton, natalo na naman siya. Natalo na naman siya ng sariling damdamim. Natalo na naman siya ng pagmamahal niya para rito. Sabihin lang nito na mahal siya nito, magmakaawa lang ito na huwag niya itong iwan ay nabubura na ang tapang niyang putulin ang relasyon nila. Tama nga si JV. Marupok siya. Marupok siya sa pagmamahal niya rito.

“Just give me a little more time. Tatapusin ko ang lahat sa amin at magsasama tayo.”

Mabilis na lumayo siya rito. “What?”

“Magsasama tayo. Ikaw, ako. Tayong dalawa.”

Natitigan niya ito. Naghihintay sa susunod nitong sasabihin. Ngunit walang naging kasunod iyon. Habang nakatitig dito, pakiramdam niya ay ibinubulong ang mga salita ng kanyang ina noong sabihin nito ang pabg-iiwan sa kanila ng kanyang ama.

“Kumplikado ang pag-ibig, anak. May mga pag-ibig kasi na akala mo tama pero mali. At may mga pag-ibig na kahit mali gusto nating maging tama. Ipipilit nating maging tama para sa sarili natin. Kaya nga umalis ang papa mo at sumama sa babae niya. Iyon kasi ang naisip niyang paraan para maitama ang pagmamahalan nila na mali. Ganoon ang nagagawa ng pag-ibig.”

Ikaw at ako. Tayong dalawa. Pakiramdam niya ang mga salitang iyon ang martilyo na may pinakamalakas na pwersa na pumukpok sa ulo niya at gumising sa kanya.

Ikaw at ako? Tayong dalawa? Nasaan si Dianne? Hindi ba siya kasama sa plano mo nang planuhin mong magsasama tayo?’

Naninikip ang dibdib niya kapag naiisip niya na siya ang nasa katauhan ni Dianne. Ganoon din ba nang iwan sila ng kanilang ama? Hindi na ba sila pumasok sa isip nito nang sumama ito sa babae nito? Limang taon lamang si Dianne. Mas bata pa ito sa kanya nang maghiwalay iwan sila ng ama. Hindi man siya ganoong nasaktan dahil sa totoong dahilan ng paghihiwalay ng kanilang mga magulang, pero hindi matatawaran ang nararamdaman niyang pangungulila sa papa niya.

Iyan ba ang pagmamahal na gusto mo, Wretchel? Pagmamahal na may masasaktan na isang inosenteng bata?’

“Wretchel.”

Mabilis na napalingon siya sa pinanggalingan ng boses. Nanlalaki ang mga matang napatayo siya sa kinauupuan nang makita ang nakatayo hindi kalayuan sa kanila na kapatid. “A-Ate.” Pakiramdam niya ay nanigas ang buong katawan niya nang maalala ang mga  napag-usapan nila ni Giovanni. Bumilis ang tibok ng puso niya sa takot na baka narinig nito ang mga ito.

Sa labis na pagkabila ay wala siyang nagawa kung ‘di panoorin ito nang mabibilis ang mga hakbang nito nang lumapit sa kanila. Wala pahintulot nitong kinuha ang kamay ni Giovanni. Gusto niya itong sawayin ngunit hindi niya mahagilap ang dila. Hindi niya mahagilap ang tapang para patigilin ito.

“Kasal ka na.”

Muling nanlaki ang mga mata niya sa narinig dito. Hindi ito nagtatanong. Hindi rin iyon nanghihingi ng kumpirmasyon.

“A-Ate, a-ano bang sinasabi mo.”

Hindi siya nito sinagot. Nanatili ang tingin nito sa kamay ni Giovanni na nanatili nitong hawak saka nito iyon pabalang na binitawan.

“Alam mo bang kanina ko pa napapansin sa lamesa pero hindi ko magawang magsalita sa takot na baka totoo ang naiisip ko. Ngayon sabihin mo, Giovanni. May asawa ka, hindi ba? Kasal ka na.”

Sa riin ng bawat bigkas nito sa mga salita, alam niyang galit ito at nagtitimpi lang.

Mahina niya itong itinulak at humarang siya sa harapan ni Giovanni na noong mga sandaling iyon ay tulala at mukhang katulad niya ay nabigla sa sinasabi ng kapatid niya.

“Ano bang pinagsasasabi mo,” mariin at halos pabulong na aniya sa kanyang Ate Wren.

“Hindi mo alam? May asawang tao ‘yang kinakalantari mo, Wretchel! Tingnan mo ang kamay niya. Tingnan mo!”

Pakiramdam niya ay sinampal siya sa salitang iyon ng kapatid. Sa kabila niyon ay napalinga siya. Natatakot na baka naririnig sila ng ina.

“Hindi mo napapansin, Wretchel? Halatang halata sa daliri niya na inalisan ng singsing.”

“Iyon lang? Dahil lang doon kaya ka nagkakaganyan?”

“Bakit, hindi ba totoo, ha? Sabihin mong hindi totoo, Giovanni. Sabihin mo! Umamin ka na ngayon. Magpakalalaki ka!”

“Tumigil ka na, please,” mariing aniya. Kung hindi siya nakapagtimpi ay baka hindi na niya napigilan ang pagtaas ng boses.

Mabilis ang hininga nitong tumitig sa kanya. Kahit pa natatakot sa galit na nakikita niya sa mga mata nito ay hindi niya inalis ang tingin dito.

“Alam mo. Alam mong may asawa siya, Wretchel.”

Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng tubig. Hinahanap niya ang boses para itanggi iyon ngunit tila nilayasan siya niyon. Pati sarili niya ay para bang pinipigilan siyang gawin iyon.

“Hihiwalayan mo siya. Kapag hindi mo ginawa, ako mismo ang magsasabi kay mama nito.”

Tinalikuran sila nito at iniwan doon pero nanatili sila sa pwesto. Tulala at walang imik. Hindi siya lubusang makapaniwala sa nangyari. Sa bilis ng mga pangyayari. Hindi siya makapaniwala na mabilis na darating ang araw na kinatatakutan niya. At niyon niya lang napagtanto na hindi niya iyon lubusang napaghandaan. 

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now