24

15 5 8
                                    

Nakita niya ang pagtayo ni Giovanni, nakita rin niya ang galit na bumalatay sa mukha nito. Nagsalita ito at kahit hindi niya naririnig alam niyang nagagalit ito kay Althea habang ang huli ay nanatiling nakaupo, walang imik na nakatingin lang sa lalaki. Seryoso ang mukha ni Althea ngunit nang tingnan niya ang mga mata nito ay roon niya nakita ang tunay na emosyong nararamdaman nito.

Parang nilamukos ang puso niya habang pinapanood ang mga ito. Naalala niya ang ina at kapatid. Naalala niya ang mga luhaang mukha ng mga ito noong mga panahong labis na nasasaktan. Naalala niya ang pagbabanta ng kapatid.

Ikaw lang din ang maglulubog sa sarili mo, Wretchel, dahil sa maling pagmamahal. Makipaghiwalay ka sa lalaking iyon kung ayaw mong mawalan ka ng kapatid.’

Alam niyang galit lang ang kapatid kaya nito nasabi ang bagay na iyon. Pero kilalang kilala niya ito. Mabilis itong mawalan ng amor sa isang tao kapag nasaktan. At sa laki ng kasalanang nagawa niya, natitiyak niya, na hindi malayong matulad siya sa ama na ibinaon na sa likot ng kapatid.

Natigil siya sa pag-iisip nang malingunan si Giovanni at si Althea. Naglalakad na ang mga ito patungo sa pinto ng café. Nauuna si Giovanni at nakasunod dito si Althea, parehong mabibilis ang mga hakbang. Nahigit niya ang hininga nang makita niyang sa kanya papunta si Giovanni. Gustong umurong ng mga paa niya. Gusto niyang tumakbo palayo roon. Naduduwag siyang humarap sa mga ito pero para siyang nilayasan ng lakas at wisyo. Wala siyang nagawa kung ‘di manatailing nakatayo roon at maghintay sa paglapit ng mga ito.

Ang tapang mong pumatol sa may asawa pero duwag ka namang humarap sa asawa.’ Parang naririnig niya pa ang nanunuyang boses ng kapatid.

Nawala ang lahat ng isipin at ang lahat ng emosyon niya nang mga sandaling iyon. Natuon ang buong atensyon niya kay Giovanni na ilang hakbang na lang ang layo sa kanya at kay Althea na patuloy na humahabol dito. Galit pa rin ang nakarehistro sa mukha ni Giovanni at ganoon na rin ang nakikita niya kay Althea. Hindi na niya mabakas ang sakit na nakikita niya sa mga mata nito kanina.

“Ano, mas pipiliin mo pa ‘yang babae mo, ha.”

Sa kabila nang ilang hakbang na layo ng mga ito at sa hina ng pagsasalita ni Althea ay hindi iyon nakatakas sa pandinig niya. Mabilis ang naging paghinto ni Giovanni at hinarap si Althea. Nakita niya ang pagtiim ng panga nito.

“Tumigil ka na,” mariin at may pagbabanta ani Giovanni sa asawa.

Nagpatuloy ito sa paglalakad patungo sa kanya. Habang ang paningin niya ay natuon kay Althea na nanatili na lamang sa kinatatayuan. Nakasalubong niya ang nanlilisik nitong tingin.

“Halika na, Wretch.”

Tuluyang nakalapit si Giovanni at agad siya nitong hinawakan sa braso. Kusang humakbang ang mga paa niya at nagpatianod sa paghila nito. Ngunit ilang hakbang na lang bago sila makarating sa kotse nito ay naramdaman niya ang paghila sa kabilang braso niya dahilan ng paglingon niya sa gumawa niyon at isang sampal ang sumalubong sa kanyang pisngi.

Parang may kung ano’ng umugong sa kanyang tenga dahil sa lakas niyon. Narinig niya ang malakas na pananaway ni Giovanni kay Althea at ang pagyakap nito sa kanya pero ang isip niya ay naroon pa sa sakit na dala ng sampal ng babae. Tanging naiisip niya nang mga sandaling iyon ang hapdi sa mukha, ngunit binabalewala ang iyak na naririnig kay Althea.

Niyon niya napagtanto, may mga pagkakataon pala talaga na nararamdaman niya lang ang mahalaga para sa kanya. At ang nararamdamang pagmamahal lang kay Giovanni ang mahalaga sa kanya nang mga panahong iyon. Ginusto niyang balewalain noon ang mga maaaring mangyari kapag pumasok sila nito sa isang mali at ipinagbabawal na relasyon. Ginusto at piniling kalimutan ang mga maaaring masaktan dahil walang ibang mahalaga sa kanya noon kung ‘di ang pagmamahal niya rito.

Ganoon ba talaga ang nagagawa ng pagmamahal? Nagiging makasarili ka, nagiging sakim. Nagagawa nitong paikutin ka. Nagagawa nitong utusan ka na ibuhos lahat, na gawin lahat para sa taong mahal mo kahit pa magmukha ka ng tanga. Nagagawa nitong bulagin ka, maging bingi. Ganoon nga ba ang pagmamahal? Ngunit kung pagmamahal iyon bakit nito nagagawang sirain ako?

‘Tama ka nga, Ate Wren. May mga bagay nga na mas mainam na pakawalan. Iyon ‘yong mga bagay na hindi na makabubuti sa atin. Mga bagay na sisira sa atin kahit gaano pa natin ‘yong kamahal. Mga bagay na kahit pilitin natin ay hindi talaga para sa atin.’

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now