6

24 6 13
                                    

“OKAY lang ako, Sir Gio. Hindi ninyo naman na kailangang dalhan pa ako ng pagkain,” mababa ang boses na wika ni Wretchel sa kabilang linya.

“Are you sure? Nag-aalala lang naman ako, Wretch.”

Mariin siyang napapikit dahil may kung ano sa boses nito, na para bang nahihimigan niya ang lungkot doon. Dahil ba sa pagtanggi niya?

“Okay lang po talaga ako, sir.” Binahiran niya ng mahinang tawa iyon.

Nagpaalam na siya rito. Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito at pinatay na ang tawag. Gusto niya sana itong tanungin tungkol sa naisip niya kanina, pero ayaw niyang isipin nito na pinag-iisipan niya ito ng masama. Sa nakilala niyang ugali nito, natitiyak niyang itatanggi lang nito sa mahinahong pananalita ang naiisip niya kung hindi man iyon totoo. At malalaman niya kung nagsasabi ito ng totoo.

Pero paano kung tama ang hinala niya? Hindi siya ipinanganak kahapon. Hindi na bago sa kanya ang ganoong paraan ng tingin para hindi maramdaman sa sarili kung para saan iyon, kung ano ba ang ibig sabihin niyon. Tingin na napakagaan, na para bang kahit hindi nakangiti ang labi nito ay nakikita niya ang kislap ng saya sa mga mata nito sa tuwing nahuhuli niya itong nakatitig sa kanya. Kaya ayaw niyang tanungin dahil ayaw niyang mabahiran ng hindi maganda ang pagkakaibigan nila at ayaw niyang malaman na totoo ang naiisip niya.

Muli niyang tiningnan ang cell phone nang tumunog iyon hudyat na may nagpadala ng text message. At tama ang hula niya, galing iyon sa kausap niya lang kanina.

‘Text me if you need anything.’

Nagsalubong ang kilay niya. Aaminin niyang hindi niya iyon nagustuhan. Nawiwirduhan siya sa sitwasyon. May mga kaibigan siya na ganoon din naman kung magsalita, pero bakit pagdating dito ay parang hindi maganda? Bakit parang naiilang siya at dinadala siya sa hinala niya? O dahil sa katotohanang may asawa ito?

Dalawang araw siyang hindi nakapasok sa trabaho. Sabado na siya nakabalik. Day off niya sana iyon pero ipinasok na niya. Magaan naman na ulit ang pakiramdam niya. Hindi na siya binalikan ng trangkaso simula nang nagdaang gabi. Pero parang gusto na lamang niyang magsisi kung bakit hindi niya ginamit ang day off niya nang hindi niya inaasahang makikita roon si Giovanni. Day off rin kasi nito ang araw ng Sabado kaya panatag siya kanina na hindi niya ito makikita roon. Pero ito pa ang una niyang nakita pagpakapasok na pagkapasok niya sa locker room.

“Okay ka na?”

“Okay na, sir.” Tipid siyang ngumiti rito.

Lumapit pa ito sa kanya nang naroon na siya locker niya. Umupo ito sa lamesang nasa harapan ng locker niya. Masyado na yata siyang nadadala sa mga naiisip niya tungkol dito na maski ang pag-upo nito sa table kung saan siya naroon ay binibigyan niya ng kahulugan. Madalas naman kasi, kahit maaga pa mag-i-in na ito. Hindi nito hilig ang tumambay sa locker room.

Ayaw niyang ibaling dito ang tingin kaya inabala niya ang sarili sa pagre-retouch ng make up kahit hindi naman na kailangan at sa pag ganti ng ngiti sa mga sales promodiser na bumabati sa kanya. Naitim niya ang bagang nang marinig ang boses nito na mahinang tumawag sa pangalan niya, laking pasalamat niya nang may sumapaw rito.

“Oy, Ma’am Wretch, pumasok ka pala?”

“Hi, Ma’am Annie, Ma’am Kristine, good morning po!" nakangiting bati niya sa kapwa sales consultant at sa head nila na kararating lang. Tahimik niyang pinasalamatan ang pagdating ng mga ito.

Bumati rin ang mga ito sa lalaking nasa harapan niya.

“Okay ka na? Day off mo naman ngayon, sana ipinahinga mo na rin," ani Ma’am Kristine na umupo sa puno ng lamesa. Ang kasabay naman nitong si Annie ay kanang gilid niya umupo.

“Sayang ang araw, Ma’am.”

“Sus, masyado kang nagpapayaman. Bakit, mag-aasawa ka na ba?”

Nanunukso ang tingin ng mga ito. Tinawanan niya lang iyon.

“Silence means yes,” ani ng kanilang head na pumitik pa.

“Kow, paano mag-aasawa ‘yan, Ma’am Kris, wala nga ‘yang jowa,” sabat ni JV na naroon pa sa tapat ng guard sa gilid ng pinto at mukhang naabutan ang panunukso sa kanya. Sinimangutan niya ito. Nginisihan naman siya nito at inirapan.

“Ayaw mo pa kasing tanggapin ‘yong inirereto ko, eh.”

“Sino po, Ma’am? Si Ethan?” si Annie.

“Oo, ‘yong bayaw ko. Mabait iyon, Wretch. Ako na nagsasabi sa ‘yo.”

“Pogi pa,” kinikilig na dagdag ni JV na umupo sa kaliwa niya.

“Ano, ipakilala ba kita? Dinner ka sa bahay namin later. Naroon ‘yon.”

Nakatutok sa kanya ang tingin ng tatlo, pare-parehong may nanunuksong ngiti at nag-aabang na ikinatawa niya. Sasagot na sana siya pero nabaling ang tingin niya sa kaharap nang tumayo ito. Nagpaalam ito sa mga kasama nila sa lamesa na papasok na ito. Pinigilan pa ito at sinabing maaga pa pero anito na may customer na naghihintay rito sa loob.

Wala sa sariling nasundan niya ito ng tingin hanggang sa makaikot ito patungo sa entrance ng store. Sa kanyang cell phone sunod na bumaling ang tingin niya nang tumunog iyon. Humigpit ang hawak niya roon nang mabasa ang text message roon, kasabay ng mabilis na pintig ng kanyang puso.

Please say no.

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now