19

8 5 10
                                    

APAT na malalaking bote pa ng beer ang nabuksan nila. Hindi siya ganoong kalakas uminom ng alak kaya naman bago pa nila maubos ang pangatlong bote kanina ay ramdam na niya ang pamamanhid ng katawan at ang pagkahilo. Dala marahil ng kalasingan kaya naman mas kumakapit na ang tapang sa kanya. Muli siyang nagtipa sa cell phone at sa pagkakataon na iyon nagawa niya iyong ipadala kay Giovanni. Ilang ulit niya pang binasa iyon. Buong buo ang loob na iyon ang dapat na gawin.

‘Tama lang ‘yan, Wretch. Walang patutunguhan ang maling relasyon. Hindi mo ito deserve. Tama lang ‘yan,’ pangungumbinsi niya sa sarili.

Ibinagsak niya ang cell phone sa kanyang gilid. Muli niyang inabot ang baso sa lamesa at sinalinan iyon ng alak. Pero ang tapang na nararamdaman niya? Panandalian lang na kumapit sa sistema niya dahil muli siyang nilayasan niyon. Habang iniinom ang alak ay saka bumuhos ang mga luha niya. Mabilis niyang naibalik ang baso sa lamesa. Naisubsob niya ang mukha sa nangangatal na kamay. Natigil sa pag-uusap si JV at Ethan kaya naman ang malakas na hagulgol niya ang yumakap sa buong apartment.

“Huy, Wretch, ano’ng problema?”

Mas lumakas ang hagulgol niya sa pagtatanong ni JV. Mas nadama niya ang pait na nararamdaman sa nag-aalalang boses nito. Damang dama niya ang pamimigat ng didbib na kahit ano’ng gawin niyang paghabol sa paghinga at pagbuga ng hangin ay hindi iyon mawala-wala.

“Bakit ba bigla-bigla ka na lang umiiyak? Mukha naman ‘tong shunga, eh.”

Naramdaman niya ang pagyakap ni JV at ang pang-aalo nito pero hindi natigil sa pagluha ang mga mata niya. Hindi natigil sa pagtakbo ang isip niya. Buong buo na ang loob niya kanina na matapang niyang haharapin ang mga susunod na araw na tapos na ang lahat sa kanila ni Giovanni. Pero bakit ngayon, isipin pa lang iyon ay hindi na niya kinakaya ang sakit?

Hindi niya alam kung gaanong katagal na humahagulgol siya. Nang matigil iyon ay tahimik na pag-iyak na lamang ang ginawa niya. Hindi niya rin alam kung gaano katagal na ganoon. Naramdaman na lang niya ang paghapdi ng mga mata ay patuloy pa rin sa pagpatak ang mga luha niya roon na para bang hindi nasasaid iyon.

Luhaan pa siya nang bumukas ang pinto ng apartment. Mabilis siyang napatayo nang makita ang pumasok doon. Si Giovanni. Hindi pa siya nakakahuma sa gulat kung bakit ito naroon nang ganoong oras, mabilis na siyang nilapit nito.

“Ano ‘yong text mo, Wretch. Ano’ng ibig sabihin no’n?”

Hindi niya makita ang galit dito sa kabila ng pagtaas ng boses nito. Ngunit hindi niya rin lubusang maintindihan kung ano’ng emosyon ang mayroon ito. Salubong ang kilay nito, matalim ang tingin ngunit nababasa niya ang nakapaskil na sakit sa mga mata nito.

“Nakikipaghiwalay na ako, mahirap bang intindihin ’yon?”

Narinig niya ang pagsinghap ni JV sa kanyang gilid. Nanatili ang tingin nila ni Giovanni sa isa’t isa kahit pa nakikita niya sa gilid ng paningin ang pagkilos ng dalawa ni Ethan, nilampas ng mga ito si Giovanni at lumabas ng apartment.

“Iiwan mo na ‘ko?”

Hindi siya nakasagot. Naitim niya ang bibig at lumayo dito. Nilalabanan ang sariling lingunin ito. Hindi  niya kaya na makita ang mukha nito. Baka hindi niya kayanin at bumigay siya.

“Bakit? Hindi mo na ba ako mahal, ha?”

Mariin siyang napapikit. Pigil na pigil niya ang bibig na bumukas at sagutin ito. Kung alam lang nito kung gaano niya nilalabanan ang sarili. Kung paanong niya pinipigilan ang bibig na bawiin ang pakikipaghiwalay dito. Kung alam lang nito kung gaano siya kahandang magpakatanga muli para rito.

Naikuyom niya ang mga kamay nang makita ang paglapit nito. Mas lumayo siya rito kasabay ng paglingon. Pilit niyang ipinapakita ang tapang sa kanyang itsura.

“Tama na, Gio. Ayoko na nga. Itigil na natin ‘to!”

“Hindi mo na ako mahal?”

Nakapikit na napabuga siya ng hangin. Nakakaramdam na ng galit sa paulit-ulit na pagtatanong nito nang ganoon. At mas nararamdaman niya ang matinding galit para sa sarili. Napakadali lang sana na magsinungaling dito na hindi na niya ito mahal para matapos na ang lahat, ngunit hindi niya magawa. Manloloko siya, hindi ba? Niloloko niya ang asawa nito, pero bakit hindi niya magawang magsinungaling dito?

“Mahal kita, Wretch. Alam mo naman ‘yon, ‘di ba? Huwag namang ganito, oh. Please, Wretchel. Huwag mo akong iwan.”

At nang maramdaman ang pagyakap nito, doon na muling bumuhos ang mga luha niya na kanina niya pa pilit na sinasaway.

“Tama na, Gio. Please. Itigil na natin,” humahagulhol na aniya. Pilit niyang kinakalas ang mga braso nitong nakapulupot sa kanyang katawan ngunit mas lalo lang nitong hinihigpitan iyon.

“Hindi ko kaya, Wretch.”

Nanigas ang katawan niya at pakiramdam niya natigil sa pagluha ang mga mata niya nang marinig ang pangangatal ng boses nito. Mabilis niya itong nilingon. At hindi makapaniwalang napatitig siya rito nang makita niya ang namumula nitong mga mata.

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now