23

12 6 5
                                    

‘Magkita tayo mamaya. 6 p.m. Sa Rosand Café.’

Titig na titig siya sa kanyang cell phone. Nakabukas doon ang isang mensahe mula kay Althea. Nang matanggap niya iyon, kahit nasa kalagitnaan ng pagta-trabaho ay nagmadali siyang nagtungo sa comfort room. Nangangatal ang mga kamay niyang hawak.ang cell phone, para siyang ibinilad sa arawan dahil sa pamamawis ng buong katawan at daig niya pa ang tumakbo ng kilo-kilmetro sa bilis ng tibok ng puso niya.

Hinugot niya ang lakas at nagtipa ng reply rito. ‘Sorry pero hindi ako makakapunta ng 6. 8 p.m. pa ang out ko.’ Nang ma-i-send niya iyon ay muli siyang nagtipa. ‘May problema ba?’ Ramdam niya ang pamimigat ng mga daliri at kinailangan niya pang bumuga ng hangin para kumuha ng lakas para i-send iyon. Nakagat niya ang ibabang labi sa antipasyon sa paghihintay ng reply nito, umaasa na mayroon itong dahilan para hindi magawang makipagkita ng alas otso ng gabi sa kanya.

Pero nabigo siya.

‘Okay. 8 p.m. Sa Rosand Cafe.’

Naghintay pa siya sa susunod nitong reply para sa huli niyang mensahe rito. Ngunit ilang minuto na ang lumipas ay wala na siyang natanggap pa. Nanlalambot na napasandal siya sa dingding. Mariin siyang napapikit at dumiin ang hawak sa kanyang cell phone.

Hindi niya inakala na magiging masikip nang ganoong kabilis ang mundo nila ni Giovanni pagkatapos malaman ng kanyang kapatid ang relasyon nila. Nang makauwi sila nang gabing iyon mula sa kanilang bahay ay tinanggap niya lang muli ang lalaki sa kanyang buhay sa kabila ng labis na takot. Ngunit hindi niya inaasahan na dalawang araw lamang pagkatapos ng gabing iyon ay darating nang muli ang isa pang bagay na labis niyang kinatatakutan. Ngayong nakatanggap siya ng text message mula kay Althea natitiyak niyang may alam na ito tungkol sa relasyon nila ni Giovanni at hindi niya alam kung dapat niya bang ipaalam iyon sa lalaki.

Sa huli, nagdesisyon siyang hindi ipaaalam kay Giovanni ang tungkol sa text message ni Althea at ang pakikipagkita nito. Nang makapag-out sila ay nagsabi itong hindi muna ito makakadaan sa apartment niya dahil kinailangan nitong umuwi agad.

“Pupunta si Althea sa mama niya. Ihahatid daw ‘yong ipinabiling herbal,“ sagot ni Gio nang usisain niya ito.

Iyon ba ang dahilan na sinabi rito ni Althea?

Sa halip na dumiretso sa Rosand Café ay tinanggap niya pa ang alok nitong ihahatid siya sa apartment niya dahil wala siyang maisip na dahilan. Natitiyak niyang uusisain pa siya nito kung bakit siya pupunta sa Rosand kapag sinabi niyang pupunta siya roon at baka pa mag-alok na ihatid siya roon.

“Kumain ka na. Magte-text ako pagkauwi ko.”

Tumango lang siya. Humalik ito sa kanya bago umalis. Kung sa ibang pagkakataon na wala siyang pupuntahan ay baka nalungkot siya sa hindi nito pagdaan sa apartment niya. Tiyak na aabutin ng ilang pagpapaalam nito bago ito umalis dahil lalambingin pa siya nito. Nasanay na siya na ihahatid siya nito at mamamalagi ito roon ng kahit man lang kalahating oras para lang masabayan siyang kumain. Naging routine na nila iyon.

Nang maihatid siya nito sa apartment at nang makaalis ito ay saka siya umalis papunta sa Rosand.  Sa kinse minutong biyahe papunta roon ay wala siyang ibang ginawa kung ‘di mag-isip ng kung anu-anong senaryo. Naroong bubuhasan siya nito ng tubig, sasampalin, o sasambunutan. Masyado na yata siyang nadadala sa mga pinapanood niyang drama. Pero alam niyabg hindi malayong mangyari iyon at alam niya rin naman niya sa sarili na deserve niya iyon. Niloko niya ito kaya hindi siya dapat magalit dito kung sakali mang gawin nito ang ganoong bagay. Karapatan nito ang magalit dahil sa pagtataksil nila ng asawa nito.

Nakarating siya sa Rosand. Mayroon pang malawak na parking lot na kailangan niyang lakarain at kulang na lang ay hilahin niya ang mga paa para humakbang. Ilang ulit siyang tumigil para lang bumuga ng hangin na hindi naman nakakatulong dahil nanatili ang animo’y bato na nakabara sa baga niya at kahit ano’ng pagpapakalma ang gawin niya ay hindi natitigil sa bilis ang tibok ng puso niya.

Gusto niyang magmatapang. Ipakita na hindi siya apektado. Na nagawa niya nga ang ganoong bagay kaya bakit ngayon na haharapin niya ang asawa ng sinasabi ng kapatid na kinakalantari niya ay ganoon na lang ang kaba niya. Pero hindi niya magawa. Dahil aminin man niya sa sarili o pilit na itanggi, naroon sa puso niya ang takot na makita ang galit nito.

Muntik na siyang mapatalon sa kinatatayuan nang tumunog ang cell phone niya. Nagtext si Althea. Hindi na niya kailangang buksan iyon para alamin kung ano ba ang sinabi nito dahil lumitaw na iyon sa screen.

‘Narito na ako.’

Hindi na siya nagreply. I-si-nilent niya muna ang cell phone sa isip na baka tumawag si Giovanni bago iyon isinilid sa kanyang shoulder bag. Muli siyang nagpakawala ng hangin bago muling nagpatuloy sa paglalakad.

Nang gabing iyon hindi niya kung may sarili bang kilos ang tadhana o ang tao ba ang gumagawa ng tadhana. Bago pa man siya makarating sa pinto ng café ay natigilan na siya matapos niyang makita ang dalawang tao sa isang lamesa sa loob ng café na naroon sa tabi ng glass wall. At parehong nakatingin ang mga ito sa kanya.

Pakiramdam niya ay ipinako ang mga paa niya habang nakatingin kay Althea na nanatiling walang emosyon ang mukha at sa kaharap nitong si Giovanni na bakas ang labis na gulat sa itsura.

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now