13

10 5 5
                                    

𝐓𝐆: 𝘊𝘩𝘦𝘢𝘵𝘪𝘯𝘨

TANGING pag-iyak ang nagawa ni Wretchel nang matauhan sa ginawa. Malakas niyang itulak si Giovanni palayo sa kanya. Sinubukan pa siya nitong aluin at yakapin pero mabilis niya itong tinalikuran. Pumasok siya sa kanyang silid at ini-lock iyon. Naninikip ang dibdib niya sa katotohanang nakalimot siya. Nakalimot siya na may asawa itong tao, na isang pagkakamali ang nangyari sa pagitan nilang dalawa, at sa katotohanan na sa ilang minutong magkalapat ang mga labi nila ay ginusto niya iyon.

Nilalamon ng guilt ang puso niya. Nanggaling na sila sa ganoong sitwasyon ng kanyang pamilya.  Ang kanyang ina at kapatid, niloko at iniwan para sa ibang babae. Kaya nag-uumapaw ang pagsisisi sa puso niya. Hindi siya makapaniwala na nagawa niyang kalimutan ang sakit na dinanas ng mga ito at ngayon nagagawa niya pang maging katulad ng mga babaeng naging dahilan kung bakit hanggang ngayon ay may sugat sa puso ng mga ito.

Sa kabila ng malakas na paghikbi, naririnig niya ang ilang ulit na pagtawag ni Giovanni, ang pagkatok nito sa pinto ng kwarto niya at ilang ulit na pangungumbinsi na mag-usap sila, na kalaunan ay natigil lahat. Hindi niya alam kung gaanong katagal ang lumipas, napagod na lamang ang mga mata niya sa pagluha at nakaramdam na lamang siya ng kapaguran at antok, bago niya narinig na nagpaalam ito na aalis. Nagmakaawa pa ito na sana sa susunod na araw ay magawa na niya itong kausapin. Pero hindi niya kailanman ito pinaunlakan. Nagsumikap siyang hindi na muli mapalapit pa rito. Maski ang tingnan ito ay pinaglalabanan niya. Hindi na niya inisip kung may makakapansin ba sa ginagawa niyang pag-iwas dito. Tanging gusto na lamang niya ay makalayo rito. 

Kung ano namang paglayo niya rito, ramdam niya na mas tumitibay ang kagustuhan nitong mapalapit sa kanya. Kaya naman iniisip na lamang niya na isa itong kasalanan na kailangan niyang layuan. Isa itong sakit na kailangan niyang iwasan na dumapo sa kanya. Hangga’t maaari hindi siya nagpupunta sa isang sulok ng hardware store na siya lamang, dahil sa ganoong pagkakataon ito kumukuha ng tyansa na makausap siya. Ilang beses na rin itong nagtungo sa apartment niya. Magsusugat lang ang kamao nito sa pagkataok sa pinto pero nunka niya itong pagbubuksan. Ginawa niya ang lahat ng alam niyang pag-iwas. At sa loob ng tatlong buwan ay nagawa niya ‘yong mapagtagumpayan.

Ngunit hindi niya itatanggi na sa loob ng tatlong buwan, ilang beses na lumambot ang puso niya. Sa ilang beses na pagmamakaawa nitong kausapin niya, na harapin niya sa tuwing naroon ito sa labas ng apartment. Sa ilang pagkakataon na nag-iwan ito ng bulaklak, ng pagkain. At sa hindi mabilang na pagkakataon na nag-iwan ito ng note sa table niya o sa pinto ng apartment niya, na palaging naroon ang pagpapaalala na mahal siya nito, na naroon lang ito para sa kanya, na handa itong gawin ang lahat para sa kanya.

Hanggang sa naramdaman na lamang niya na ang pader na pilit niyang binubuo sa puso ay unti-unti nitong natitibag. Hanggang sa nagawa na lamang niyang aminin sa sarili, na oo, tama ito. Na totoong gusto niya rin ito. Noon pa man. Noong unang beses niya itong makita at pilit lamang nilalabanan iyon dahil sa kaalamang may nauna na sa buhay nito at nakatali na ito sa iba. At ngayon, napagod na ang puso niyang magkunwari na hindi naapektuhan sa presensya at sa mga ginagawa nito. Nakita na lamang niya ang sariling pinagbubuksan ito ng pinto at ikinukulong ito sa kanyang mga bisig.

Punong puno ng kasiyahan ang puso niya sa tuwing nasa bisig nito. Pakiramdam niya ay mas gumaan pa ang kalooban niya sa ginawa niyang pagbibigay ng pag-asa sa kanila ni Giovanni. Para bang iwinaksi sa kung saan ang bigat sa dibdib na dala-dala niya sa ilang buwan na hindi niya ito kinakausap at pinapansin.

Nang pagbuksan niya ito ng pinto noong gabing iyon, tahimik silang nagkasundo nito na bigyan ng pagkakataon ang mga sarili, na bigyan ng pagkakataon ang nararamdaman nila para sa isa’t isa. Nang mga sumunod na araw, nilamon ng kasiyahan ang kaba sa kanyang puso at mas nanaig ang pagmamahal kaysa takot.

Maaga pa lamang ay nasa apartment na niya ito, o kung hindi man ay maaga sila nitong papasok sa trabaho. Naging simpleng kaligayahan na ang panakaw na paghahawak ng kamay habang nakaupo sa tagong parte sa locker area. Ang pagngiti sa isa’t isa sa tuwing magkakasalubong saan mang parte ng pinagta-trabahuhan. Pagkatapos ng trabaho, bago ito umuwi ay dumadaan pa ito sa kanyang apartment: sinasabayan siya nito sa kanyang paghahapunan, ipinagluluto.

Hindi nagbago ang mga kilos nito noong mga panahong iniiwasan niya ito. Naroon pa rin ang palagi nitong pagbibigay ng regalo, ng bulaklak, pagdadala ng mga paborito niyang pagkain. Naroon pa rin ang mga palagi nitong pagsasabi kung gaano siya nito kamahal.

“Thank you, Wretch.”

“Hm? Para saan?”

“For accepting me.”

Nag-init ang mga mata, parang may kung ano’ng bumibikig sa kanyang lalamunan. Naninikip ang dibdib niya.

“Mahal kita, eh.”

Tanging si Giovanni muna ang inalala niya. Ito at ang pagmamahal niya rito. Walang iba. Inisang tabi niya ang takot, ang guilt, ang katotohanang pangalawa lamang siya sa buhay nito, ang katotohanang kabit siya, ang mga pangamba kung ano ba ang maaaring mangyari. Inisang tabi niya ang lahat at itinuon ang atensyon niya sa pagpaparamdam dito ng kanyang pagmamahal. At sa unang dalawang buwan ng kanilang relasyon, napuno iyon ng mga lihim na pagtatagpo na sila lamang ang nakakaalam.

How Far Would You Go For Love?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon