15

9 5 7
                                    

“AALIS pa ba tayo o gusto mong dumito na lang tayo sa apartment maghapon?”

Hindi niya sinagot si Giovanni. Nanatili siyang nakapikit habang nakaunan sa dibdib nito. Tanging kumot ang bumabalot sa mga katawan nilang kapwa walang saplot. Ramdam niya ang mararahang haplos nito sa kanyang buhok na lalong nagpapalalim sa iniisip niya.

Walang siyang lakas na umalis sa pwesto dahil sa mga naiisip. Pagkatapos ng nangyari sa pagitan nila, binabalot siya ng takot dahil sa isang tanong na namutawi sa isip niya. Paano kung magbunga ang ginawa nilang iyon? Hindi na iyon ang unang beses na may namagitan sa kanila kaya naman hindi niya maintindihan kung bakit binabalot ng takot ang puso niya at lumulukod sa kanya ang guilt.

Sa dalawang buwan ng relasyon nila ni Giovanni ilang beses niyang pinagbawalan na lamunin siya ng ibang emosyon. Tanging inisip niya ay maging masaya sa kung ano ang mayroon sila, maging masaya sa piling nito. Sa tuwing nagbabanta na pumasok sa isip niya ang pagsisisi, agad niya iyong itinataboy. Nagmahal lang siya. Nagmahal siya at minahal siya ni Giovanni, at karapatan nilang maging masaya. Pero may karapatan nga ba sila nitong maging masaya kung may taong masasaktan? Kung may pamilya na masisira sa pagmamahal na mayroon sila?

Dumiin ang pagkakapikit niya at pagkakalapat ng mga ngipin dahil sa mga naiisip. Humigpit ang yakap niya sa katabi. Gusto niyang itaboy ang mga naiisip. Gusto niyang ituon ang buong atensyon dito. Gusto niyang magsaya lang pero hindi niya magawa ang lahat ng iyon lalo pa nang isang bagay ang muling dumampi sa alaala niya. Ang kanyang ama.

‘At ang papa ninyo na mismo ang nagsabi na Sunday is family day, anak. Kahit noon pa mang bata pa ang ate mo at wala ka pa, ganyan na kami. Hindi ‘yon nakakaligta noon. Pero doon pa siya nasira.’

Tiningala niya ang katabi. Lumundag ang puso niya nang kumurba ang labi nito sa isang matamis na ngiti, ngunit kumirot din ang puso niya sa tagpong iyon. Nag-iinit ang mga mata at nabibingi sa halo-halong emosyon na halos hindi na niya marinig ang sariling boses nang tawagin niya ito.

“Hm?”

“Ninanakaw ko ba ang... nag-iisang buong araw na dapat ay kasama mo ang... pamilya mo?” Hirap-hirap na siyang itanong iyon. Nabura ang ngiti nito. Ilang segundong nakatitig lamang sa kanya. Naghintay siya ng sasabihin nito pero isang matunog na buntong-hininga lang ang naging sagot nito roon. Pilit na ngumiti siya. “N-Naisip ko lang kasi na dapat namamasyal kayo ngayon ni... ni D-Dianne”

Sa dalawang buwan ng relasyon nila, hindi nila kailanman napag-usapan ang pamilya nito. Hindi nito nababanggit ang mag-ina nito at hindi siya kailanman nagtanong tungkol sa mga ito. Kaya naman ngayon niya lamang nalaman sa kanyang sarili na ang banggitin ang pangalan ng anak nito ay ibang sakit ang dala sa puso niya. Para ‘yong isang salita na hindi nararapat na lumalabas sa bibig niya.

Bumangon si Giovanni pero hindi tuluyang lumayo sa kanya. Nakatukod ang isang braso nito at ang isa ay humaplos sa kanyang pisngi.

“Okay, fine. Hindi na tayo magkikita ulit kapag day off natin katulad ng gusto mo. Okay na ba iyon?” may pang-aalo na anito sa kanya.

Dahil nga ba roon kaya siya nagkakaganoon? Dahil nga ba sa kanya nito inilaan ang araw na dapat ay kasama nito ang pamilya nito? O talaga lang tapos na siya sa mga araw na pilit na itinatabi niya sa isang sulok ng kanyang utak ang lahat ng emosyon, ang lahat ng katotohanan sa likod ng relasyon nila?

“Ikaw ba, ano’ng nararamdaman mo tuwing magkasama tayo? Ano’ng mga naiisip mo, Gio?” Gustong gusto niyang itanong rito pero hindi niya iyon magawang palabasin sa bibig.

“Please, love?” masuyo pa nitong ani.

Natatawa siya nang paulanan siya nito ng halik sa labi at sa mukha. Mabilis na nawalis sa kanyang isipan ang mga bumabagabag sa kanya sa panlalambing na ginagawa nito.

“Pwede na po ba kitang i-date, Miss Andañez?”

Ngiting-ngiting tumango siya. Katulad ng palagi niyang sinasabi sa sarili, hahayaan niya muna ang sarili na magmahal at maging masaya, at saka niya pagbabayaran ang kasalanan kapag dumating na ang oras na iyon. Hindi naman siya umaasang habang buhay na masaya siya sa piling ni Giovanni. Alam niya na darating ang araw, baka bukas o sa mga susunod na araw, babawiin na sa kanya ang pagmamahal na labis na nagpapasaya sa kanya.

Agad silang gumayak. Alas otso y media, sakay sa kotse nito nang magtungo sila sa Rizal. Dinayo nila roon ang Mangantila, isang cafe and restaurant sa Baraz. Napakaganda at makulay ng lugar. Relaxing lalo na sa tulad niyang nature lover. Doon nila napiling magpunta dahil malayo. Kahit sa ilang date nila, mas pinipili nila sa Maynila o roon sa parteng Rizal. Kung doon kasi sila magpupunta, maliit ang porsyento na may makikita silang kakilala.

Pero niyon niya napatunayan na totoo nga pala ang kasabihan na ‘walang sikreto ang hindi nabubunyag.’ Kahit ano’ng pag-iingat mo na itago iyon, may sarili pa ring paraan ang tadhana para isiwalat iyon.

Masaya pa sila ni Giovanni na nag-uusap tungkol sa mga lugar na napasyalan nila habang papasok sa gate ng kanyang apartment. Ngunit pareho silang natigilan nang makita ang taong nakatayo sa tapat ng pinto niya. Parang tumigil sa pag-inog ang mundo. Pakiramdam niya ay papanawan siya ng ukirat habang nakatitig dito. Sa taong hindi maikakaila ang gulat sa nanlalaking mga mata nito at sa nakabukas na bibig nito. Ang gulat sa itsura nito ay napalitan ng galit nang bumaba ang tingin nito magkahawak nilang mga kamay.

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now