10

12 5 13
                                    

NAKADIKIT na ang paningin ni Wretchel sa labas ng bintana. Tahimik sa loob ng kotse magmula nang makababa si Rich. Mabuti na lang din na naroon siya sa back seat kaya hindi siya ganoong nasasakal sa pagkailang kahit sila na lamang dalawa roon ni Giovanni. Kanina, kahit ano’ng pagpupumilit ni Rich na siya ang umupo sa front passenger seat ay hindi siya pumayag. Pauyuhan pa sila nito sa kung sino ang mauupo roon. Mabuti na lamang at siya ang nanalo sa huli.

Magulo pa rin ang isip niya. Sobrang gulo. Parang lalayas at muling babalik ang mga naiisip niya at inaalala. Oo nga’t ilang beses na niyang napatunayan na hindi lang sa kanya ganoon makitungo si Giovanni, pero bakit naroon pa rin sa pakiramdam niya na parang mayroong kakaiba sa kilos nito para sa kanya? At ang labis na bumabagabag sa kanya, bakit ganoon ang text nito sa kanya noong umaga? Please say no? Bakit naman siya nito pipigilan nang ganoon? Sino ito para pigilan siya?

“Okay ka lang diyan, Ma’am Wretch?”

Mabilis na lumipad ang tingin niya patungo sa unahan. Nagtama ang tingin nila ng lalaki sa rear-view mirror.

“Okay lang, sir.”

Pinilit niyang huwag magmukhang pilit ang kanyang ngiti. Naudlot nga lang ang tangka niyang pagbalik sana niya ng tingin sa bintana nang muli itong magsalita.

“Ang tahimik mo. Hindi ako sanay.”

“Pagod lang, sir.” Muli siyang ngumiti.

“Gusto mong ihatid na kita sa apartment mo?”

“Nako hindi, sir. Okay lang po. Tsaka nakakahiya naman kay Ma’am Kristine. Naghihintay na siya sa atin.”

Natitigan niya pa ang likod ng ulo nito nang wala na siyang narinig dito. Akala niya ay hindi na ito iimik pang muli.  Saka naman niya muling narinig ang boses nito nang ibinalik na niyang muli ang tingin sa bintana.

“Paano kung magustuhan ka ni Ethan at magsabi siya sa ‘yo na liligawan ka niya, bibigyan mo ba siya ng chance?”

Hindi niya alam kung ano bang pumasok sa isip niya nang sagutin niya ang tanong nito. Ni hindi niya inisip nang mabuti kung dapat nga bang bigyan ng tsansa ang isang taong kakikilala lang niya na magsasabi na gusto siya nito at gusto siyang ligawan. Tanging naisip niya nang mga sandaling iyon, na iyon ang gusto niyang marinig nitong sagot niya.

Titig na titig pa siya sa mga mata nito na nakatitig din sa kanya mula sa salamin sa unahan habang sinasabing, “Oo, sir. I’ll give him a chance to court me.”

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now