11

10 5 10
                                    

IPINAGTAKA man pero ipinagpasalamat na rin ni Wretchel nang manatiling tahimik si Giovanni hanggang makarating sila sa bahay ng kanilang head. Agad sila nitong iginaya sa sala kung saan naroon ang mga kasamahan nila. Sa pangtatluhang sofa ay magkatabing nakaupo si JV at Annie. Isa pang lalaki ang nakaupo sa pang-isahang sofa na natitiyak niyang si Ethan. Nakabukas ang telebisyon at kahit hindi niya tingnan ay malalaman na cartoons ang palabas doon. Tutok ang tingin doon ng isang taong gulang na babaeng anak ng kanilang Ma’am Kristine, nakaupo ito sa kandungan ni Annie.

“Ayan na ang lukaret!” irit ni JV.  “Hi, sir!” Kumakaway na bati naman nito sa kasama niya na agad na umupo sa isa pang bakanteng sofa.

“Halika, Wretch. Ipakikilala kita sa bayaw ko.”

Nakangising hinila siya ng kanilang head palapit sa lalaki. Malapad na ang ngiti nito at tumayo pa ito nang makalapit sila rito. Napangiti siya sa inakto nitong iyon. Gentleman.

“Ethan, ito si Wretchel. Wretch, this is Ethan.”

Naglahad ng kamay si Ethan kasabay ng pagbabanggit nito sa pangalan nito. Rinig niya pa ang impit na tili ni JV at Annie na ikinatawa nila. Inabot niya ang kamay rito at nagpakilala rin. Tama si JV sa sinabi nitong gwapo ito. Maputi rin ito at matangkad. Papasa itong modelo kung gugustuhin nitong pumasok sa ganoong trabaho. Ramdam niya rin na mabait ito. Kaunti sigurong “get-to-know each other” baka nga bigyan niya ito ng pag-asa kung hihilingin nito. Pero duda siyang gagawin nito iyon.

“Nice to finally meet you, Wretchel” ani pa nito.

“I told you, lagi kitang ikinu-kwento sa kanya,” bulong sa kanya ni head nila matapos niya itong lingunin na nangungunot ang noo.

“Kayo talaga, Ma’am, ” tanging nasabi niya, nangingiting napailing. “Nice to meet you.” Baling niya kay Ethan.

Kahit hindi sabihin, nakikita niya na masaya ang kanilang head na tuluyan silang nagkakilala ng bayaw nito. Para itong isnag teenager na kinikilig sa paghagikgik nito. Ilang ulit din na pinalipat-lipat ang tingin sa kanila at saka sasabihin na, “Bagay kayong dalawa.”

Nagkatingin sila ni Ethan, nababasa niya pa ang hiya sa tingin nito pero kalaunan ay sabay sila nitong natawa at napailing.

“Si Ate Kristine talaga,“ sabi ni Ethan sa hipag nito.

Muli itong humagikgik. “O s’ya, maiwan ko na nga muna kayo, ha. Aayusin ko lang ang lamesa.”

Tiningnan nito si Ethan at itinuro siya, natatawang tumango ang huli. Pinaupo siya nito sa tabi ni JV, na ura-uradang mahina siyang pinaghahampas habang mahinang umiirit pagkaupong-pagkaupo niya sa tabi nito.

“Ang tagal mong lukaret ka.”

“Sinungaling ka talaga. Sabi mo naghihintay na ang pagkain?” pasinghal niyang bulong dito. Nasa isip pa naman niya nang magtext ito kanina ay nasa hapag na ang mga ito at nakatunganga na sa pagkain. Masyado siyang nadala sa sunud-sunod na text nito kaya nagmadali siyang lumabas ng comfort room.

“Ayan ang pagkain, ah.” Turo nito kay Ethan na nakalahad ang mga braso at may nag-uudyok na tingin at ngiti sa naglalakad nitong pamangkin patungo rito.

“Salbahe ka,” natatawang aniya.

“Ang yummy niya, ‘no?”

“Mas yummy ka.”

Muntik na siyang mapahagalpak ng tawa nang ngumiwi ito. Tumunog ang bibig niya sa pagpipigil ng tawa.

“Alam kong yummy ako pero bakit kapag ikaw ang nagsasabi parang nakakadiri?”

“Ikaw naman masyadong maarte.” Hinagot niya ng kamay ang dibdib nito. Malakas itong pumalirit at parang bulate na nangisay. Lalo niya pa itong tinukso, hinaplos niya ang mga braso nito na lalo nitong ikina-histerya

“Shit ka! Lumayo ka sa akin!” Nagsumiksik ito kay Annie na tinatawanan ito.

Tumatawa pa nang lumampas ang tingin niya kay JV na panay ang pagrereklamo sa nakadidiri raw na ginawa niya. Unti-unting bumaba ang gilid ng kanyang labi nang makita ang mga mata na matamang nakatitig sa kanya. Naging malamlam ang tingin nito at tumuwid pa sa pagkakaupo kasabay ng pagngiti. Para siyang nahipnotismo, hindi niya nagawang alisin agad ang tingin dito kaya naman ganoon na lamang ang gulat niya nang marinig ang pagtawag sa kanila ng kanilang head.

Tumitikhim na tumayo siya. Paulit-ulit na pinagagalitan ang sarili sa isip sa ginawang pakikipagtitgan dito. Hindi na niya ito tinapunan pa ng tingin kahit nang madanaan niya ito sa pwesto nito at kahit pa nakikita niya pa rin sa gilid ng kanyang paningin na nakatayo na ito roon at hindi siya pwedeng magkamali, nasa kanya pa rin ang tingin nito hanggang sa makadaan siya sa harapan nito.

Nangunot ang noo niya, nararamdam niya ang nabubuhay na kaba sa kanyang puso dahil sa ginagawa nitong iyon. Hindi man lang ba ito natatakot na baka may makapansin dito? Tiningnan niya ang mga kasamahan nila na nasa unahan na niya. Mukha namang walang napapansin ang mga ito sa ginagawa ni Giovanni. Gayumpaman hindi pa rin nabura niyon ang kaba na unti-unting lumalamon sa kanya nang mga sandaling iyon.

Parang napagod siya sa mga naisip, ibinagsak niya ang lahat ng bigat niya sa upuan at nakapakit na napabuga siya ng hangin. Ngunit ganoon na lamang ang bilis ng naging paglingon niya nang maamoy ang pamilyar na pabango ng taong umupo sa kanyang tabi. At hindi nga siya nagkamali, naroon si Giovanni at nakangiti sa kanya. At mas lalo siyang nawindang nang maramdaman niya ang paglapat ng kamay nito sa kamay niyang mahigpit na nakakapit sa kanyang slacks.

How Far Would You Go For Love?Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu