17

9 5 20
                                    

MAGALING magtago si JV. Ramdam na ramdam niya at nakikita niya sa kilos nito ang galit nito kapag sila lang dalawa ang magkaharap. Pero kapag kasama nila ang mga ka-trabaho, nagagawa siya nitong kausapin at pakitunguhan nang maayos.

Hindi iisang buwan itong naging ilag sa kanila ni Giovanni simula noong mahuli sila nito. Ilang beses niya itong sinubukang kausapin, pinapadalahan ng text message pero nanatili itong tahimik at mailap. Aaminin niyang nasasaktan siya sa pag-iwas nito sa kanya. Hindi siya sanay na may kaaway, ayaw niya ‘yong pakiramdam na parang kinalilimutan siya at iniiwasan ng kaibigan pero naroon palagi si Giovanni para bigyan siya ng assurance na babalik din si JV sa dati.

Sinubukan niya itong pakisamahan na para bang walang problema. Gusto niya lang naman na bumalik sa dati, na wala ang galit nito sa kanila. Noong una kahit ano’ng pagkausap niya rito, para lamang siyang nakikipag-usap sa hangin pero kalaunan nagtagumpay naman siya. Dumating ang araw na nagagawa na muli siya nitong kausapin pabalik pero hindi naiiwasan na naroon pa rin ang ilang pasaring nito tungkol sa relasyon nila ni Giovanni. Hinahayaan na lamang niya ito.  Madalas lang na nananahimik na lang siya.

Ngayon ay naroon sila ni JV sa apartment niya. Pagka-out sa trabaho ay sumama ito sa kanya. Doon ito naghapunan at pagkatapos ay uminom sila ng alak. Balak na nila iyon. Nagsabi ito sa kanya umaga pa lang pero sila lamang dalawa roon dahil hindi ito pumayag na sumama sa kanila si Giovanni. Hindi pa rin nito gusto na nakikita sila na magkasama. Naaalibadbaran daw kasi ito. Hinahayaan na lang niya. Hindi naman kasi niya ito masisisi.

“Paano kung makipaghiwalay siya? ‘Yong siya mismo ang susuko sa relasyon ninyo?” Hindi pa man siya nakakasagot ay may kasunod na ang tanong nitong iyon. “Hindi ka naman siguro umaasa na ikaw ang palagi niyang pipiliin, ‘di ba?”

Napatungo siya at tipid na napangiti sa pagiging matalas ng tanong nito. Prangka naman talaga ito. Nakilala na niya itong ganoon pero may mga salita talaga na masakit ang dating sa isang tao maski pa totoo iyon at maaaring mangyari. Hindi lang sa pananalita, maging sa ekspresyon ng mukha ni JV. Tuwing pinag-uusapan nila ang tungkol sa relasyon nila ni Giovanni, nakikita niya rito ang inis. Hindi nito iyon itinatago. Minsan hindi niya maiwasan ang masaktan pero wala rin naman siyang ibang magawa. Alam na niya na mangyayari iyon. Hindi naman kasi siya umaasa na magiging maayos lang para sa ibang tao kapag nalaman ng mga ito ang tungkol sa kanila ni Giovanni.

“Kung saan siya masaya.” Nasasaktan siya, isipin pa lang na magkakahiwalay sila ni Giovanni. Isipin pa lang na aayaw na ito sa kanya. Pero hindi naman kailanman naging sarado ang isip niya sa mga posibilidad. “Kaligayahan niya lang naman ang mahalaga. Basta kung saan siya masaya, doon ako.” Pero kung darating man ang oras na siya ang pipiliin nito, handa siyang maging ina para kay Dianne. Buong puso niyang yayakapin ang mga ito. At isipin pa lang iyon, ibang saya na ang hatid niyon sa puso niya at kung anu-anong senaryo na ang naiisip niya. Magkakasama-sama sila sa isang bahay, siya ang magluluto para sa mga ito, siya ang mag-aalaga, siya ang magtuturo at maghahatid kay Dianne sa school nito.

Napangiti siya sa mga naisip pero nasira ang pag-iimagine niya nang marinig niya ang pag-ingos ni JV.

“Korny mo.”

Mahina siyang natawa rito. Sabay pa sila nitong tumungga ng beer. Ilang segundo silang natahimik bago nito binasag iyon.

“Basta masaya siya, doon ako.  Ang cliché, ‘no, pero totoo na ‘yong kaligayan ng mga mahal natin ang nagiging kaligayahan natin. Ang sakim ng pagmamahal pero ganoon nga yata talaga. Na kahit masakit para sa atin, as long as masaya ang mahal natin ayos lang.”

Tinitigan niya ito. Nakatutok ang paningin nito sa nakabukas na telebisyon, pero alam niya na wala roon ang buong atensyon nito. Kanina pa, sa trabaho pa lamang, ramdam na niyang may bumabagabag dito kaya nga pinaunlakan niya ito sa alok nito kanina na uminom sa apartment niya.

“Ang drama mo ngayon. Problema mo?”

Umirap ito. Tumungga ito sa baso saka malalim na nagpakawala ng buntong-hininga.

“I have something to confess to you.”

Naningkit ang mga mata niya. “Ano naman ‘yan? Crush mo ‘ko?” biro niya.

“Yuck!”

Tawa siya nang tawa nang malakas itong umirit na akala mo’y diring-diri kasabay ng pagtulak sa kanya. “Maka-yuck ka, ha! Maganda naman ako, ah?” Sinubukan niya itong hawakan sa braso pero malakas nitong tinabig ang kamay niya at sumuksok pa ito sa kabilang dulo ng sofa habang nakangiwi na lalo niya namang ikinatawa.

“Pero ano ba kasi ‘yong sasabihin mo?” seryoso nang aniya.

“Naglalandian na kami.”

Napangisi siya. Kahit pa hindi nito sabihin ay may hula na siya kung sino iyon.

“Kailan pa?”

“Simula noong mahuli ko kayo.”

Hindi niya pinansin ang pag-irap nito at pag-asim ng mukha dahil sa sinabi.

“Oh, eh anong problema?”

“He’s my first boyfriend.”

Namilog ang mga mata niya. “What? Hindi nga?”

“Flirty lang lang ako pero NBSB ‘to, ‘no!” Nanghaba ang nguso nito.

“Oh, eh, ano ngang problema? Dahil ba kay Ma’am Kristine?”

Tumango ito. “Hindi ko alam kung paano ba kami. Kung may makakatanggap ba sa relasyon namin sa pamilya namin.”

“Wait... Hindi rin ba alam ng parents mo na gay ka?”

“Alam nila.” Sa lalim ng buntong-hininga nito, napatunayan niyang napakabigat ng inaalala nito. “Pero hindi nila gusto na ganito ako.”

Hindi niya muli naitago ang gulat. Si JV ‘yong tipo na sa kilos at pananalita pa lamang mapapansin nang isa siyang bakla. Ganito ‘yong alam niyang malaya. Malaya na ibahagi kung ano ba talaga sila. Pero ngayon niya lang nalaman na hindi pala ito ganoon. At nasasaktan siya para rito. Nararamdam niya ang sakit nito. Dahil katulad niya, nakatago siya. Nagtatago sa dilim.

“Nakokonsensiya rin ako na makipagrelasyon sa same gender, ‘no. Kasi katulad ng sinasabi ng parents ko, at alam ko naman na bawal, masama, at kasalanan sa paningin ng iba at lalong lalo na sa mga ni Papa God. Pero ano’ng magagawa ko? Kapag napamahal ka na kasi sa tao, magiging komportable ka na, at kapag naiparamdam sa ‘yo ‘yong pagmamahal na pangarap mo lang na maramdaman, wala na. Talo ka na. Kaya kahit noong una ayaw ko talaga mag boylet dahil sa takot, pero nawawala ang takot na ‘yon dahil sa pagmamahal ko at sa ipinararamdam niyang pagmamahal.”

At pakiramdam niya siya ang nagsalita kahit ito naman ang nagbigkas ng mga huling salitang iyon.

How Far Would You Go For Love?Where stories live. Discover now