Chapter 28

127 3 0
                                    

"Jockey! Sandali nga! Saan ka pupunta ha? Bumalik ka dito. Kinakausap pa kita!" Sigaw ni Josh habang hinahabol ang papalayong si Jockey.

Huminto naman ito at nilingon siya. "Saan pupunta? Magpapahangin. Bibili ng makakain. Iinom. Mambababae. Bakit? Sasama ka?"

"Iyan ba talaga ang gagawin mo o pupuntahan mo si Rio para balaan?" ani Josh ng makalapit na ito kay Jockey.

"Bakit ko naman gagawin 'yon? Kriminal ba ang kaibigan ko para gumawa ako ng ganyang hakbang? Kahit ano pa ang sabihin n'yo, Joshua, alam ko sa puso ko na hindi ganyang klase ng tao si Rio. Kahit sandamukal man ang itanim n'yong ebidensya kay Rio hindi magbabago ang paningin ko sa kanya. Kasi alam ko at sigurado akong mabuti siyang tao. Ipagpalagay na nating makita natin siya ulit bukas. May makuha ulit kayong ebidensya sa kanya. Akuin man niya ang ebidensyang iyon. Hindi pa rin ako maniniwala. Bakit? Kasi matatag ang paniniwala ko kung ano'ng uri ng tao siya. Napepeke ang lahat ng bagay, Joshua, pero hindi ang nararamdaman ng tao. Tandaan mo 'yan." Tumalikod na si Jockey at naiwang nakatulala si Josh.

Inisip ang mga sinabi nito pero maya-maya pa ay napailing nalang siya.

"Tama ka nga, Jockey, hindi napepeke ang nararamdaman ng tao. At magsisinungaling ako kung hindi ko aamining gusto kong mapasaakin si Alana, gusto ko siyang mabawi kay Rio at tuluyan na siyang maging akin."

***
"Alana, gising. Alana." Niyugyog ng mahina ni Rio si Alana para magising ito.

"Ralph? Bakit?" Pupungas-pungas na napaupo si Alana sa papag na kinahihigaan.

"Shhh! Hinaan mo lang ang boses mo. Kailangan nating umalis dito." Pabulong na sabi ni Rio sa dalaga.

"Bakit? Ano'ng meron? Bakit tayo aalis? Paano sina Nana Ameng?" Sunod-sunod na tanong ni Alana.

"Saka ko na ipapaliwanag sa'yo, kailangan na muna nating umalis sa lugar na ito bago nila tayo mahuli. Babalikan din natin sina Nana Ameng kapag maayos na ang lahat." ani Rio habang inaayos ang mga gamit sa bag.

"Sino ang huhuli sa atin? Bakit?" Pangungulit pa ni Alana.

"Sa daan ko na ipapaliwanag. Magmadali ka. Mas mabuting wala na tayo rito pagputok ng araw."

Walang nagawa si Alana kundi ang magpalit ng damit at sumunod sa utos ni Rio.

Dahan-dahan at patingkayad silang lumabas ng bahay. Sa likod sila dumaan. Lakad-takbo ang ginawa nila habang patago-tago sa mga malalaking puno na nadadaanan nila hanggang sa makarating na sila sa may dalampasigan. Balak ni Rio na gamitin ang bangkang lihim niyang binili sa isa sa mga mangingisda.

Tahimik na nakasunod lamang si Alana sa binata kahit na maraming tanong ang tumatakbo sa isipan niya.

"Where do you think you're going?" Lumabas mula sa kung saan si Josh.

Napatigil naman si Rio sa akmang pagsampa sa bangka.

"Josh? Ba-bakit ka nandito?" Takang tanong ni Alana ng mapagsino ang dumating.

Medyo madilim pa pero maliwanag ang sinag ng buwan kaya aninag ang buong paligid.

"Hindi lang ako ang nandito, Alana." Nagsilabasan na rin sina Jim, Jockey, Justin at Caevhen sa pinagtataguan nila.

"Anong ginagawa ninyo dito?" Tanong ulit ni Alana.

"Babawiin ka na namin, Alana. Uuwi na tayo sa Maynila." ani Josh sabay lapit sa kinaroroonan nila.

"Hindi pwede. Dito lang ako. Delikado ang buhay ko doon." Tanggi nito sabay kapit sa braso ni Rio.

"Hindi ka delikado doon. Mas delikado ka dito. Mas delikado ka sa lalaking iyan!" Dinuro ni Josh si Rio sabay hila kay Alana.

Imperfectly PerfectWhere stories live. Discover now