Prologue
Nakatingin lang ako sa isang matandang manggagamot habang may hinahanap siya sa kanyang baul na halos kainin na ng panahon dahil sa estilo nito.
Gagawin ko ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aking ina. Magbabayad sila higit sa ginawa nila.
"Sa wakas!" Masayang tumawa ito bago humarap sa akin. "Nahanap ko na." Lumapit siya sa akin.
Mabilis na nahagip ng aking mata ang isang kwintas na hawak n'ya. Ang palawit no'n ay kalahating buwan na gawa sa pilak. Kumislap ito sa harap ng aking mata.
"Ano po'ng meron sa kwintas na 'yan?" Hindi ko mapigilang magtanong.
Wala akong nakikitang kahit na anong espesyal sa kwintas na 'yon. Naghintay ako ng halos isang oras para lang do'n. Pakiramdam ko tuloy ay nasayang lang ang oras ko.
Umiling ito sa akin at iwinagayway ang kwintas na 'yon. Nahilo ako dahil sa likot nito.
"Hindi lang ito basta kwintas, Hezira." Ngumisi siya sa akin "Habang suot mo ito ay parang magiging isang bampira ka rin. Masasabik ka sa dugo at magtataglay ka rin ng abilidad ng mga bampira," sabi pa niya.
Mabilis na tinanggap ko ang kwintas na 'yon. Pinagmasdan ko ito. Sa wakas ay makakapasok na ako sa kanilang mundo.
"Anong gagawin mo sa mundo ng mga bampira?" Tanong nya. "Isang mapanganib na mundo 'yon." Ramdam ko ang pagbabanta sa kanyang tinig.
Ibinulsa ko ang kwintas na 'yon. Tapos na ako sa misyon ko rito at kailangan ko nang magmadaling umalis.
Nangangati na ang kamay kong makapag higanti.
"Nakikita ko sa 'yong mata ang labis na galit. Huwag kang magpadalos-dalos ng desisyon."
Ngumiti na lang ako dahil kahit na anong gawin niyang pagbabanta sa akin ay hindi ako aatras. Desidido na akong pasukin ang mundo ng mga immortal.
"Maraming salamat po para rito."
Tumayo na ako at naghanda ng lumabas nang mapagtanto na hindi ko pala alam kung saan ang portal papunta sa mundo nila.
"Mamayang gabi. Pagsapit ng kabilugan ng buwan. Umakyat ka sa mataas na bahagi ng burol sa kanluran. Lilitaw ang portal na nagdudugtong sa mundo ng mga bampira," sabi niya na parang nababasa ang aking isipan.
Mamaya... Mamaya rin ay manghihimasok na ako sa kakaibang mundo.
"Mag-iingat ka, Hezira. Tandaan mo, hindi mga tao ang makakasalamuha mo. Huwag na huwag mong huhubarin ang kwintas na 'yan."
Lumabas na ako ng kubo na 'yon kung saan sya nakatira. Siya ay si Lola Orea. Kilala siya sa bayan dahil s'ya ang may pinakamaalam pagdating sa mga bampira. Pero katulad ng marami ay isang baliw na matanda ang dati'y tingin ko kay Lola Orea.
Mukhang hindi naman ako nabigo dahil mukhang nakuha ko ang aking gusto.
Hindi lingid sa amin na may bampira talaga. Ako man ay hindi naniniwala tungkol doon. Akala ko ay kathang-isip lang sila ngunit nung gabing 'yon... Napatunayan ko na totoo lahat.
Nakita ng dalawa kong mata kung paano nila pinaslang ang aking ina. Ang kanilang pangil. Ang nakakatakot nilang pulang mata at ang pambihira nilang lakas. Mula sa isang imahinasyon at kathang-isip ay naging isang pabubungot 'yon na dapat kong paniwalaan.
Nag-umpisa na akong maglakad at pupunta sa mataas na burol na 'yon.
Humigpit ang hawak ko sa kwintas na ibinigay nya. Habang pataas ako nang pataas ay lumalakas ang mga hampas ng hangin sa aking mukha na tumatangay sa aking buhok.
"Magbabayad sila... Ipaghihiganti kita, ina."
Pinahid ko ang luha sa aking mata na hindi ko namalayang dumausdos na pala.
Pagkarating ko sa burol ay kulay kahel na ang kalangitan. Hindi ko maiwasang mapaisip kung may ganito pa ba akong masisinagan sa mundo nila.
Kitang-kita rin mula rito ang iba't-ibang kulay ng ilaw mula sa matatayog na syudad. Ito ang lugar na kinagisnan ko, lugar na nagmulat sa aking mata. Lugar na mukhang matagal kong hindi makikita.
Pagkatapos ng gabing ito ay nasa ibang mundo na ako. Mundo kung saan ako ang naiiba.
Pinagmasdan ko ang kwintas na hawak ko. Ito ang magiging sandata ko sa mundong 'yon. Ito ang magsisilbing puso ng aking paglalakbay.
Umupo ako sa lilim ng isang puno at pinahinga ang katawan ko. Nakakaramdam din ako ng kaba sa mga sandaling ito ngunit mas nangingibabaw sa akin ang pagkasabik sa paghihiganti.
Nakatulala lang ako nang ilang sandali lang ay magliwanag ang paligid. Napapikit ako dahil sa nakakabulag na silaw nito.
Ilang minutong tumagal 'yon bago tuluyang bumukas ang portal. Biglang may higanteng puno ang tumambad sa tapat ko. Parang nagliliwanag ito dahil napapaligiran ng mga alitaptap. May malaking butas sa gitna na sa tingin ko ay ang lagusan na.
Ngumiti ako bago tumingin sa langit kung saan naghahari na ang bilog na buwan.
Isinuot ko ang kwintas na ibinigay sa akin. Parang may naramdaman akong kakaibang dumaloy sa ugat ko matapos kong gawin 'yon.
Muli kong binalingan ng tingin ang isang daan. Masyadong madilim na wala na akong maaninag na kahit na ano mula sa loob no'n.
Humakbang ako papasok sa loob. Pagkapasok ko ay isang napakalakas na boltahe ng kuryente ang tumama sa akin dahilan ng pagdilim ng aking paningin.
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Taste of Blood (Book I)
VampirePara kay Hezira ay isang kathang-isip lamang ang mga bampira. Hindi siya kailanman naging interesado sa mga ito. Pero lahat ay nagbago matapos ang isang madugong gabi nang paslangin ng mga nilalang na 'yon ang nag-iisa niyang pamilya--- ang kanyang...