Chapter 22

195K 8.8K 2.1K
                                    

Chapter 22: Gulo


Hindi kailanman nawala ni minsan sa isipan ko kung ano talaga ang pakay ko sa mundong ito. Mas nilapit ko pa ang sarili ko kay Inueh, nagpalitan kami ng mga impormasyon. Sinasabi ko rin sa kanya lahat ng nalalaman ko mula kay Dominus. Lahat ay umaayon sa kagustuhan ko.


Pero habang tumatagal din ako sa mundong ito… Mas nakikilala ko ang mga bampira. Hindi sila basta-basta nananakit ng mga kapwa nila. Hindi lahat sa kanila ay masama.


Naalala ko bigla ang sinabi ni Tita Rema. Bakit nila pinaslang si Ina? Bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo namin ay siya ang napili nila? Posible kayang may mas malalim pang dahilan o talagang nagkataon lang ang lahat?


Ni minsan ay walang nabanggit sa akin si Ina tungkol sa mga ibang nilalang gaya ng mga bampira. Pero ngayon, naiisip ko… Itinago niya lang ba ang lahat?


Pagkatapos ng panghuling asignatura ay lumapit agad sa akin si Dominus.


“Tara?” aya niya sa akin.


Tumango ako bago inayos ang sarili.


Nakasanayan na namin ni Dominus ang ganitong eksena, bago matapos ang araw ay sasamahan niya ako para kitain si Inueh. Hindi na rin siya kailanman nagreklamo ukol doon.


Nang makapunta kami sa hardin ay natanaw ko agad si Inueh sa isang kubo. Dumiretso si Dominus sa isang kubo pa habang ako naman ay sumama kay Inueh.


Pagkaupo ko sa loob ay tinignan ko si Dominus. Nakaupo na ito roon at nakatutok ang atensyon sa librong binabasa niya. Napakapayapa ng kanyang histura na animo’y walang panganib sa paligid.


“Hezira?” tawag sa akin ni Inueh.


Napatingin ako sa kanya. “Huh?”


“Ayos ka lang?”


Tumango naman ako. “Ano ang pag-uusapan natin ngayon?”


Tumikhim ito. Mabilis na napansin ko ang hindi maayos na pagkakabutones ng kanyang polo shirt. Inilabas niya ang isang libro mula sa kanyang bag at inabot ‘yon sa akin.


“Who are we, Vampires?” basa ko sa pamagat ng libro.


“Pwede mong basahin ‘yan sa bahay para makadagdag sa kaalaman mo,” nakangiti niyang sabi. “Hmmm… Wala na bang nabanggit sa ‘yo si Dominus?” tanong pa niya.


Itinago ko sa loob ng aking bag ang librong ipinahiram niya bago sumagot. “Wala naman. Medyo kinukulang din kasi siya sa impormasyon lalo na’t wala siya sa loob ng palasyo.”


Tumango naman siya. “Hmmm… Ano namang klaseng kapatid si Dominus?”


Natigilan ako sa tanong niya. “B-Bakit ba bigla-bigla na lang nag-iiba ang paksa mo?”


Nagkibit-balikat siya. “Gusto ko lang malaman.”


Isinandal ko ang likod ko. “Mabuti siyang kapatid.”


“At?” Tila nakulangan ito sa sinabi ko.


“At… Gwapo,” natatawa kong sabi.


Kumunot ang kanyang noo. “Alam mong hindi ka maaaring mapalapit sa kanya, Hezira. Isa siyang prinsipe at ikaw ay isang hamak na bampira lang.”


Bahagya akong nasaktan sa sinabi niya kahit na alam ko namang totoo. Alam ko ang lawak sa pagitan namin, kailanman ay hindi ko ‘yon inalis sa isipan ko.


Napabuntong-hininga na lang ako.


“Wala ba tayong ibang pag-uusapan ngayon?” tanong ko.


Pinagmasdan ako ni Inueh. “Wala pero gusto ko lang malaman… May nararamdaman ka bang iba para kay Dominus?”

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon