Chapter 33

176K 8.1K 2.1K
                                    

Chapter 33: Banta

Nalaman namin na pitong araw na rin pala magmula nung mawala si Tita Rema. Magmula no'n ay namuhay sa sariling sikap ang dalawa. Hindi man nila gaanong aminin ay alam kong labis-labis pa rin ang sakit na nararamdaman nila. Mas napalapit ang loob ko sa kanila, pareho kami ng pinagdadaanan.

"Salamat, Kuya Dominus!" sabay na sabi ng dalawa matapos sila bilhan ni Dominus ng mga bagong damit.

Tumingin sa akin si Dominus, malawak din ang ngiti sa kanyang labi.

"Ikaw, hindi ba bibili?" tanong niya.

Umiling ako.

"Maayos pa ang mga damit ko," sagot ko bago nilapitan ang dalawang magkapatid. "Gutom na ba kayo?" tanong ko sa kanila.

Sabay na tumango sila. Kumain kami sa malapit na kainan, hindi katulad ng sa palasyo, medyo hindi magagandang sangkap ang gamit nila. Wala naman iyon kay Dominus na kinakausap ang dalawa habang kumakain.

"Kuya Dominus, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko," sabi ni Hegel. Sandali siyang tumigil sa pagkain. "Paano mo nakilala si Ate Hezira? Saka bakit andito ka? Isa kang maharlika, hindi ba?"

"Baka may relasyon sila ni Ate Hezira!" Humagikgik si Hera.

Napaubo ako sa pagkain kaya mabilis na kumuha ako ng tubig.

"Isa kasi ito sa pagsasanay namin sa Arcus University," pagpapaliwanag ni Dominus. "Saka... Nagkakilala kami ng Ate Hezira niyo bago pa man siya makapasok sa palasyo. Hinahabol ng mga kawal." Mahina itong tumawa.

"Bakit ka hinahabol ng mga kawal, Ate?" tanong sa akin ni Hegel.

"Ah!" Lumiwanag ang mukha ni Hera na tila may naalala. "Iyon ba 'yong sinagot mo si Heneral Dignus? Nagsalita ka raw ng ingles kaya pinahuli ka niya!"

Napatingin sa akin si Dominus.

Napatikhim ako. "Kumain na lang kayo nang kumain dahil mamimili pa tayo ng mga pagkain pagkatapos. Mukhang wala na kasi kayong imbak na pagkain. Kailangan nating mag-imbak para sa darating na taglamig."

Tumango si Hegel habang si Hera naman ay lumungkot bigla ang mukha.

"K-Kung nandito lang sana si Ina..." dinig kong bulong niya.

"Andito naman ako, Hera," saad ni Hegel. Hinawakan niya sa balikat ang kapatid at binigyan ng maliwanag na ngiti. "Hindi kita iiwan."

Napangiti ako sa sinabi ni Hegel.

"Pareho kayo ni Prinsipe Arcus, ganyan na ganyan din siya sa akin. Kulang na nga lang ay siya na ang magbantay sa akin," natatawang saad ni Dominus.

Nagulat ako sa sinabi niya, maging sina Hera at Hegel.

"B-Bakit ka naman babantayan ng Prinsipe?" tanong sa kanya ni Hegel.

"Kaanu-ano mo ang prinsipe, Kuya?" tanong naman ni Hera. "Mukhang malapit kayo sa isa't-isa. Gusto ko siyang makita! Gusto ko talagang makakita ng prinsipe!"

Matapos naming kumain ay namili kami ng mga pagkain. Nasabi rin sa akin ni Hera na natuyo na ang mga pananim nilang gulay dahil hindi ito naalagaan. Masyado raw silang nagulat sa pagkawala ng kanilang ina na tila nawalan sila ng ganang kumilos. Lumalabas lang daw sila ng bahay tuwing gabi, para mangaso.

Pauwi na kami. Nasa balikat uli ni Dominus sina Hera at Hegel habang ako ang nagdala ng mga pinamili nila. Napansin ko ang mga lalaking kanina pa umaaligid sa amin.

"Mga kawal sila sa palasyo," dinig kong sabi ni Dominus sa isipan ko.

"Hindi sila bampira," nagulat ako sa sinabi ni Hegel. Seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa malayo. "H-Hindi bampira ang mga pumaslang kay Ina. Ngayon ko lang sila nakita. Kakaiba ang anyo nila."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon