Chapter 15: Libro
Nanatili kaming dalawa ni Dominus sa likod nila Valeria at Primus habang hinahanap si Inueh. Unang araw ng klase pero mukhang hindi kami makakapasok.
Napabuga na lang ako ng hangin.
Sinulyapan ko si Dominus. Masigla pa rin ang ngiti sa kanyang labi. Ang kanyang dalawang kamay ay nasa loob ng magkabila niyang bulsa.
"Hindi na ako magpapalinlang sa lalaking iyon!" dinig kong sabi ni Valeria. "Masyado na niya tayong pinapagod."
"Sana lang ay mahanap na natin siya bago pa malaman ni Levia na nawawala si Inueh." Bakas ang bahagyang pagkabahala sa tinig ni Primus.
Tumikhim ako kaya napalingon silang dalawa sa akin.
"Gusto niyo bang tulungan namin kayo?" Nakangiting tanong ko.
Huminto kami sa paglalakad. Humarap sa amin sina Valeria at Primus.
"Ano ba sa tingin niyo?" Pagsusungit ni Valeria. "Kaya nga narito kayo e."
"Kung gano'n ay paano namin kayo matutulungan kung hindi namin alam ang hitsura ng lalaking 'yon?" Halos umikot ang mga mata ko pero pinigilan ko.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Dominus.
Nagkatinginan naman sina Valeria at Primus bago nagtanguan. May kinuha si Valeria sa kanyang bulsa at inabot 'yon sa akin.
"Siya si Inueh," sabi ni Valeria.
Humalakhak kaming dalawa ni Dominus nang makita ang litrato. Naguguluhang tumingin sa amin sina Valeria at Primus.
"Ano ang nakakatawa?!" galit na wika ni Valeria.
"Nagkamali ka ata ng litratong ibinigay, binibini," nakangising sabi ni Dominus.
Hinablot sa akin ni Valeria ang litrato. Namula ang mukha nito nang makita na litrato niya 'yon. Pasimpleng gumilid si Primus para tumawa.
May kinuha ulit sa bulsa si Valeria pero hindi katulad kanina, pinagmasdan niya muna ang nasa litrato bago padabog na inabot sa akin.
Nanlaki ang mata ko nang makita ang mukha ng lalaki.
"Ang guwapo naman!" sabi ko. Narinig ko ang pagtikhim ni Dominus. "Sigurado ba kayong libro ang kinuha niya?"
"Gano'n na nga, Hezira. Bakit?" si Primus ang nagtanong.
"Mukhang hindi mahilig sa libro," bulong ko habang pinagmamasdan ang mukha ng nasa litrato.
Kahit na balikat hanggang ulo lang ang nasa litrato ay kita na ang kakisigan nito. May mapaglarong labi at ang kanyang mga mata ay tila nang-aakit. Mukha siyang playboy...
"Hindi dahil may hitsura siya ay hindi na siya mahilig sa libro!" Napalingon kami kay Dominus nang tumaas ang kanyang boses. "Ano bang klaseng pananaw 'yan, Hezira?"
"Oo nga!" pag sang-ayon ni Primus.
"Hindi sa mukha binabase ang ugali, Hezira." Umiling sa akin si Dominus. "Mapaglinlang ang mga mata. Mag-ingat ka sa mga sinasabi nito."
Napanguso na lang ako. Minsan ay isip-bata siya at minsan ay malalim mag-isip.
"Saka hindi tamang purihin mo ang ibang lalaki habang nasa tabi mo ang kasintahan mo!" sabi pa ni Primus.
Kumunot ang noo ko. "Hindi tayo magkasintahan..." sabi ko sa kanya.
Nanlaki ang mga mata nito bago ginulo ang kanyang buhok. "Binabaliw niyo ako. Si Dominus ang tinutukoy ko!"
BINABASA MO ANG
Taste of Blood (Book I)
VampirePara kay Hezira ay isang kathang-isip lamang ang mga bampira. Hindi siya kailanman naging interesado sa mga ito. Pero lahat ay nagbago matapos ang isang madugong gabi nang paslangin ng mga nilalang na 'yon ang nag-iisa niyang pamilya--- ang kanyang...