Chapter 18

217K 9.8K 1.9K
                                    

Chapter 18: Gabi

Nang makauwi kami sa bahay ay agad na kinausap kami ni Lazaro. Nanatili kaming nakaupo ni Dominus habang nagsasalita siya. Naririnig ko pa ang pasimpleng pagtawa ni Dominus na halatang ‘di sineseryoso ang mga paalala nito.

“Naiintindihan niyo ba ako?” tanong ni Lazaro. “Lalo na ikaw, Dominus. Hindi ka prinsipe rito para gawin mo lahat ng gusto mo. Isa kang mababang bampira. Walang magtatanggol na kawal sa iyo kapag kinakailangan mo.”

“Hays. Sino ba kasing nagsabing kailangan ko ng magtatanggol sa akin?” pabalang na sagot ni Dominus. “Kaya ko ang sarili ko.”

“Hindi mo nga ako naiintindihan,” pumait ang boses ni Lazaro. Halata rin ang bahagyang pagkasinsulto sa kanya. “Kung gano’n ay kailangan mong malaman ito.”

Naramdaman ko ang pagkainteresado ni Dominus sa kung ano man ang sasabihin ni Lazaro.

“Ano ang panakot mo?” hamon ni Dominus.

“Ang bilin sa akin ni Prinsipe Arcus ay ipagbigay-alam lahat ng ginagawa mo,” pag-uumpisa nito. “Kapag may ginawa kang hindi maganda ay maaari ka niyang kunin muli rito at ikulong sa palasyo.”

Napatikhim si Dominus. “Hindi mo ito ipapaalam sa kanya,” matindig na banta nito. “Kung gusto mong magtino ako, sige. Pero huwag mo lang ito sasabihin kay Kuya.”

Ngumiti si Lazaro bago mahinang tumango.

Natigilan ako nang mabalin naman ang tingin ni Lazaro sa akin. “Ikaw naman, Hezira. Hindi ba dapat ay ikaw ang nagbabawal kay Dominus sa maling gawain?”

“Para namang magpapabawal ang pilyong prinsipeng ito?” turo ko kay Dominus. “Kung alam mo lang na ginawa ko ang lahat para tumino lang ang mga pangyayari ngayong araw… Nakakapagod.”

Naramdaman kong sumandal sa akin si Dominus. “Kapatid naman eh… Huwag mo naman akong ipagdiinan,” bulong niya sa 'kin.

“Ano’ng gusto mo? Akuin ko ang mali?” pabulong na sagot ko rin sa kanya.

“Humingi ka na lang ng paumanhin, pakiusap…” sagot pa nito bago lumayo.

Napabuntong-hininga na lang ako. Matapos ng madamdaming pagpapaalala sa amin ni Lazaro ay dinala niya kami sa kusina at ipinakita ang mga pagkaing pinamili niya. May mga prutas, gulay at karne.

“Kung nagugutom kayo ay kumain lang kayo,” ani Lazaro.

Kumuha kami ni Dominus ng mansanas. Umupo siya habang ako ay nanatiling nakasandal sa lababo. Ipinakita rin ni Lazaro ang mga supot ng dugo na binili niya. Kung sa labas ng palasyo ay kailangan mong mangaso para mapawi ang uhaw mo sa dugo, rito naman sa palasyo ay nabibili lang ito. Iba nga talaga ang nagagawa ng salapi.

“Nabili mo na rin ba kami ng mga gamit?” tanong ko.

Tumango si Lazaro. Pumunta kami sa kwarto niya, tumambad sa amin ang dalawang bag na nakapatong sa kama niya, parehong kulay kayumanggi ito. Kinilatis namin ni Dominus ang mga laman. Kumpleto ito sa gamit.

“Salamat po,” nakangiting sabi ko kay Lazaro.

Ngumiti rin ito sa akin. “Ayusin niyo ang pag-aaral ah? Hindi lahat ng bampira ay may pagkakataon na makapag-aral.”

Bahagya akong nakaramdam ng lungkot. “Nakakalungkot pero salamat po sa paalala,” sagot ko.

Tumawa si Dominus. “Sa ngayon?” aniya.

“Huh?” takang tanong ko.

Tumayo ito bitbit ang kanyang gamit. Malawak na ngumiti ito sa aming dalawa ni Lazaro. “Darating ang araw na magiging bukas ang edukasyon para sa lahat. Sisiguraduhin ko ‘yan,” sabi niya bago tuluyang lumabas.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon