Chapter 38

161K 8.2K 2.5K
                                    

Chapter 38: Tinig

Ang mahimbing kong tulog ay natuldukan nang marinig ang kalabog ng pinto sa labas. Gamit ang naniningkit kong kamay ay nakita ko ang mabilis na pagbangon ni Ina at ang pagkandado niya sa pinto ng silid namin.

Umupo ako mula sa pagkakahiga. "Sino 'yon, Ma?" tanong ko gamit ang inaantok na boses.

Mabilis na lumapit sa akin si Mama at bigla akong niyakap. Natigilan ako nang maramdaman ang bahagyang panginginig ng kanyang katawan. Kahit na naguguluhan ay hindi ako nagtanong.

"Hezira..." Hinarap niya ako. "G-Gusto kong dumaan ka sa bintana, tumakbo palayo, huwag kang lilingon uli, huwag kang babalik. Magpakalayo ka."

Kumunot ang noo ko. "B-Bakit, Ma? Sino ba sila? May tao sa labas, hindi ba? Masama ba sila?" Nag-umpisa na rin akong kabahan.

"Basta, Hezira. Gawin mo na lang---"

"At ikaw? Ano'ng gagawin mo, Ma?"

Hinawakan niya ang pisngi ko at pinunasan ang luha roon, hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako.

"Mahal na mahal ka ni Mama..." Nakangiti niyang sabi. "Sa ngayon ay mag-iisa ka muna pero hindi rin ito magtatagal." Hinaplos niya ang mukha ko.

Madiin na umiling ako. Mas lumakas ang kaba sa dibdib ko nang marinig ang pagkabasag ng mga gamit sa labas. Alam kong may kakaibang nangyayari sa labas kaya nagkakaganito si Mama.

"Sige na..." aniya pa at pinagtulakan na ako.

Hinawakan ko ang kamay niya nang tumayo na siya.

"M-Ma... Huwag ka na lang lumabas." Itinuro ko ang nakasaradong bintana rito sa kwarto namin. "T-Tumakas na lang tayo, Ma. Kung magnanakaw 'yan ay malamang na gamit lang natin ang habol nila."

Humagulgol ako kaya mabilis na tinapalan ni Mama ng kanyang kamay ang bibig ko, tila takot na takot itong may makarinig sa akin.

"Patawad..." Hinalikan niya ako sa pisngi. "Masaya akong makita kang lumaki. Hezira... Gusto ko pang mabuhay ka. Pakiusap, anak..."

Nanghina ako nang makita ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. Binitawan na niya ang pagkakahawak sa akin at sa pagkakataong 'yon ay wala na akong nagawa para pigilan siya.

Tinakpan ko ang bibig ko para pigilan ang paghikbi.

Sa huling pagkakataon ay nginitian ako ni Mama bago siya lumabas ng silid at isinara ang pinto. Matapos no'n ay nawala na ang mga ingay sa labas na tila si Mama ang hinahanap nila kaya wala ng rason para manghagilap pa sila.

Hindi ko napigilan ang sarili. Tumayo ako at bahagyang binuksan ang pinto. Sumilip ako sa labas.

Nakita kong nakaluhod si Mama sa harap ng mga taong nakatalukbong ng itim na balabal, marami sila, hindi ko mabilang. Nanlaki ang mga mata ko nang inangat ng isa sa kanila ang kanyang kamay kasabay ng pag-angat din ni Mama sa ere.

Paano nangyari 'yon?

Dahil do'n ay bahagyang tumaas ang tela sa braso ng isa sa mga nakatalukbong, sa kanyang braso ay may isang marka na araw na may tatlong sinag.

"Masyado ka nang nagsaya sa buhay mo, Esther," tinig mula sa isang baritonong boses. "Panahon na para pagbayaran mo ang kalapastangan."

Esther? Hindi 'yon ang pangalan ni Mama.

Mula sa nakalutang na ere ay unti-unting lumapit si Mama sa lalaking nakaangat din ang kamay, tila siya ang kumokontrol kay Mama.

Kinuyom ng lalaki ang kanyang kamao kasabay ng pagsuka ni Mama ng dugo. Napatakip ako sa aking bibig nang mag-unahan ang ibang mga lalaking nakatalukbong na dilaan ang dugong tumagas sa sahig.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon