Chapter 7

335K 16.7K 6.6K
                                    

Chapter 7: Fear

Huminto kami sa harap ng tarangkahan. Naging alerto naman ang mga bantay doon nang makalapit kami. Masyadong mataas ang mga pader na nakapalibot doon.

"Narito na tayo," sabi ng lalaking naghatid sa akin.

Una siyang bumaba sa kabayo para alalayan akong makababa. Malakas ang pintig ng aking puso at hindi ko maalis ang aking mata sa tarangkahan.

"Paano ka makakapasok?" tanong sa akin ng lalaki kaya napatingin ako sa kanya.

"Maraming salamat po," sagot ko na ikinatawa nya.

"Sa tono ng pananalita mo ay parang pinapaalis mo na ako," natatawa niyang sabi. Tumingin s'ya sa mga bantay bago muling tumingin sa akin. "Kung ganon ay walang anuman. Mag-iingat ka." Tumalon ito at sumakay muli sa kabayo.

"Hindi ko alam kung ano ang pakay mo sa loob ngunit ang maipapayo ko lang sa'yo ay huwag kang magtatagal. Mas mabangis sila kesa sa mga halimaw sa gubat."

Hinataw nito ang lubid ng kabayo kasabay ng pagtakbo nito. Napaubo ako nang lumipad ang alikabok galing sa lupa na binulabog ng malilikot na paa ng kabayo. Pinagmasdan ko lang sila hanggang sa tanging alikabok na lang ang makita ko.

Humigpit ang hawak ko sa laylayan ng aking kasuotan. Kahit na nakatalikod ako ay ramdam kong nakatingin sa akin ang mga kawal.

Huminga ako nang malalim bago humarap. Sinalubong ko ang matalim na titig ng mga kawal. Lumapit ako sa kanila kasabay ng paglabas nila sa kanilang mga sandata.

Napaatras ako sa gulat. Hindi ko inakalang ganito sila ka-agresibo at halatang masyado nilang pinapahalagahan ang mga buhay ng mga nasa loob.

"Anong kailangan mo?" Tanong sa akin ng isang bantay na sa tingin ko ay ang pinaka pinuno nila.

Sinenyasan niya ang kanyang mga kasamahan na ibaba ang kanilang mga sandata na s'ya namang sinunod nila.

"Ako si Hezira."

"Hindi ko tinatanong ang iyong ngalan, binibini. Anong kailangan mo?"

Napangiwi ako sa sinabi nito. "Isa ako sa mga panauhin ng mahal na Prinsipe Dominus." sabi ko.

Kumunot ang noo nito at halatang naguluhan. "Panauhin?" tanong niya pabalik.

Kinuha ko ang papel sa aking bulsa at ibinigay 'yon sa kanya. Ang papel na 'yon ay ang imbitasyon na ibinigay ng prinsipe. Binasa nya 'yon bago tumingin sa akin.

"Subalit masyado ka nang huli. Tapos na ang kaarawan ng mahal n---"

"Ngunit may handog akong hindi pa naibibigay. Maaari nyo ba akong papasukin?" Putol ko sa mahaba nyang litanya.

Hindi ito nagsalita. Nakatitig lang sya sa akin na parang inuusig pa ang aking pagkatao. Hindi ko alam kung kaya nyang basahin ang nasa isip ko ngunit sana ay kaya nya. Gusto kong malaman nyang konti na lang ang paggalang na natitira sa akin at baka akyatin ko na lang ang matayog na tarangkahan.

Bumalik ito sa kanyang mga kasamahan. Akala ko ay hindi nya ako papapasukin ngunit nagulat na lang ako nang may lumapit sa akin na isang kasamahan nya.

"Makakapasok ka ngunit ako ang maghahatid sa'yo." sabi nito.

Tumango ako. Hindi ko rin naman kabisado ang loob kaya mas pabor ito sa akin.

Sinenyasan nya akong sumunod na ginawa ko naman. Bumukas ang maliit na pinto sa gilid ng tarangkahan. Ang akala ko ay buong tarangkahan ang kanilang bubuksan.

Pumasok kami sa loob no'n. Bumungad sa amin ang malawak na espasyo. Sa pinaka gitna ay nakatayo ang isang fountain na nagbubuga ng tubig. Nasisinagan 'yon ng araw kaya parang kumikinang ang tubig. Hindi katulad sa labas ay sementado ang daan dito.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon