Chapter 41

176K 8.5K 2.5K
                                    

Chapter 41: Paghahanda

Napaigtad ako nang maramdaman na matutumba na ako. Ngumiwi ang labi ko bago unti-unting iminulat ang aking mga mata. Tumambad sa akin ang apoy na pinasisiklab ng mga pinagsama-samang maliliit na tuyong kahoy. Nasa gubat pa rin ako.

Tumagos ang tingin ko sa likod ng apoy, andoon si Inueh na nagsisiga. Seryoso itong nakatingin sa mga kahoy na tinutupok ng apoy. Kapag napapansin niya na humihina ang apoy ay dinadagdagan niya ito ng tuyong kahoy.

Tumayo ako mula sa pagkakasandal sa puno. Naglakad ako palapit sa apoy na ginawa ni Inueh. Hindi katulad nung huli akong nagising ay wala ngayong kahit na anong nakatali sa akin.

"Wala ka bang ibang gagawin kung hindi ang patulugin ako?"

Umangat ang tingin niya sa akin. Nakita ko ang mabilis na pagngiti nito pero maagap na inalis niya. Tumikhim ito at sinenyasan akong maupo sa tabi niya na ginawa ko naman. Mabilis na nahagip ng mga mata ko ang mga maliliit pang kahoy na nasa gilid niya.

Tumulala ako sa apoy. Nakakatulong ito para kahit papaano ay maibsan ang lamig na nararamdaman ko. Niyakap ko ang mga tuhod ko at ipinatong doon ang baba ko, nakatitig pa rin sa apoy.

Itinabi sa akin ni Inueh ang maliliit na kahoy. "Maglagay ka rin kung gusto mo, baka nilalamig ka pa."

Sa halip na sumagot ay kumuha na lang ako ng kahoy at inihagis sa apoy. Napaatras kami at napatayo nang tumalsik sa amin ang ilang baga dahil sa biglaang kong paghagis. Akala ko ay magagalit siya dahil sa ginawa ko pero laking gulat ko nang tumawa ito.

"Pabigla-bigla ka talaga," naiiling na sambit niya bago muling umupo sa pwesto niya kanina. Kumuha siya ng isang tuyong kahoy at maingat na nilagay sa apoy. "Gusto mo pa atang sirain ang mga mukha natin."

Hindi pa rin ako umiimik hanggang sa nakabalik ako sa pwesto ko.

Ilang sandali pa ay tumayo si Inueh. Pinanatili ko ang tingin sa apoy. Pagkabalik niya sa tabi ko ay inilagay niya sa harapan ko ang bukas niyang bag. Sa loob no'n ay may mga prutas at tinapay. Sa gilid ng bag niya kung saan may bulsa ay may malaking bote ng tubig.

"Wala iyang lason, huwag kang mag-aalala," aniya nang mapansin na tinitinigan ko lang ang mga 'yon.

Dahan-dahan na kumuha ako ng tinapay ro'n. Habang kumakain ay tahimik lang kami. Pinapanuod ko lang si Inueh sa pagpapasiklab sa apoy. Kapag napabayaan niya ito kahit na ilang minuto lang ay mabilis na maapula ang apoy.

Hindi ko pa rin maiwasang isipin ang mga naging sagutan namin kanina. Kahit papaano ay nakaramdam ako ng pagkalungkot na kung anu-ano na ang pinag-iisip ko tungkol sa kanya. Magaling siya sa paglilihim at panglilinlang... Nabiktima niya ako.

Inangat ko ang tingin ko. Tumambad sa akin ang bilog na buwan. Napabuntong-hininga na lang ako bago muling ibinagsak ang tingin.

"May masakit ka bang nararamdaman?" tanong niya.

Hindi sinasadyang mapagawi ang tingin ko sa isa niyang kamay kung saan nakasuot ang purselas. Konti na lang ang itim doon. Ibig lang sabihin ay konti na lang din ang panahon na pagsasaluhan namin ang sakit gawa ng kwintas.

"Heira---"

"May itim pa rin na perlas sa iyong purselas. Alam mo na siguro ang sagot," pabalang kong sabi.

"Hindi na tayo maaaring magpalipas ng gabi rito," bigla niyang sabi. "Malapit nang mawalan ng bisa ang mahiwagang purselas."

Kinuha ko ang bote ng tubig sa kanyang bag at pinatid ang uhaw ko matapos maubos ang tinapay at ilang prutas.

Nang matapos ay ibinalik ko sa ayos ang kanyang bag at pinagpagan ang sarili. Nang makuntento ay tumayo ako at nag-inat ng sarili. Bahagya pa akong napahikab.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon