Chapter 49

161K 7.9K 3.3K
                                    

Chapter 49: Ama

Hindi ko kailanman pinangarap magkaroon ng ama dahil hindi naman nagkulang si Mama sa pagmamahal sa akin. Pero magmula nung makilala ko si Lazaro ay naramdaman ko ang saya, saya na dulot ng isang ama.

Kumawala ako sa pagkakayakap at pinasadahan ng tingin ang kanyang katawan, sinusuri kung may sugat ba siya o galos man lang. Pero napansin kong wala, walang kahit na anong dumi sa kanya dahil bago na ang kanyang kasuotan.

"Nagpalit lang ako dahil nadumihan 'yung damit ko," agad na sabi niya nang mapansin na naguluhan ako. "Masaya akong makita kayong dalawa ni Dominus na ligtas, mga anak ko."

"Lazaro!" Lumapit si Dominus sa kanya at binigyan siya ng isang mahigpit na yakap. "Sabi ko na nga ba malakas ka e." Tumawa silang dalawa.

Habang nakatingin sa dalawa ay mas sumaya ang puso ko. Napagtanto ko sa mga sandaling iyon na nagtagumpay ako. Totoo ang pamilyang ito, ang mga nararamdaman namin ay iisa. Pero gaya ng sinabi ko sa simula pa lang, hindi rin magtatagal ang lahat.

"Mahal na Prinsipe!" May mga kawal na dumating. "Binigyan kami ng kautusan ng Hari na dalhin kayo sa pinakaligtas na lugar ngayon. Ang Nayon ng mga Manggagamot."

"Huwag ako ang alalahanin ninyo," ani Dominus. "Sumama kayo sa mga kawal na ilikas ang mga tagapagsilbi at ibang tauhan dito. Dalhin niyo silang lahat sa Nayon ng mga Manggagamot."

"Ang kautusan sa amin ay ang kaligtasan mo, Prinsipe," matigas na sagot nito.

"Ang kaligtasan ko ay nakasalalay sa kaligtasan ng lahat," madiin na sagot ni Dominus. "Ilikas ang lahat. Susunod kami."

Nakita ko ang pag-aalangan sa mukha ng mga kawal pero wala rin itong nagawa kung hindi sundin ang utos ni Dominus. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa mga salita ni Dominus at sa kanyang pag-iisip. Malalim at napakadalisay.

"Prinsipe ang anak ko pero isang tauhan lang ang ama." Humalakhak si Lazaro.

"Nakapasok na ang mga Bad Blood!" Umalingawngaw ang sigaw na iyon sa buong paligid.

"S-Sina Hera at Hegel!" Kabadong bulalas ko. Hindi na ako nakapagpigil at mabilis na tumakbo ako.

Sumabay sa akin sina Lazaro at Dominus.

Mas pinaigting ko ang aking paningin at pandinig. Napapikit ako sa inis nang wala na akong maramdamang presensya sa silid na pinag-iwan sa kanila. Kahit na may hinala na ako ay tumuloy pa rin kami. Bukas na ang bakal na pinto at wala na lahat ng nasa loob.

"N-Nasaan sila?" pabulong kong tanong.

"Baka nailikas na sila," sagot ni Dominus. "Para makasiguro tayo ay puntahan natin ang Nayon ng mga Manggagamot."

Nauna sa aming tumakbo si Dominus at kami ni Lazaro ay nakasunod sa kanya. Gusto kong isipin na tama ang sinabi ni Dominus, na nailikas na ang magkapatid pero masama ang kutob ko. Pakiramdam ko ay may masamang nangyari.

Natigilan ako at napaluhod nang maramdaman na parang may tumamang bagay sa sikmura ko. Kasabay no'n ang paghirap ko sa paghinga na tila may lubid sa leeg ko na pumipigil sa aking huminga.

"Hezira!" Mabilis na dinaluhan ako ni Lazaro.

Natigilan din si Dominus sa pagtakbo at bumalik sa akin. Napatingin ako sa pulseras niya. Iilan na lang ang puting perlas doon, halos mangitim na lahat. Kaunti na lang ang panahon ko.

"Dalhin natin siya sa mga manggagamot," pursigidong sabi ni Dominus. "Nawawalan na ng bisa ang pulseras. Baka may magawa pa sila."

Umiling ako habang hingal na hingal. "H-Hindi ko pa kayang maglakad..." bulong ko sa nanginginig na boses. "Mauna ka na, Dom. G-Gusto kong masigurong ligtas ang magkapatid."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon