Chapter 45

167K 8K 5.5K
                                    

Chapter 45: Pangako

Walang nagawa si Dominus nang hilahin ako ni Prinsipe Arcus palabas ng lugar na iyon. Gusto kong magpumiglas pero pakiramdam ko ay tinakasan ako ng lakas ng loob. Kaya kong higitin ang braso ko mula sa pagkakagapos nito sa kanyang kamay pero hindi ko ginawa.

Ramdam ko ang galit niya base sa higpit ng hawak niya sa braso ko. Nasasaktan ako pero mas nangingibabaw ang takot. Sa sobrang abala ko sa kaiisip ng kung anu-ano ay hindi ko namalayan na pumasok na pala kami sa malawak na silid-aklatan at pumunta sa pinaka dulo.

Tinulak niya ako sa pader, tumama ang likod ko sa tigas no'n. Nanginig ang tuhod ko. Hindi ko masabayan ang kanyang titig kaya yumuko ako.

"Hindi mo pa ako kilala at wala kang ideya sa maaari kong gawin sa 'yo," matalim na sabi nito. Naramdaman ko ang kamay niya sa panga ko at marahas na hinarap sa kanya ang mukha ko.

Ilang beses akong napalunok. Sa aking paningin ay tila may bagyo sa kanyang mga mata. Umiikot... Nagpupumiglas sa pagkakagapos... Gustong kumawala. Galit siya at ramdam ko ang pagpipigil niyang ilabas iyon.

"P-Patawad..." Wala akong hinuha sa kanyang kinagagalit pero gusto ko na agad humingi ng tawad. Gusto ko nang lumuhod at kaawaan niya ako para makawala na sa mga nag-aapoy niyang mata.

Hindi kinakaya ng katawan ko ang kanyang presensya. Hindi ako kumportable sa kanyang harapan. Tila hinihigop ng kanyang tingin ang aking lakas.

Binitawan niya ang pagkakahawak sa aking panga at humakbang nang ilang beses palayo sa akin. Bumali ang leeg niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko maiiwas ang tingin ko dahil alam kong hindi niya iyon gusto.

"Alam ko ang pakay niyo sa pagbalik." Muli itong nagsalita matapos ang ilang segundong pananahimik. "Hindi kasalanan ng kapatid ko kung padaskul-daskol ka sa pagpasok sa mundong ito para ipaghiganti ang isang pamilyang patay na. Idadamay mo pa siya sa kapahamakan."

May isang parte sa sinabi niyang tinamaan ako. Isang parte na bumuhay sa galit na matagal ko nang isinantabi. Dahil do'n ay nahanap kong muli ang boses ko.

"Ikaw na ang nagsabi, Prinsipe. Pamilya..." Umayos ako ng tayo at matalim siyang tinitigan. "Paano kung kay Prinsipe Dominus nangyari iyon? Uupo ka lang ba sa malambot mong kama habang humihigop ng mainit na kape at may hawak na lapis at papel para ilista lahat ng hakbang na gagawin mo?"

Hindi ito nagpakita ng kahit na anong emosyon sa mga sinabi ko. "Hindi ako interesado sa malungkot mong talambuhay, Hezira. Ang pakay ko rito ay ang kaligtasan ng kapatid ko."

Kumislot ang kanyang tingin... Hindi iyon nakaligtas sa akin kahit na parang kisap-mata lang na nangyari.

"Kinuha mo ang loob ng kapatid ko para mahawakan ito sa leeg at mapasunod sa mga utos mo," may panunuyang saad nito. "Pero hindi ako mananatiling nakatayo rito habang nilalason mo ang kanyang isipan."

Suminghap ako bago madiing umiling. "Paumanhin, Prinsipe, pero wala akong panahon sa mga pang-aakusa niyo sa akin."

Aalis na sana ako nang hawakan niya ang braso ko. Tinulak niya ako muli pasandal sa pader ngunit hindi ko na hinayaan na masaktan ang likod ko. Mabilis na pinigil ko ang sarili at sinubukan siyang sikmuraan pero maagap na nahawakan niya ang kamay ko at umikot sa likod ko.

Mula sa likod ay hawak niya ang dalawa kong kamay. Hinigit niya ako pasandal sa kanya. Kinapos ako sa hangin lalo na nung maradaman ang mainit niyang hininga sa aking leeg.

"Hindi ka na makakaalis nang buhay sa mundong ito, Hezira..." bulong niya sa tainga ko.

Humugot ako ng lakas ng loob para sumagot. "Hindi ikaw ang magdidikta sa magiging kapalaran ko."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon