Chapter 20

207K 9.2K 1.2K
                                    

Chapter 20: Tatsulok

Nanginginig ang mga tuhod  ko habang naglalakad papunta sa gitna. Halos marinig ko na rin ang pintig ng puso ko dahil sa sobrang lakas nito. May sinasabi pa si Dominus na hindi ko na naintindihan.

“Handa ka na?” tanong sa akin ng babaeng magpipiring sa mga mata ko.

Hilaw na napangiti na lang ako.

Tinignan ko si Tyra na ngayon ay sinisimulan nang piringan ang kanyang mga mata. Wala ka man lang mababakas na pagkabahala sa kanya, banayad ang paghinga at kilos nito.

“Hezira?” tawag sa akin ng babae. “Kailangan ko ng piringan ang mga mata mo. Marami pa kayong kasunod.”

Lumunok akong muli bago mahinang tumango. Makalipas ang ilang segundo ay dumilim na ang paningin ko. Mas lalong tumaas ang kaba sa dibdib ko. Narinig ko pa ang mahinang pagtawa ni Tyra.

“Hezira laban kay Tyra…. Maaari na kayong magsimula!”

Namawis ang noo ko at nanatiling nakatayo. Sinubukan kong hagilapin ang presensya ni Tyra ngunit wala akong mahanap. Parang naglaho rin ang ingay sa paligid. Nabablangko ako at hindi makapagtuon ng pansin sa laban.

“Hezira…” Nanayo ang balahibo ko nang marinig ang bulong ni Tyra. Alam kong nasa likod ko siya kaya mabilis akong tumalikod at kinapa siya.

Humalakhak ito.

Nangapa ako ngunit hindi ko siya mahuli. Patuloy pa rin siya sa pagtawa, ang tinig niya ay tila nasa buong paligid, walang tamang lugar, umiikot at palapit nang palapit.

“Ah!” Napaatras ako nang maramdaman ang kamao niya sa sikmura ko.

“Hezira!” tinig ni Dominus.

“Walang makikialam sa laban,” dinig kong paalala ni Teacher Baro. “Maapektuhan nito ang mga puntos ninyo.”

Ngumiwi ako nang marinig ang mga yabag ni Tyra, tila tumatakbo ito paikot sa akin. Hinawi ko ang buong paligid, naglakad-lakad habang kinakapa siya. Posibleng nararamdaman niya ako kaya nakakaiwas siya.

“Tanggalin mo na ang piring niya!” dinig kong udyok ng isa sa mga nanunuod.

Napaupo ako nang maramdaman na naman ang pagtama ng siko niya sa likod ko. Napahawak ako sa lupa habang nakaluhod. Nakayuko ako. Ramdam ko ang sakit ng mga tama niya sa akin.

“Hindi ko inakalang ganito ka kahina,” panunuya ni Tyra. Masyadong malapit ang tinig niya na tila nakaupo siya sa gilid ko. “Ni hindi mo man lang ako maramdaman. Paano mo ako matatalo?”

Naramdaman ko ang kamay niya sa braso ko at sapilitan akong itinayo. Sinipa ko siya ngunit walang tumama. Mabilis na bumalik sa akin ang ginawa ko, sinipa niya ako sa sikmura kaya napaatras akong muli at napahawak sa aking tiyan.

Kaya mo ‘yan,” tinig ni Dominus. “Parang telepatiya lang ‘yan, hanapin mo siya sa isipan mo at huwag mong hahayaang mawala siya. Hindi hadlang ang piring sa ‘yong mga mata para hindi siya maramdaman.”

Huminga ako nang malalim at kinalma ang aking sarili. Naramdaman ko na naman ang pagtama ng siko ni Tyra sa likod ko pero ininda ko ‘yon at nanatili sa aking pwesto. Binuo ko ang imahe niya sa aking isipan kasabay ng paglitaw ng paligid.

Sa likod,” tinig ni Inueh na naman ang lumitaw sa isipan ko.

Mabilis na tumalikod ako kasabay ng pagtama ng paa ni Tyra sa likod ko. Mahina akong napamura nang nilinlang ako ni Inueh. Wala sa likod si Tyra! Niloko niya ako!

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon