Chapter 28

186K 8.4K 2.4K
                                    

Chapter 28: Tulong

Nagising ako na nasa loob na ako ng kwarto ko, nakahiga sa kama. Pinihit ko ang ulo ko patingin sa bintana, kahit na nakatakip iyon ng kulay puting kurtina ay agad kong nabatid na maliwanag na sa labas.

Itinukod ko ang kamay ko para umupo at isandal ang likod sa ulunan ng kama.

Wala sa sariling napahawak ako sa kwintas na suot ko. Alam kong ito ang dahilan nang bigla kong pagbagsak kagabi. Hindi ko alam kung ano ang ipinapahiwatig no'n pero alam kong hindi iyon mabuti.

Bumuntong-hininga ako bago iwinaksi ang mga iyon sa isipan ko. Bumangon ako mula sa kama at naglakad palabas. Tahimik na sala ang bumulaga sa akin. Dumiretso ako sa kusina kung saan naabutan ko si Lazaro na nagluluto.

"Maupo ka, matatapos na 'to," aniya nang hindi man lang lumilingon. Nanatili itong nakatalikod habang naghahalo sa niluluto niya.

Sinunod ko ang bilin niya. Tahimik na umupo ako.

"Si Dominus po?" tanong ko.

"Pumasok." Binalingan niya ako ng tingin. "Minabuti na muna naming huwag kang papasukin. Nailathala rin sa akin ni Dominus na madalas daw na sumama ang pakiramdam mo. Gusto mo bang ipatingin ka namin sa mangagamot?"

Napalunok ako bago umiling. "H-Hindi na po. Sa tingin ko lang ay dahil lang 'yon sa pagod. Nakapagpahinga na po ako kaya sa tingin ko'y hindi na mauulit 'yon."

Taimtim na nakatingin siya sa akin. Parang binabasa niya ang isipan ko kaya hindi ako nag-isip ng kung anu-ano. Mayamaya rin ay tumango siya bago hinarap ang niluluto.

Nakatingin lang ako sa kanya habang pinaghahain niya ako ng sabaw.

"Higupin mo habang mainit pa," aniya bago inilapit sa akin ang mangkok. Pumunta ito sa aparador at kumuha ng isang supot ng dugo roon at inilapag 'yon sa lamesa. "Para mas mapabilis ang panunumbalik ng lakas mo."

Napangiti ako. "Salamat po..."

Akala ko ay aalis na siya matapos akong mapagsilbihin pero hindi, nagulat ako nang umupo ito sa kaharap kong upuan. Sinenyasan niya akong kumain nang mapansin na nakatingin lang ako sa kanya.

Halos hindi ako makakain dahil sa titig niya. Pinanatili ko ang pagkakayuko ng ulo habang humihigop ng sabaw.

"Gusto kong malaman mo na pamilya ka rin dito." Napatingin ako sa kanya dahil sa sinabi niya. "Hindi lang si Dominus ang kailangan kong ingatan, nasa pangangalaga rin kita. Pasensya na..."

"P-Po?" Nakaramdam na talaga ako ng hiya sa mga sinasabi niya.

"Pasensya na kung halos kay Dominus lang ako nakatuon ng pansin. Medyo pilyo kasi ang batang 'yon hindi katulad mo."

Payak na ngumiti ako. "W-Wala po 'yon saka... Tungkulin naman talaga nating pangalagaan ang prinsipe."

Lumipas ang isang minuto nang hindi siya nagsalita. Naubos ko na rin ang sabaw sa mangkok at ngayo'y iniinom ko na ang dugo mula sa supot. Ramdam ko ang pagdaloy ng mainit na likido sa mga ugat ko, pakiramdam ko ay buhay na buhay ang katawan ko.

"Tungkol nga pala kay Prinsipe Arcus..." Muling naagaw ni Lazaro ang atensyon ko. "Gusto kong humingi ng paumanhin sa mga sinabi niya sa 'yo. Alam kong nasaktan ka nang husto. Ako na ang humihingi ng kapatawaran."

"Naiintindihan ko naman po kung bakit niya nasabi 'yon..."

Naiintindihan ko pero hindi ko mahagilap ang punto niya para manglait. Kung ang pakay niya ay para makumpirma kung ipagtatanggol kami ni Dominus, hindi pa rin 'yon sapat na dahilan para sa masakit na insultong ibinato niya.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon