Chapter 23

182K 8.6K 2.7K
                                    

Chapter 23: Parusa

Ilang sandali ang lumipas matapos makaalis ng tatlong lalaki ay naglaho rin agad ang mga ugat sa braso ni Dominus. Lumuwag muli ang hangin na kanina ay parang masyadong mabigat. Kumalma na ang paligid na panandaliang sinira niya.

Kumalma na ang lahat…. Ngunit hindi ko magawa.

Bumalin ng tingin sa akin si Dominus. Nagbalik na sa normal na kulay asul ang kanyang mga mata. Sa isa ring iglap ay naglaho ang bumabalot na galit sa kanya.

“B-Bakit?” Nanginig ang labi ko.

Bigla itong ngumiti. “Pamilya…”

Sa pagkakataong ‘yon ay kinuha ko ang bag ko at nagsimula nang maglakad palayo. Tinawag pa ako ni Dominus ngunit hindi ako lumingon. Ramdam ko na rin ang pamumuo ng tubig sa mga mata ko.

“Hezira!” Tinig ni Dominus.

Napahinto ako nang bigla siyang sumulpot sa harapan ko. Mabilis na tumagilid ako para hawiin ang mga luhang lumandas sa mata ko.

“U-Umiiyak ka…”

Umiling ako bago siya nilagpasang muli. Ilang hakbang lang ang ginawa ko nang bigla na naman siyang sumulpot sa harapan ko.

“K-Kausapin mo naman ako,” pagsusumamo niya.

Isang galit na tingin ang ibinigay ko sa kanya. “Hindi mo dapat ginawa ‘yon!”

Kumunot ang kanyang noo. “Hindi ko dapat siya pinakawalan? Gusto mo bang parusahan ko pa siya? Naguguluhan ako. Ano ang gusto mong gawin ko?”

Mas lalong bumuhos ang luha sa aking mga mata.

“H-Hindi mo dapat sila pinatulan… Hindi mo dapat ako pinagtanggol!”

“P-Pero…”

“Hindi gano’n ang pamilya.”

Bigla itong napayuko.

Mas lalong bumuhos ang luha sa aking mga mata at halos humagulgol na rin ako pero hindi ko hinayaan.

“S-Sinasaktan ka nila…” Bigla niyang umangat ang kanyang mukha. Nakita ko ang labis na lungkot sa kanyang mga mata. “Hindi ko inisip na pamilya kita kaya ako lumaban. Nung nakita ko pa lang na dumapo ang kamay nila sa ‘yo ay kusang gumalaw ang buo kong katawan para ipagtanggol ka.”

Napatitig ako sa kanya. “H-Hindi ganyan ang pamilya…”

“Kung gano’n ay mas malalim pa ito kaysa sa pamilya?”

Sandali akong natigilan nang mapagtanto kung ano ang sinabi niya. “A-Ano ang sinasabi mo?”

“Kung hindi pamilya ang tingin mo sa ginawa ko… Ano ‘yon?”

Parang nauubusan ako ng hangin dahil sa kanya.

“Isang kahibangan,” madiin kong sabi.

“Kung gano’n ay isa akong hibang pagdating sa ‘yo?”

Hindi na ako nakasagot. Hindi ko na gusto ang mga lumalabas sa kanyang labi. Hindi ko na alam kung ano pa ang sasabihin ko para ipaintindi sa kanya ang mga salitang hindi rin kayang bigksin ng bibig ko.

“H-Hezira… Patawad kung hindi mo nagustuhan ang ginawa ko. Hindi na ito mauulit pa, basta patawarin mo lang ako…”

Napahawak ako sa kanya nang maramdaman na bumigay na naman ang tuhod ko. Nakaalalay rin siya sa akin hanggang sa makuha ko uli ang balanse. Tumindig ako gamit ang natitira ko pang lakas.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon