Chapter 47

168K 7.9K 2.5K
                                    

Chapter 47: Plano

Isang tanglaw sa isang madilim na piitan. Ramdam ko ang lamig ng sahig habang nakaupo rito, yakap ang mga binti, nakatitig sa mga bakal ng rehas. Tahimik... Tanging ang paghinga ko lang ang aking naririnig. Natatakot ako sa katahimikan... Pakiramdam ko ay panandalian lang ang lahat.

Huminga ako nang malalim at inalala ang nangyari kanina. May tanikala sa leeg ni Prinsipe Arcus, hindi ko man iyon laging nakikita sa kanya ngunit nung mga sandaling nanghihina siya ay lumitaw ito.

Pinagmasdan ko ang aking mga kamay. Sa tuwing lalapit ako sa kanya ay tila mas nahihirapan siya. Pakiramdam ko ay kasalanan ko kung bakit siya nasasaktan. Hindi ko mapagtanto kung bakit pero nasasaktan ako... Nasasaktan akong makita siyang walang laya.

"Hezira!" Napatingin ako sa lalaking gulat ang mukha, mahigpit ang hawak niya sa bakal na rehas habang nakatingin sa akin. "S-Sino ang gumawa nito?" tanong ni Dominus.

Nanatili akong nakatulala sa kanya. Lumunok ako bago umiling. "Ang tahimik dito, Dom," bulong ko. "Hindi ko alam kung bakit pero kahit na walang makakapanakit sa akin dito ay natatakot ako."

"Gagawa ako ng paraan para makalaya ka," madiin niyang sabi.

Tumakbo na ito palayo kasabay ng muling panunumbalik ng katahimikan. Tumatayo ang mga balahibo ko dahil sa katahimikan. Para patahanin ang dibdib na nanlalamig ay pabulong akong nagbilang.

"Isa... Dalawa... Tatlo..." Suminghap ako nang may magbara sa lalamunan ko. "Apat... Lima..." Namuo ang luha sa aking mga mata. "Anim...P-Pito..." Hindi ako tumigil. Pakiramdam ko ay kakainin ako ng dilim kapag tumigil ako. "Walo... Siyam..."

"Tahan na." Napatingin ako sa lalaking ngayon ay nakatayo sa labas ng rehas. "Ang bagal mo kasing magbilang. Ano ba ang sadya mong numero nang matulungan kitang magbilang? Mag-uumpisa ako sa huli at sasalubungin kita." Tumawa si Inueh.

Suminghap akong muli ng hangin para iwaglit ang luha. "Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ko.

"Binibisita ko lang ang kaibigan na ikinulong." Mahina itong tumawa bago umupo, nakarahap sa akin.

Nasa pinakadulo ako ng rehas habang siya naman ay nasa labas ng bakal na nakakandado. Nakaupo lang ito roon at tahimik na nakatingin sa akin. Seryoso ang mukha nito.

"Ano ang tinitingin-tingin mo dyan?" Pagsusungit ko sa kanya. "Mukhang masaya kang makulong ako, ah? Hindi mo ba ako tutulungang makalaya rito?"

Umiling ito. "Hayaan mong ang prinsipe ang magpalaya sa 'yo. Ano ba ang laban ko sa mga narito?"

Ngumuso ako at hindi na nagsalita. Nakatingin lang ako kay Inueh. Hinawakan nito ang bakal na rehas na parang sinusuri nito ang tibay. Umangat ang tingin niya sa kandado na gawa sa makapal na bakal. Umikot ang tingin niya sa paligid ko bago tumigil sa akin.

"Mukhang masaya sa loob ah? Hindi ka malalapitan ng mga bampira. Tahimik at alam mong walang sino ang basta-basta makakalapit sa 'yo," aniya .

Tinaasan ko siya ng kilay. "Sabihan mo na si Heneral Dignus na ikulong ka rin."

Namilog ang kanyang mga mata. "Gusto mo ba akong makatabi diyan?"

"Sabihin mo sa kanya na ipalit ka sa akin nang makalaya na ako," dugtong ko na ikinatawa niya.

"Diyan ka na lang," nakangiti niyang saad. "Para naman mabantayan kita. Ang hirap mo kasing hawakan kapag malaya ka, malingat lang ako nang kaunti ay wala ka na sa paningin ko."

Tumayo ako at lumapit sa kanya. Umupo ako sa tapat niya. Tanging ang bakal na rehas lang ang pumapagitna sa amin.

Lumunok ako bago nagsalita. "Kaibigan talaga ang turing sa iyo ni Nero. Nakita kong gusto ka niyang makasama pero natatakot na siyang masaktan mo pa. Tama na kasi ang panlilinlang, Inueh. Tinatakot mo sila sa 'yo eh."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon