Chapter 35

157K 8.4K 1.7K
                                    

Chapter 35: Pagbabalik

Kahit papaano ay nakakakita pa rin naman ako sa dilim gawa ng liwanag mula sa bilog na buwan pero hindi na ito gaya nung bampira pa ako. Ramdam ko na rin ang pagod buhat sa pagtakbo na kanina ay hindi ko naramdaman.

Tao na nga talaga ako. Pakiramdam ko ay naninibago ang katawan ko. Matagal-tagal na rin nung huli kong maramdaman ito. Ang panghihina, ang pagiging normal.

Tumingala ako sa buwan. Pinagmasdan ko ang liwanag nito. Kung tama ang naiisip ko, apat pa na magkakasunod na kabilugan ng buwan ang mangyayari. Tama nga ang nasa libro, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasusunod ang mga senyales. Kailangan ko lang maging handa. Sa ngayon ay dito muna ako.

Napigil ko ang hininga ko nang marinig na kaluskos sa paligid. Naging alerto ako sa maaaring mangyari. Pawala-wala ang kaluskos pero kapag bumabalik ito ay mas lumalapit ang tunog.

Kumuha ako ng malaking bato sa tabi ko at tumayo. Hawak-hawak ko ang hininga ko habang pinapakiramdaman ang paligid.

Kumabog ang dibdib ko nang makita ang dalawang pares ng mata sa hindi kalayuan, bilog ang mga 'yon na kulay puti. Lumiliwanag iyon. Alam kong hindi iyon mula sa isang bampira.

Nawala ang tunog ng kaluskos. Hindi ko rin inalis ang atensyon sa dalawang pares ng matang nakatingin sa akin.

Ilang segundo pa ang lumipas at bigla itong gumalaw. Napaatras ang isa kong paa nang sumugod sa akin ang isang asong lobo. Mabangis ito at halatang gutom.

Binato ko sa kanya ang hawak kong bato pero hindi man lang ito natinag. Wala akong nagawa kung hindi ang tumakbo palayo. Halos matapilok ako sa dami ng mga nakausling bagay gaya ng bato at ugat ng puno.

Ang pag-atungal pa ng asong lobo ang mas nagpatindi sa kabang nararamdaman ko. Napangiwi ako nang matapilok at mapaupo sa lupa. Nilingon ko ang asong lobo.

Nanginig ang labi ko nang makita ang mga matulis na pangil nito at ang kanyang mga umiilaw na mata. Sa pagkakataong iyon ay alam kong hindi na ako makakatakbo pa palayo sa kanya.

Napatitig na lang ako hanggang sa bigla itong natigilan. Ang kaninang nakataas na buntot nito ay biglang bumaba. Tumikom ang kaninang gutom na gutom niyang bibig. Nakipagtitigan pa ito nang ilang segundo bago umatras at tumakbo palayo.

Napabuga ako ng mabigat na hininga.

Pagkatayo ko ay natigilan din ako. Naramdaman kong may presensya sa likod ko, nakatingin siya sa akin. Biglang lumamig ang simoy ng hangin. Tumaas ang mga balahibo ko sa batok.

Lumunok ako bago bumalin ng tingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ang bampirang nakatayo ngayon sa harapan ko. Ang kanyang mga mata ay puro itim, ang kanyang titig ay napakalamig.

"T-Tita Rema..."

Napaatras ako nang isang beses nang lumapit ito sa akin. Ang isang beses ay nagsunod-sunod. Mas lalong nangatog ang tuhod ko.

Hindi ako maaaring magkamali, si Tita Rema ngayon ang nasa harapan ko, ang ina nina Hegel at Hera. Pero may kakaiba sa kanya... Nag-iba ang kanyang presensya, binabalutan ng kadiliman.

"Tita Rema, ako 'to, si Hezira..." Pagpapakilala ko pero tila wala man lang itong narinig.

Napalunok ako nang ngumisi ito.

"Ang iyong amoy ay kakaiba, napakasariwa," aniya sa malalim na tinig. "Hindi ako maaaring magkamali, isa kang tao."

Nanuyo ang lalamunan ko nang mag-umpisa na itong tumakbo palapit sa akin.

"Huminahon ka..." Isang tinig na naman ang lumitaw na nagpatigil kay Tita Rema.

Sa likod ni Tita Rema ay ang isang babaeng nakatalukbong ng itim na tela ang ulo. Balot na ballot din ang katawan niya maliban na lang sa parte ng dibdib niya kung saan may marka na tatlong sinag.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon