Chapter 21

209K 9.1K 2.1K
                                    

Chapter 21: Ulat

Isang araw ay gumulat sa amin si Lady Nerisa. Naabutan namin siyang nakatayo sa labas ng bahay. May talukbong na kulay puting tela sa kanyang ulo na parang nagtatago.

"Ano ang maipaglilingkod namin sa inyo, Nerisa?" tanong ni Lazaro nang makaupo na kami sa loob.

Mahinhin na inalis nito ang telang tumatakip sa kanyang ulo. Nasinagan ko na naman ang masyadong maamong mukha nito.

Huminga siya nang malalim. "Pinapunta ako rito ni Prinsipe Arcus para mag-ulat sa 'yo," aniya kay Dominus.

"Hindi na dapat ikaw ang pumunta, Nerisa. Baka magtaka ang mga nasa paligid," agap na sabi ni Lazaro.

Hindi ko maiwasang punahin kung paano kami protektahan ni Lazaro. Malamang na takot din siya sa maaaring gawin ni Prinsipe Arcus kapag may nangyaring masama kay Dominus.

"Kaya nga nagtalukbong ako para hindi nila ako makilala," dahilan nito. "Saka ang bilin niya ay ako mismo ang maghayag ng balita."

"Ano 'yon, Lady Nerisa?" Bakas na ang tanong sa mukha ni Dominus.

Napatingin sa akin si Lady Nerisa at mabilis ko naman na naunawaan ang gusto niyang mangyari.

"May pupuntahan lang ako sandali," dahilan ko.

"Dito ka lang," tutol ni Dominus.

Tumikhim si Lazaro. "Mas mabuti nga, Hezira," ayon niya sa akin.

Wala na akong nagawa kung hindi ang lumabas. Pagkalabas ko ay napasimangot na lang ako. Minsan talaga ay nakakainis din ang pagiging maingat ni Lazaro.

Iginala ko ang tingin ko sa paligid. Saan naman kaya ako magpapalipas ng oras hangga't hindi sila natatapos sa usapin?

Natagpuan ko ang sarili ko sa tapat ng bahay ni Inueh. Napakurap ako nang ilang beses dahil sa sobrang pagkabigla. Ang alam ko ay naglalakad-lakad lang ako. Hindi ko namalayan na rito pala ako dinala ng mga binti ko.

Tatalikod na sana ako nang biglang bumukas ang pinto.

Nagkatitigan kami ni Inueh. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko.

Ang madalas na maayos na buhok niya ay ngayo'y magulo. Pumupungay rin ang kanyang mga mata na halatang kagigising lang.

Kumurap ang kanyang mga mata. "Kung dati ay hindi mo ako sinisipot, ngayon naman ay masyadong napaaga." Gumuhit ang isang mapang-asar na ngiti sa kanyang labi.

Napairap ako. "Malapit lang kaya ang bahay mo sa amin. Hindi naman nakakabigla na madaanan ang bahay mo habang naglalakad-lakad!"

"Hindi nga. Pero nakakabigla na makita kitang nakahinto habang nakatingin sa bahay ko," pang-aasar pa niya. "Halika. Magkape ka muna."

Napatitig ako sa kanya. "P-Papasok ako?" nauutal kong tanong.

Tumamad ang tingin niya. "Malamig dito sa labas lalo na't umaga pa lang. Halika... Magpainit tayo sa loob." Sumilay sa labi niya ang isang misteryosong ngiti.

"H-Hindi mo naman ako gagawan ng masama?"

Kumunot ang noo niya. "Syempre hindi. Masarap kaya ako magtimpla ng kape. Halika na!" Saka niya nilawakan ang pagkakabuksan ng pinto.

Ilang ulit akong lumunok bago pumasok. Bumungad sa akin ang malinis loob. Walang kahit na anong abubot ang nasa pader, puti lahat. May dalawang kwarto na sa pagtantya ko ay mas malawak sa kwarto namin.

"Ikaw lang ang nakatira rito?" tanong ko kay Inueh.

"Nakakalungkot hindi ba? Ako lang mag-isa." Lumukot ang kanyang mukha. "Wala akong makausap o mapagsabihan man lang ng mga problema. Kaya minsan ay ayoko ring umuwi eh. Walang sigla ang lugar na ito."

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon