Chapter 39

157K 8.1K 1.8K
                                    

Chapter 39: Panghihina

Hindi ako lumingon pabalik. Tumakbo ako nang tumakbo palayo sa lugar na 'yon. Tila naulit ang isang bangungot ng buhay ko, ang pagtakbo para isalba ang sarili habang ang iba ay nanganganib, pero sa pagkakataong ito ay iba na naman ang napapahamak, isang bampirang malapit sa akin.

Natigilan ako sa pagtakbo nang kumirot ang dibdib ko. Hindi iyon dahil sa kwintas kung hindi galing mismo sa loob ko. Tumatakbo na naman ako... Tinatakbuhan ko na naman ang isang pangyayari para iligtas ang sarili ko.

Biglang bumalik sa isipan ko ang palasong tumama sa binti ni Lazaro, ayon din sa kanya ay may lason ito kaya namamanhid. Hindi siya makakalaban... Hindi ko siya maaaring iwan.

Pumikit ako nang madiin bago iniliko ang mga paa ko, pabalik sa kaninang tinahak ko. Alam ko kung ano ang tinatakbo ko, susuwayin ko ang utos niya, binabalikan ko ang kapahamak. Pero... Hindi ko kaya. Hindi ko kayang iwan na lang siyang mag-isa.

Bumigay ang tuhod ko, napaupo ako sa lupa. Hingal na hingal, tagaktak ang pawis. Nanlalabo na ang mga mata ko dala ng pagod, antok at gutom.

Kinuha ko sa aking likod ang bat at inilabas doon ang tubig. Tumayo ako at iniwan na ang bag doon. Pagkain na lang ang laman no'n, itong tubig lang ang makapagsasalba sa akin.

Sinubukan kong tumakbo pa pero tanging lakad na lang ang nagawa ko. Tumingala ako. Hindi nagpapatinag ang bilog na buwan, tila nakatingin ito ngayon sa akin, pinagmamasdan ang isang babae na halos bumagsak na pero pinipilit pa ring lumaban.

"Sa direksyon na ito!" tinig mula sa hindi ko kilalang bampira.

Mabilis na nagtago ako sa likod ng isang puno, umupo para hindi ako maaninag at uminom ng tubig. Pinagmasdan ko ang mga hindi mabilang na bampirang nagtatatalon sa puno at papunta sa direksyon na pinuntahan ko kanina. Hindi nila ako napansin dahil sa mahiwagang tubig na bigay sa akin.

Nanlumo ako nang makitang ubos na ang laman ng bote. Wala na akong tubig na magpapatigil sa paghalimuyak ng aking sariwang dugo.

Nang mawala na ang ingay ay muli akong tumayo at tumakbo pabalik. Nabitawan ko ang bote nang makita si Lazaro, bagsak sa sahig, puro duguan ang kanyang katawan at nakadapa.

Mabilis na lumapit ako sa kanya at itinihaya siya.

"H-Hezira..." Gamit ang namamaga niyang mata ay sinulyapan niya ako. "A-Ano ang ginagawa mo rito? Lumayo ka na."

Sinubukan niyang hawiin ang kamay kong nakaalalay sa kanya pero dahil sa panghihina ay hindi niya nagawa.

Sumikip ang dibdib ko nang makita ang pagsilip ng ngiti sa kanyang labi. "P-Patawad ah?" bulong niya.

"A-Ano'ng sinasabi mo?" naguguluhan kong tanong. "P-Pero huwag ka na munang magsalita. K-Kailangan mong mag-ipon ng lakas."

Lumayo muna ako sa kanya para maghanap nang matulis na bato at nang makahanap ay lumapit din ako agad sa kanya. Naguluhan ang tingin ni Lazaro nang makita ang bagay na hawak ko.

"H-Hezira..."

Umiling ako. "K-Kailangan mong mabuhay, Lazaro."

"H-Hindi ako mamamatay... Kailangan ko lang magpahinga."

Lumuhod ako sa gilid niya at itinaas ang aking braso. Nanginginig ang kamay ko habang unti-unting inilalaapit doon ang matulis na bahagi ng bato. Sinubukang abutin ni Lazaro ang braso ko pero bigo siya.

"H-Huwag mong gagawin 'yan. Mapapahamak ka. Maaamoy ka nila."

"Patawad..." bulong ko. Madiin akong napapikit, kasabay ng paglabas ng luha sa aking mata ay ang pagtagas ng dugo mula sa braso ko papunta sa bibig ni Lazaro.

Taste of Blood (Book I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon