Chapter 24: Pagdiriwang
Ilang oras matapos maipasok si Dominus sa loob ng pagamutan ay hindi ko pa rin siya nakikita. Nanatili ako sa labas ng pagamutan. Hindi ko alam kung paano ko siya haharapin. Nahihiya ako sa kanya. Wala akong ideya kung ano ang sasabihin sa kanya.
“Gising na siya,” sabi ng kalalabas lang na si Inueh. Siya lang ang tanging pumasok sa loob.
Napangiti ako at bahagyang lumuwag ang paghinga ko. “A-Ayos na ba ang pakiramdam niya?”
Tumango ito. “Nakainom na rin siya ng dugo kaya mabilis na nakabawi ang kanyang katawan. Pero ang sabi ng manggagamot ay kailangan niya pa ring manatili sa loob para makapagpahinga.”
Napayuko ako. “S-Salamat,” bulong ko.
“I-Ikaw agad ang hinanap niya,” bigla niyang sabi na ikinaangat uli ng ulo ko. “Nung nagising siya ay pangalan mo agad ang lumabas sa kanyang bibig. Gusto ka niyang makita.”
Napalunok ako. Nangatog na naman ang mga tuhod ko. “T-Talaga?”
“Pamilya ka raw niya eh.”
“H-Hindi siya galit sa akin?”
Kumunot ang noo ni Inueh. “Bakit naman? Basta. Pumasok ka na lang sa loob para na rin mapalagay ang loob niya. Nagpupumilit na nga siyang lumabas para makita ka e.”
Ngumiti ako sa kanya bago muling nagpasalamat.
Halos hindi ko maihakbang ang mga paa ko habang papasok sa loob ng pagamutan. Nagdadalawang-isip pa rin ako kung papasok ba ako o magpapalipas muna ng kaba.
Huminto ako nang nasa mismong pinto na ako ng silid niya. Narinig ko ang pagpupumiglas ni Dominus mula sa loob kaya mabilis na pumasok ako.
Naabutan kong hawak siya ng dalawang nars. Huminto ito sa pagpupumiglas nang makita ako.
“H-Hezira…” tawag niya sa akin. Nakita ko ang pagkasabik sa kanyang mga titig. “B-Buti dumating ka na.”
Binitawan siya ng dalawang nars dahil tumigil na rin ito. Nahihiyang lumapit ako sa kanila. Umayos ng pagkakaupo si Dominus pero masama pa rin ang tingin niya sa dalawang lalaking nars.
“Makakaalis na kayo,” utos niya sa dalawa.
“Hindi ka maaaring lumabas hanggat hindi sinasabi ng punong mangagamot,” paalala ng isang nars sa kanya bago tumingin sa akin. “Binibini, mas makakabuting huwag niyo siya hahayaang lumabas para maging mas mabilis ang kanyang paggaling.”
“S-Sige po, ako na ang bahala.”
Pinagmasdan ko sila hanggang sa makalabas. Nang mawala sila ay katahimikan ang sumunod. Nanatili akong nakatayo sa tabi ng kulay puting kama, nakayuko.
“Pumasok ka ba sa klase?” tanong ni Dominus.
Tumango ako nang hindi tumitingin sa kanya.
“Bakit hindi ka makatingin sa akin?”
Lumunok ako bago inangat ang tingin. Sumalubong sa akin ang nakangiting mukha ni Dominus. Walang bakas ng sakit ang kanyang mukha na tila walang nangyari sa kanya.
“B-Bakit hindi ka lumaban?” tanong ko sa kanya. “D-Dahil ba sa akin?”
“Magagalit ka kapag lumaban ako. Ayokong magalit ka.”
Masamang tingin ang ipinukol ko sa kanya. “H-Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong sundin ang mga gusto ko. Alam mo kung ano ang mas makakabuti sa ‘yo!”
Hindi natinag ang ngiti sa kanyang labi.
“Hindi ko alam kung saan ko ilulugar ang sarili ko. Nong lumaban ako ay nagalit ka, ngayong hindi naman ako lumaban ay galit ka rin.” Humalakhak siya.
BINABASA MO ANG
Taste of Blood (Book I)
VampirePara kay Hezira ay isang kathang-isip lamang ang mga bampira. Hindi siya kailanman naging interesado sa mga ito. Pero lahat ay nagbago matapos ang isang madugong gabi nang paslangin ng mga nilalang na 'yon ang nag-iisa niyang pamilya--- ang kanyang...