Tenth Promise

1.5K 76 4
                                    

"WAKE UP, my moon. You have to run..."

Kasabay ng pagbalik ng malay ni Misoo ang pagkaramdam niya ng matinding sakit sa katawan, lalo na ng likod niya. Ramdam niyang nakahiga siya sa malamig at matigas na sahig at may mga piraso ng bato na nakapatong sa kanyang katawan. Sigurado siyang marami siyang pinsala na natamo.

Nang imulat niya ang mga mata ay kadiliman ang unang sumalubong sa kanya. Hanggang sa unti-unti na niyang matitigang mabuti ang nangyayari sa paligid mula sa manipis at mapusyaw na asul na liwanag na para bang nagsisilbing proteksiyon niya.

May malaking butas sa kisame ng bar na dahilan kung bakit nakikita na niya ang madilim na kalangitan at ang maliwanag at bilog na buwan.

Bumangon siya at ang unang instinct ay ang hanapin ang mga kaibigan. Napangiwi siya nang makita ang naging epekto ng pagguho ng malaking bahagi ng bubong—nahulog ang malalaking bato sa paligid at maraming taong nasaktan. 'Yong iba ay talagang malalim ang pinsala dahil naliligo na sa dugo. May mga naipit din sa naglalakihang bitak ng bato at umuungol sa sakit. Marami rin na hindi na talaga kumikilos—patay na.

Nakakakilabot na ngang makakita ng napakaraming walang malay at wala nang buhay na katawan sa paligid niya, lalong mas nakakatakot makita na ang bawat biktima ng pagsabog ay pinagpipiyestahan ng mga halimaw! Mga hugis-tao at mga hugis-hayop na halimaw na kagaya ng dalawang halimaw na umatake sa kanya limang taon na ang nakalipas!

May mga anino na hugis-lalaki at nakasuot ng itim na suit. Meron ding mga malahalimaw sa laki at bangis na mga anyong-aso. Iba't iba ang size ng mga ito—may matangkad, may payat, may dambuhala at meron din namang kasinlaki lang ng normal na aso at batang lalaki.

Pero pare-pareho lang ang ginagawa ng mga halimaw sa mga walang malay at walang buhay na mga katawan sa paligid—hinihigop ang kaluluwa ng mga biktima. Hindi niya alam pero sigurado siyang kaluluwa ng mga tao ang nakikita niyang asul na liwanag na lumalabas mula sa katawan ng mga ito.

"Misoo!"

Mabilis siyang lumingon sa tumawag sa kanya. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makita sina Wynn at Elnora na parehong may hawak na mahahabang sibat. Mukhang hindi basta lang nadampot ng mga kaibigan niya ang mga sibat. Base kasi sa kilos nina Wynn at Elnora habang hinahati sa dalawa ang mga halimaw, alam na alam ng mga ito ang ginagawa. Isa pa, ramdam niyang hindi ordinaryong sibat ang hawak ng mga kaibigan. May asul na liwanag sa paligid ng talim ng mga sibat. Siguradong spirit force iyon. Hindi rin niya sigurado kung bakit alam niya ang tawag doon.

Sinusubukan nina Wynn at Elnora na lumapit sa kanya pero kinukuyog ng mga halimaw ang dalawa kaya halos hindi na makalakad.

"Watch out!" babala ni Elnora sa kanya bago nito inikot-ikot ang sibat na hawak at ibinato iyon sa isang malaking malahalimaw na aso na abala sa pagkain sa kung sino.

Nanlaki ang mga mata ni Misoo hindi dahil sa biglang paglalaho ng halimaw sa itim na usok pagkatapos tumurok ang sibat sa katawan nito kundi dahil sa nakita niya kung kaninong katawan ang pinagpiyestahan ng halimaw—kay Jana.

Ang best friend niya.

No. No. No!

Sa kabila ng pananakit ng mga kalamnan, pinilit niya ang sariling tumayo para lapitan si Jana. Hindi siya naniniwalang wala na ang kaibigan. Magkasama lang sila kanina at nagtatawanan pa kaya imposibleng wala na itong buhay ngayon.

Nakakaisang hakbang pa lang siya nang may maramdamang pagtusok ng isang matulis na bagay sa kanyang hita. Nang magbaba siya ng tingin, nanghina siya nang makita ang mahabang bala ng pana na nakabaon sa kanyang hita. Dumugo agad ang sugat kaya napaluhod siya.

The Fourth Order SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon