30TH SACRIFICE

539 32 0
                                    

NANG segundo pa lang na nabasag ang Plane State ng Council at ni Rochster, itinaas na ni Syndrome ang mga kamay niya para tuparin ang hiling ng prinsesa. Gano'n din ang ginawa nina Aries, Colette, at Serene. Nakapaligid silang apat kay Misoo.

May lumabas na asul na liwanag sa kanya-kanya nilang mga kamay na siyang lumalaban sa itim na usok na nakabalot na ngayon sa buong kanang braso ng prinsesa. Ang spirit force din nila ang magseselyo ng mga alaalang gustong burahin ni Misoo sa isipan nito.

Hindi na niya kinuwestiyon ang desisyon ng prinsesa na burahin ang mga alaala nito dahil ramdam niyang malalagay sa panganib ang buhay nito kapag hindi nila ito tinulungan.

Narinig ni Syndrome ang mga singhap at paghigit ng hininga nina Lady Coreen, Lord Clarkson, Lord Veron, at Lord Francis.Hindi siguro makapaniwala ang Council na nasa harap ng mga ito si Misoo McCollins. na si Moonkiss Espiritu pala ang tunay na pagkatao.

Naramdaman niya ang pagkonekta ni Serene sa isipan niya. Nagawa na 'yon ng babae dahil ngayong lantad sa lahat ang tunay pagkatao ni Misoo, hindi na niya pinorprotektahan ang isipan niya. Wala na ring bisa ang Oath of Silence niya.

Ipinadala ni Serene gamit ang telepathy sa isipan ng Council at ni Rochster ang imahen ng mga naganap simula nang dumating ang traidor na si Lord Oxford para ipaliwanag sa mga ito ang nangyayari sa prinsesa ngayon.

'Yon ang dahilan kung bakit tumayo si Rochster sa tabi niya at itinaas din ang mga kamay nito para magbigay ng spirit force, kahit halatang nanghihina pa ito.

"Rochster, masyado ka pang mahina," saway ni Syndrome dito. "Hindi na puwedeng hilahin uli ng prinsesa ang kaluluwa mo mula sa Plane kapag nasagad na naman ang spirit force mo."

"Kaya ko," paniniguro naman ni Rochster. "Plus, I'm a Clan Head. Gaya niyo, nangako rin ako kay Queen Suzanne na iaalay ko ang buhay ko para sa prinsesa."

Hindi na nagkomento pa si Syndrome. Itinuon niya ang atensiyon niya sa maingat na paglalagay ng spirit force sa isipan ni Misoo para selyuhan ang mga alaala nitong gusto nitong itago.

Sa ngayon, wala na ang itim na usok sa braso ni Misoo. Maaliwalas na rin ang mukha nito, mukhang hindi na ito nasasaktan. Hindi gaya kanina na mangiyak-ngiyak na ito habang nilalamon ng Scythe ang kapangyarihan ng prinsesa. Nakapikit din ito na para bang naghahanda na sa pagkawala ng mga alaala nito.

Kung puwede lang sapakin ang Scythe, ginawa na niya dahil sa pananakit nito sa prinsesa niya.

Pero alam ni Syndrome na kung may gusto talaga siyang sapakin, ang sarili niya 'yon.

Nadurog ang puso niya habang pinapanood si Misoo na umiyak kanina habang tinatawag ang mga magulang nito. Isa siya sa mga may kasalanan kung bakit nawalan ito ng ina. Kung hindi siya iniligtas ni Lady Suzanne, baka buhay pa ang reyna ngayon. Lumaki sanang may mama ang prinsesa.

Nangilid ang luha sa mga mata niya. Gano'n din sina Rochster, Aries, Colette, at Serene. Magkakakonekta ang isipan nila ng mga sandaling 'yon, kaya nababasa nila ang saloobin ng isa't isa.

"I'm so sorry I wasn't able to protect you properly, Your Highness," nagsisising sabi ni Rochster sa isipan nito. "At patawarin mo ko kung wala akong nagawa para pigilan ang ama ko sa mga plano niya. Ang akala ko kasi no'ng una, gusto ka lang niyang ibalik sa Monarkiya. Nalaman ko lang na masama ang balak niya nang tangkain niyang patayin ang mga kaibigan ko."

"I'm so sorry, Your Highness," puno ng sakit na sabi naman ni Serene. "Hindi ko agad nakilala ang spirit force mo. Ang sabi ko pa naman sa sarili ko, kung magkakaro'n ako ng pagkakataong makilala ka, yayakapin kita. Pero hindi kita nakilala. I'm sorry kung dahil sa'min, nawala si Queen Suzanne."

"Dahil sa'min, nawalan ka ng ina," dagdag naman ni Colette sa boses na puno rin ng pighati. "Ang laki ng kinuha namin sa'yo. Pero ngayon, ikaw pa ang nagbalik sa Council na mahalaga sa bawat isa sa amin. If only I could bring the queen back for you, I would. I'm so sorry if we didn't look for you all these years. Kung naniwala agad kaming wala ka na talaga."

"I'm so sorry if you have useless Clan Heads," mapait na sabi naman ni Aries. "I'm so sorry for taking everything away from you, Your Highness. Kung maibabalik ko lang ang oras gamit ang kapangyarihan ko, mas gugustuhin ko nang mamatay kaysa paghiwalayin kayo ng reyna."

Pumatak na ang mga luhang kanina pa pinipigilan ni Syndrome. Maging sina Aries, Rochster, Colette, at Serene ay umiiyak na rin ng mga sandaling 'yon.

"I'm so sorry for not being there for you for the past ten years, Your Highness," bulong naman ni Syndrome. "I'm sorry that you lost everything because we're not strong enough to protect you."

Unti-unting nagmulat ng mga mata si Misoo. Kulay pilak pa rin ang mga iyon, gaya ng buhok nito. Ngumiti ito ng malungkot habang isa-isang pinapasadahan ng tingin ang mga Clan Head. Mukhang nabasa nito ang nasa isipan nila ng mga sandaling 'yon. "I forgive you, Clan Heads. Pero aamin ko, nagalit ako no'ng nakita ko sa vision ko na namatay si Mama para mabuhay kayo." Mabilis at tahimik na pumatak ang mga luha ng prinsesa. "Sinisi ko kayo kung bakit nawalan ako ng mama. But seeing you all right now makes me realize that my mother made the right decision. Naging mabuti si Mama sa mga batang Guardian hindi bilang isang Reaper, kundi bilang isang ina. That makes me even prouder of her. Nasuklian ang ginawa niya nang may isang babaeng kumupkop sa'kin at tinuring ako bilang tunay niyang anak. Do'n ko naisip na hindi niya magagawang iwan kayo kasi mahal niya kayo hindi lang bilang mga Guardian kundi dahil mga anak din ang turing niya sa inyo."

Sa pagkakataong iyon, napayuko na ang mga Clan Heads habang yumuyugyog ang kanya-kanyang balikat.

"Rochster Dylan Lualhati, you are not your father," pagpapatuloy ni Misoo sa kalmado at panatag na boses. "Hindi mo kailangang pagbayaran ang kasalanan ng ama mo. Puwede kang pumili ng ibang daan. You being a Rogue doesn't define you as a Guardian."

"Serene Abigail Falls, I may not remember what it is for, but please hug me when we meet again."

"Colette Antoinette del Mundo, I didn't lose everything. Oo, malaki ang nawala sa'kin. Pero may nadagdag din naman. Kasama na kayo sa mga 'yon, kaya nagagawa ko pa ring maging masaya sa kabila ng lahat.

"Aries Paul Monico, you are the youngest and the greatest Clan Heads in history. Pinili kayo ng dating reyna dahil alam niyang magiging mahuhusay na pinuno kayo ng mga angkan niyo.Please don't stop making her proud."

Nag-angat ng tingin si Syndrome nang naramdaman niyang nakatingin sa kanya si Misoo. Tumagos sa kaluluwa niya ang pagtitig ng pilak nitong mga mata sa mga mata niya. "Princess..."

Ngumiti si Misoo. 'Yong ngiti para lang sa kanya. Bumalik na rin sa dati ang kulay ng buhok at mga mata nito. "Syndrome, don't ever leave my side from now on, okay?"

Ngumiti si Syndrome. 'Yong ngiti na alam niyang mararamdaman ni Misoo na nakalaan lang para rito. "I will always stay with you, my princess."

The Fourth Order SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon