Twenty-sixth Promise

1.1K 58 0
                                    

"WHO EXACTLY is she, Syndrome? I mean, who are her parents?"

Inasahan na ni Syndrome na itatanong iyon sa kanya ni Serene nang 'bumisita' ito sa opisina niya—bagay na napakabihira nitong gawin. Huminto siya sa ginagawang paperwork para tingnan ito nang masama. Pero ang totoo, nakaramdam siya ng kaba.

Natakot siya sa Assessment ni Misoo kahapon nang biglang tumaas at lumakas ang spirit force nito. Akala kasi niya, magiging katulad iyon ng enerhiyang pinakawalan ng prinsesa noong nasa UnderGround sila. Kapag nagkataon kasi, malalaman nina Aries at Serene na ang dalagang isinama niya sa Academy ay isang Espiritu.

Mabuti na lang at bago pa umabot sa sukdulan ang paglabas ng kapangyarihan ni Misoo ay mabilis din iyong naglaho. Inilabas na nga niya ang kanyang espada—handa nang patulugin ang dalaga. Wala siyang intensiyon na saktan si Misoo kundi para lang mawalan ito ng malay at hindi aksidenteng maihayag sa ibang Clan Heads ang tunay nitong pagkatao.

"Sinabi ko nang anak siya ng isang Alumna na ayaw nang magpakilala at bumalik sa Academy," sagot niya sa masungit na boses para tantanan na siya ni Serene. "Ibinigay na niya ang anak niyang Guardian sa 'tin kaya irespeto natin ang kagustuhan niyang maging sekreto ang kanyang pagkatao. Ayaw niyang makaapekto iyon sa magiging buhay ni Misoo McCollins dito."

Dahil si Serene ang isa sa mga pinakamanhid na taong nakilala niya, hindi na siya nagtaka nang binale-wala nito ang pagbabanta sa boses niya. Nanatili pa rin itong nakaupo sa gilid ng kanyang mesa habang nakatingin sa kanya. Puno ng pagkalito ang maliit nitong mukha. "Ang totoo niyan, nahihirapan akong mag-decide kung malakas o mahina ba talaga siya. 'Yong biglaang pagsabog at pagkaubos ng spirit force niya, nakakapagtaka 'yon."

"Kung gano'n, bakit mo siya ipinasa sa Assessment?" nakakunot-noong tanong niya.

Pinukol siya ni Serene ng tingin na para bang sinasabing alam na dapat niya ang sagot sa tanong niya. "Well, you recommended her. Kapag sinabi ng Clan Head ng mga Hunter na may enough potential and ability ang isang Guardian para sumali sa Trials, sino ba naman ako para pigilan 'yon? Kahit na nag-aalangan ako sa tunay na spirit force ni Misoo McCollins, hindi ko naman puwedeng bale-walain ang recommendation mo. Isa pa, para sa mga Hunter ang gaganaping mga pagsubok. Kahit na trabaho ko ang pagsukat sa kapangyarihan ng mga Guardian na may balak pumasok sa Academy, ikaw pa rin ang mas nakakaalam kung sino ang karapat-dapat na mapabilang sa clan mo. Kaya nagdesisyon akong ipasa si Misoo sa Assessment."

At iyon ang unang 'milagro' na ginawa ni Syndrome para masigurong ipapasa ni Serene si Misoo sa Assessment.

"Bakit gusto mong malaman kung sino ang mga magulang ni Misoo McCollins?" tanong niya.

"Interesado lang akong malaman kung bakit ganito kalaking atensiyon ang ibinibigay mo sa kanya."

Tumaas ang kilay niya. "What do you mean by that?"

Tinaasan din siya ni Serene ng kilay. May kasama pa nga iyong ngiti na hindi niya alam ang ibig sabihin. "You seem protective of her. Syndrome, you are the current Hunter Clan Head. Hindi kailangang ikaw mismo ang mag-asikaso kay Misoo. Isa pa, mukhang ayaw mong ipaalam sa kanya kung gaano kataas ang posisyon mo sa Fourth Order. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na may iba pang dahilan kung bakit dinala mo siya rito sa Academy."

Pinaikot niya ang mga mata. "Masyadong malikot ang imagination mo." Pinukol niya ito ng matalim na tingin. "At puwede ba, lumabas ka na ng opisina ko? Kanina mo pa iniistorbo ang pagtatrabaho ko."

Lumabi si Serene. Sa pagkakataong iyon ay nagmukha itong fairy dahil sa suot na pekeng pakpak at napakaiksing bestida na kulay-lumot. Kaya ngayong nagpapaawa ito, mahirap itong tratuhin nang magaspang. Para kasing nanipa ka ng isang walang kalaban-labang pusa. "I'm bored, Syndrome. Malapit nang magsimula ang Trials kaya wala na 'kong masyadong trabaho ngayon."

The Fourth Order SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon