Seventeenth Promise

1.5K 67 4
                                    

KULANG ang sabihing nagulat si Syndrome sa sumalubong sa kanya pagdating nila ni Misoo sa mansiyon ng mga magulang ng dalaga.

The whole place was a mess and it was very obvious that there had been a really bad fight there.

Pero mukhang hindi napapansin ni Misoo ang magulong estado ng mansiyon dahil nababalot ang malaking bahay ng malakas na ilusyon. Itinatago niyon ang tunay na kalagayan ng lugar. Sa ordinaryong mga mata ng isang mortal, maayos ang lahat.

Sa mga mata ni Syndrome, hindi. Lalo lang bumangon ang galit sa kanyang dibdib nang makita ang pinsala kay Mirasol na pilit nitong itinatago gamit ang sariling spirit force. Ganoon din ang mga kaibigan ni Misoo na sina Wynn at Elnora. Halatang inatake ng demonyo ang mga ito. Kung bakitbuhay pa rin ang tatlo, wala siyang ideya.

"Mommy..." pagsisimula ni Misoo sa nag-aalangang boses, pagkatapos ay dumako ang nagtatakang tingin sa mga kaibigan nito.

Pilit na ngumiti si Mirasol kahit na halatang may iniinda. "Sige na, anak. Kausapin mo muna ang mga kaibigan mo. Saka na tayo mag-usap." Dumako ang tingin ng ginang sa kanya. "Kailangan ding magpaliwanag sa 'kin ng binatang kasama mo ngayon."

"Mommy, ako ang pumilit kay Syndrome na itakas ako kanina," paliwanag ni Misoo. "Hindi niya ako kinidnap. Isa pa, may tiwala ako sa kanya at ramdam kong wala siyang masamang intensiyon sa 'kin kaya sumama ako sa kanya."

Nagulat si Syndrome sa mga sinabi ni Misoo. Sa kabilang banda, nakaramdam din siya ng saya. Kung ganoon, tama nga ang hinala niya. Nararamdaman din nito ang hindi nakikitang tali na nag-uugnay sa kanilang dalawa.

"Talk to your friends, daughter," istriktong sabi ni Mirasol na naging matigas bigla ang ekspresyon ng maamong mukha. "Kanina ka pa nila hinihintay."

Halatang nagulat si Misoo dahil bigla-bigla, naging parang tigre ang ina na kani-kanina lang ay parang maamong tupa. Tumango ito, halata sa mga mata ang takot at pagtataka. "All right, Mom." Sinulyapan siya nito, saka bumulong, "I'm sorry."

Tumango lang siya para ipaalam na kayang-kaya niyang harapin ang galit ni Mirasol. Actually, he couldn't wait to talk to her mother in private. He had so many questions for her.

Halatang napilitan lang si Misoo nang harapin ang mga kaibigan at yayain sa kuwarto nito. Umakyat na ang tatlo sa ikalawang palapag ng mansiyon.

"Follow me, young man," sabi naman ni Mirasol sa kanya nang silang dalawa na lang ang naiwan sa sala.

Sumunod si Syndrome kay Mirasol sa isang malaking study. May mahogany table doon kung saan bahagyang umupo ang ginang. Siya naman ay tumayo lang malapit sa pintuan. Medyo alerto siya dahil may nararamdaman siyang kapangyarihan sa loob ng kuwarto. Mukhang protektado iyon para hindi marinig ng ibang tao ang magiging usapan sa loob.

Kumunot ang kanyang noo sa pagtataka. Noong una, inisip niyang nagmula kina Wynn at Elnora ang nakabalot na ilusyon sa buong mansiyon. Kaya rin iyong gawin ng mga Hunter at mga Rogue, hindi nga lang sinlinis o sinlakas ng mga ginagawang ilusyon ng mga Questor at mga Medium. Pero ngayon, sigurado siyang galing sa spirit force ni Mirasol ang nakabalot na kapangyarihan sa paligid. Paano iyon nagagawa ng isang Alumna?

Just who is this woman?

Napatitig si Syndrome kay Mirasol. Noong unang beses pa lang na nakita niya ito ay pamilyar na talaga ito sa kanya. Hindi nga lang niya iyon pinag-isipan dahil mas nakatuon ang atensiyon niya kay Misoo noon.

Nakalugay ang buhok ni Mirasol sa pagkakataong iyon at nakasuot ito ng kaswal na itim na blouse, denim pants at boots. Lalo itong bumata sa porma at nagmukha pang papatay ng mga demonyo imbes na isang simpleng housewife lang.

The Fourth Order SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon