22ND SACRIFICE

489 32 0
                                    

"MATAGAL na rin simula nang may huling bumisita sa'kin bukod sa ama mo, bata."

Iminulat ni Syndrome ang mga mata nang marinig ang boses na 'yon. Nasa isang puting silid siya kung saan may isang malaking kama, malaking cabinet, maliit na kusina, maliit na sala, at isang pinto kung saan marahil naroon ang banyo. Para sa isang 'kulungan,' maayos at maaliwalas ang kuwarto.

Dumako ang tingin niya kay Lord Oxford na nakaupo lang sa sofa sa harap ng flat screen TV na naka-mute naman. He had aged a bit, but he still had a calm look, courtesy of his warm eyes.

Nakaramdam siya ng panghihina. Mukhang nakadisenyo ang kuwarto na 'yon para pigilan ang paglabas ng spirit force ng isang Guardian. Ginawa marahil 'yon para masiguro ng Council na hindi makakatakas si Lord Oxford.

Gayunman, hindi hinayaan ni Syndrome na ipakita ang panghihina niya ng mga sandaling 'yon. Magalang na yumukod siya sa Rogues' Clan Representative. "Lord Oxford."

Ngumiti lang si Lord Oxford, pagkatapos ay iminuwestra nito ang sette sa harap ng couch na kinauupuan nito. "Maupo ka, Syndrome. Matagal na rin simula nang huli kitang makita."

Tumalima naman si Syndrome. Hindi na rin siya nagpaligoy-ligoy pa. "Lord Oxford, pasensiya na kayo kung kailangan ko na kayong deretsahin dahil ilang minuto lang ang ibinigay sa'kin ni Lord Clarkson. Ikinalulungkot kong sabihin pero sa kasalukuyan, nasa Plane State si Rochster. Inatake kaming mga Clan Head ng mga Rogue. Kung hindi kami pinrotektahan ng anak mo, siguradong malalang pinsala na ang natamo namin. Kung hindi man, baka wala na kami rito ngayon."

Halatang nabigla si Lord Oxford sa balita niya, pero mabilis nitong nahuli ang sarili at naging kalmado uli ang mukha. "Syndrome, alam ko na kung ano ang dahilan kung bakit ka nandito base sa ibinalita mo sa'kin. Pero pasensiya ka na dahil wala akong maitutulong sa'yo. Limang taon na kong nakakulong sa kuwartong ito. Nararamdaman mo naman siguro na pinipigilan ng kapangyarihan sa silid na ito ang paglabas ng spirit force ng mga Guardian. Kahit simpleng psychic ability, hindi ko magawa rito. Kaya ikinalulungkot kong sabihin sa'yo pero sa mga taong lumipas, wala kaming naging komunikasyon ni Rochster, kaya hindi ko alam kung anong nangyayari sa angkan namin ngayon."

Nalaglag ang mga balikat ni Syndrome. May punto si Lord Oxford. Nakakulong ito at walang koneksyon sa labas ng kuwarto na 'yon kaya imposibleng alam nito ang nangyayari sa Rogues' Clan ng mga sandaling 'yon.

Kung gano'n, si Rochster na lang ang pag-asa para malaman nila kung ano ba talaga ang nangyayari sa mga Rogue. Pero hangga't nasa Plane State ang kaibigan niya, hindi nila ito makakausap o mahahawakan man lang para sana basahin ang huling mga alaala sa isipan nito.

Ang huling pag-asa na lang nila ay ang magising si Rochster mula sa Plane State nito.

"May isang bagay akong masisiguro sa'yo, Hunter," pagpapatuloy ni Lord Oxford sa seryosong boses, derektang nakatingin sa mga mata niya. "Kumikilos na ang mga Guardian na gustong makuha ang prinsesa."

Nanlaki ang mga mata ni Syndrome. Lumingon siya sa paligid para masigurong walang nakakubling bantay do'n na puwedeng makarinig sa mga sinabi ni Lord Oxford.

Natawa naman si Lord Oxford. "Huwag kang mag-alala, Syndrome. Habang nasa loob tayo ng kuwartong 'to, hindi tayo maririnig ng kahit sinong nasa labas. Nakadisenyo sa gano'ng paraan ang silid na ito para hindi ko magawang makipag-usap sa ibang Guardian dahil natatakot ang Council na magtawag ako ng mga magtatakas sa'kin."

Hindi pa rin kampante si Syndrome. "Paano kung may nanonood sa'tin at nabasa niya ang buka ng bibig mo, Lord Oxford?"

Ngumisi si Lord Oxford. "Sigurado akong matagal ko nang naituro sa nagbabantay sa kuwarto na ito na bigyan ako ng privacy," makahulugang sabi nito, pero hindi naman dinetalye. "Anyway, rest assured, no one is eavesdropping on us right now." Itinuro nito ang dibdib nito. "I took the Oath of Silence, Syndrome. Kung may ibang nakarinig ng sinabi ko kanina na hindi alam ang katotohanan tungkol sa prinsesa, dapat ay patay na ko ngayon."

The Fourth Order SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon