ALAM ni Misoo na nasa Mountain Province ang Fourth Order Academy pero hindi niya alam kung saan eksakto dahil hindi naman siya sinasagot ni Syndrome noong nasa biyahe sila.
Bago sila nakarating sa Academy ay may dinaanan silang malaking pamayanan na tinatawag daw na Guardians Village. Pagkatapos ay lumipat sila ng sasakyan na a la truck dahil nasa tuktok daw ng bundok ang bago niyang eskuwelahan—kung papasa siya.
Pagdating nila sa tuktok ng bundok, sumalubong sa kanila ang napakalaking bakal na gate na kulay-pilak. Pero hindi sila doon dumaan ni Syndrome. Hindi siya sigurado pero mukhang sa VIP passage sila dumaan dahil panay mga tauhan nito ang bumati sa kanila.
Nagulat pa nga siya nang dalhin agad siya ni Syndrome sa isa sa mga building na tinawag nitong Questor Building. Pinaghintay siya nito sa malaking lounging area habang may kung sino itong kinakausap. Pagkatapos ay niyaya naman siya nito sa Medium Building para sa una niyang pagsubok.
Napansin niyang simple lang ang mga building sa Academy. Pakiramdam nga niya ay nasa probinsiya lang siya at nagbabakasyon sa isa sa mga pinakapayapa at pinakapreskong lugar na napuntahan niya sa buong buhay niya. Sariwa at malamig ang simoy ng hangin, malinis ang kapaligiran at ramdam niyang ligtas siya sa lugar na iyon.
Naputol lang ang pagmumuni-muni niya nang tawagin ni Syndrome ang kanyang atensiyon. Pagkatapos ay binuksan nito ang malaking double doors na gawa sa mahogany.
Namangha siya nang sumalubong sa kanya ang isang malaking kuwarto na puti ang mga dingding. Marmol ang sahig niyon at may isang malaking pabilog na ginintuang ring sa gitna. May stage din doon na may pulang carpet at may pitong trono na gawa sa kahoy. Sa kasalukuyan ay dalawa lang ang okupadong trono.
Sa ikalawa sa pinakadulo sa kaliwang bahagi ay nakaupo si Aries—naka-dekuwatro at nakapatong ang siko sa armrest habang nakapangalumbaba. Nakangisi ito habang tinitingnan siya na para bang naaaliw sa kanya. Pero mas kumuha ng atensiyon niya ang maganda at mukhang batang babae na nasa kanan nito.
Napatitig siya sa maliit na mukha ng babaeng nakatirintas ang pulang buhok at nakapatong iyon sa kanan nitong balikat. Mukha itong Greek goddess sa suot na mahabang puting bestida at Gladiator shoes. Nakapatong ang mga kamay nito sa mga hita. Napakahinhin nitong tingnan pero may apoy sa mga mata na nagsasabi sa kanyang hindi ito pushover.
Higit sa lahat, may nararamdaman siyang malakas na spirit force mula kina Aries at sa babaeng mukhang Greek goddess.
"Misoo McCollins, meet Aries Paul Monico, the Questor Clan Head," pagpapakilala ni Syndrome sa lalaki. "And Serene Abigail Falls, the Medium Clan Head."
Ewan ni Misoo pero may bumulong sa isip niya na kailangan niyang iyukod nang bahagya ang ulo kina Aries at Serene bilang pagbati—kaya iyon ang ginawa niya.
Sabay na bahagyang yumukod din sina Aries at Serene sa kanya, pagkatapos ay sabay rin na bumaling kay Syndrome na para bang may hinihintay. Pero pinukol lang ni Syndrome ng iritadong tingin sina Aries at Serene.
"Anyway, let's begin the Assessment, shall we?" parang naiinip na sabi ni Syndrome, saka binigyan ng makahulugang tingin si Serene. "Lady Falls?"
Marahang tumango si Serene at tumayo. Okay, parang wala ring ipinagkaiba kung nakaupo o nakatayo ang babae dahil sa "cute" na size nito. Nilapitan ni Syndrome ang Medium Clan Head at inalalayan ang babae sa pagbaba ng stage at sinamahan ito palapit sa kanya.
Tumaas ang kilay ni Misoo habang nakatingin sa kamay ni Syndrome na nakahawak sa kamay ni Serene. Kaya naman pala nitong maging gentleman sa ibang babae. Bakit barumbado ito kapag siya ang kasama? Maybe he really hates me.
YOU ARE READING
The Fourth Order Series
Fantasy[NOTE: I'm working on the English translation of The Fourth Order Series on Royal Road. :)] Simula pagkabata, hinahabol na ng mga demonyo si Misoo. Alam niyang special siya pero ayaw na niyang malaman kung ano siya. Pero nakilala niya ang aroganteng...