Nineteenth Promise

1.2K 70 0
                                    

KATATAPOS lang mag-empake ni Misoo ng mga damit at gamit niya nang pumasok sa kuwarto niya ang kanyang mommy at daddy. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kama para harapin ang mga magulang na kakaiba ang katahimikan nang mga sandaling iyon. Siya na ang unang nagsalita bago pa siya maduwag sa gustong sabihin.

"I'm going to the Academy to be a Hunter, Mommy, Daddy,"pahayag niya. "I'm sorry but you can't stop me from leaving. Kailangan ko 'tong gawin dahil gusto kong magamit sa tamang paraan ang kapangyarihan ko. Para maprotektahan ko kayo."

Halatang hindi na nagulat ang mommy at daddy niya na para bang alam na ng mga ito na natuklasan na niya kung ano siya. Hindi na rin siguro siya dapat magtaka dahil ngayon, alam na niyang hindi rin ordinaryong mga tao ang mga magulang.

"Sinubukan namin na bigyan ka ng normal na buhay, anak," pagsisimula ng mommy niya sa basag na boses. "Pero mukhang hanggang dito na lang ang katahimikan at kapayapaang maibibigay namin sa 'yo. I'm so sorry that you have to go through this."

Nasaktan si Misoo na makitang nahihirapan ang kanyang ina dahil sa kanya. Lumapit siya sa mommy niya para yakapin ito. "Mommy, hindi n'yo kasalanan ang lahat ng 'to. Sinabi sa 'kin ni Syndrome na hinahabol talaga ng mga demonyo ang mga tulad nating may malalakas na kaluluwa. Ako nga 'tong nag-aalala dahil iiwan ko kayo rito. Paano kung sugurin kayo ng mga Undertaker?"

"Hindi mangyayari 'yon, anak. Mahina na ang kapangyarihan ko dahil isa na lang akong Alumna ngayon. Huwag mo kaming alalahanin ng daddy mo dahil kaya na naming protektahan ang mga sarili namin. Intindihin mo na lang ang training mo."

Gulat na kumalas si Misoo sa pagkakayakap sa mommy niya. "Pumapayag na kayong pumasok ako sa Academy?"

Marahan itong tumango. Ngumiti rin ito pero halatang pilit lang iyon. "Kailangan mo ring matutuhang protektahan ang sarili mo. Hindi namin magagawa 'yon nang kaming dalawa lang ng daddy mo kaya naisip naming mas makabubuting pumasok ka sa Academy." Hinawakan siya nito sa magkabilangbalikat. "Pero tandaan mo, anak. Kailangan mong maging matatag. Wala kami ng daddy mo sa tabi mo habang nagnagte-train ka. Wala kang ibang aasahan at sasandalan kundi ang sarili mo lang. Kakayanin mo ba 'yon?"

Tinatagan ni Misoo ang loob para ipakita sa mga magulang na determinado siyang panindigan ang desisyon. "Yes, Mommy. Gusto kong maging malakas para sa inyo kaya kakayanin ko ang lahat para maging isang magaling na Hunter."

Rumehistro ang lungkot sa mukha ng mommy niya na itinago nito sa pagngiti. "Kung gano'n, hindi ka na namin pipigilan sa gusto mong gawin. Pero kapag dumating sa puntong hindi mo na kaya, huwag kang magdadalawang-isip na umuwi sa 'min ng daddy mo, ha? We will always welcome you home, baby girl. Hihintayin namin ang pagbabalik mo."

Tumango si Misoo. "I will always remember that, Mommy."

Tumikhim naman ang daddy niya, saka hinaplos ang buhok niya. Her father's face softened and his eyes grew warmer. "Anak, tandaan mong mahal na mahal ka namin ng mommy mo. Masakit para sa amin ang payagan kang umalis sa poder namin. Pero naiintindihan naming may mga bagay kang kailangang gawin nang mag-isa. Huwag mo lang sanang kalilimutan na kahit saan ka magpunta, dala mo ang malaking bahagi ng puso namin ng mommy mo. Huwag mo sanang babasagin 'yon."

Nangilid na ang mga luha ni Misoo. Ngayon lang naging ganito ka-vocal ang daddy niya pagdating sa pag-aalala sa kanya at pagsasabing mahal siya nito. Ito naman ang niyakap niya. "Yes, Daddy. Titriplehin ko ang pag-iingat ko habang nasa Academy ako. Tatawag ako sa inyo araw-araw."

"Oh, daughter. You can't do that," malungkot na sabi ng mommy niya. "Kapag pumasok ka sa Academy, hindi ka na papayagang tumawag sa pamilya mo na nasa labas dahil wala namang linya ng komunikasyon do'n. Protektado ng kapangyarihan ng mga Guardian ang bundok kung saan naroon ang Academy kaya kahit sa mga normal na tao ay tago ang lugar na 'yon. Papayagan ka lang uling lumabas pansamantala kapag naipasa mo na ang mga pagsubok."

The Fourth Order SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon