ALAM ni Syndrome na hindi na magtatagal ang kapayapaang meron ang Spirit Guild ngayon.
Kahit nadakip na si Lord Oxford, hindi pa rin ito nagsasalita tungkol sa kung paano nito nagawa ang mga krimen nito habang nasa loob ng piitan. Pero sapat na ang pagkakabanggit nito kay 'Maestro' para mapagtibay ang hinala nina Lady Mirasol at Maxwell McCollins na may kinalaman nga ang Third Order sa malagim na trahedyang naganap sa Fourth Order sampung taon na ang lumilipas.
Sa kasamaang palad, hindi pa rin sapat ang ebidensiyang meron sila para hilingin nila ang buhay ng Council ng Third Order.
Hindi nila alam kung sinu-sino pa ang espiya sa loob ng Academy kaya nagdesisyon din silang itago muna sa ibang mga Guardian na si Misoo McCollins ay ang prinsesa sa takot na kapag ibinalik nila ang Monarchy ay kumilos na naman ang kalaban para wasakin iyon.
Sa ngayon, naghahanda pa ang Fourth Order sa nalalapit na paghaharap ng Council nila at Council ng Third Order.
"I failed the Trials, I can feel it," nakasimangot na sabi ni Misoo habang nakaupo ito sa sahig ng lighthouse at yakap ang mga binti. Mukhang kahit nag-la-light gazing sila ay hindi pa rin gumagaang ang pakiramdam nito. Nilingon siya ng dalaga at nagpaawa ito ng tingin sa kanya. "Syndrome, hindi mo ba talaga puwedeng sabihin sa'kin ang resulta?"
Ngumisi si Syndrome at marahang pinitik ang noo ni Misoo na ikinareklamo nito. "Sa isang araw naman na lalabas ang resulta ng exam. Hindi ko puwedeng sabihin sa'yo 'yon dahil gusto kong maging patas sa lahat."
Ang totoo niyan, hindi pa nakakapagdesisyon ang Council at Clan Heads kung anong gagawin sa resulta ng Trials ni Misoo. Prinsesa ito kaya natural lang na pasado na ito. Pero hindi naman 'yon alam ng ibang Guardians.
Saka hinihintay pa rin nila ang paggaling ni Lord Wren bago sila gumawa ng desisyon. Nang gabing inatake sila ng mga Undertaker, napuruhan pala ang lalaki kaya ibinalot nito ang sarili nito sa spirit force nito para magpagaling. Nakita nila ito kinabukasan sa kuwarto nito na sugatan.
Siguradong magtataka ang marami kung makakapasa si Misoo, lalo na't inakala ng mga walang alam sa katotohanan na nawalan ng malay ang dalaga nang atakihin ito ng Undertaker. Bukod kay Zooey, wala nang ibang nakakaalam ng totoong nangyari ng gabing 'yon. Dahil nakaselyo na ang alaala ng prinsesa, 'yon din ang istoryang alam nito.
Sa kabutihang palad, nakaligtas na sa panganib sina Zooey, Bella, at Noah dahil sa kapangyarihan ni Misoo. 'Yon nga lang, kinailangan nilang burahin ang alaala nina Bella at Noah tungkol sa Hellhound na bigla na lang naglaho. Ang alam ng dalawa, pinrotektahan ng mga ito sina Misoo at Zooey kaya nasaktan ang mga ito.
"Kapag bumagsak ako ng Trials, kailangan ko nang umalis ng Academy," malungkot na sabi ni Misoo. "Magkakahiwalay na tayo, Syndrome."
"Hindi mangyayari 'yon," tanggi naman ni Syndrome. Pinisil niya ang baba ni Misoo at marahang pinihit ang maganda nitong mukha paharap sa kanya. "You're my one and only princess, Misoo McCollins. Nangako ako sa'yo, 'di ba? I will always stay with you."
Kumunot ang noo ni Misoo sa pagtataka. "Kailangan mo naman ipinangako 'yan?"
Ngumiti lang si Syndrome, pagkatapos ay yumuko siya para bigyan ng mabilis pero malalim na halik si Misoo sa mga labi. "Ngayon."
***
NAKATAYO si Moonstone sa tuktok ng tore na tinutuluyan noon ng mga Espiritu. Pero ngayon, isa na lamang iyong simbolo ng dating Monarchy. Pero hindi magtatagal, alam niyang magkakaro'n uli ng buhay sa loob niyon.
Iwinasiwas niya ang hawak na Scythe at tinitigan ang talim niyon. Sa pagkakataong 'yon, walang 'yong pangitain na ipinakita sa kanya. Mukhang magiging tahimik muna ang lahat bago magsimula ang totoong labanan.
"Nandito ka lang pala."
Nalingunan ni Moonstone si Silvano. Binigyan niya ito ng iritadong tingin dahil alam naman nitong ayaw niyang iniistorbo kapag nag-iisip siya. Binitawan niya ang Scythe na mabilis namang bumalik sa katawan niya bilang marka sa leeg niya. Pagkatapos, isinuot niya uli ang scarf niya para takpan 'yon.
Itinaas ni Silvano ang mga kamay. "If looks can kill, I would have dropped dead by now. But, hey. Malaki ang kasalanan mo sa'kin kaya kailangan mong maging mabait sa'kin." Tinuro nito ang likod nito. "Kahit planado naman ang lahat, sineryoso mo pa rin ang pananakit sa'kin no'ng pakawalan ko ang mga alaga ko para subukin ang kakayahan ni Misoo."
Bumuntong-hininga lang si Moonstone habang iiling-iling.
"I get it, I get it," parang batang reklamo naman ni Silvano. "Kailangan nating umarte na hindi tayo magkasundo para walang maghinala na kabilang tayo sa mga Guardian na gustong wasakin ang Council ng Fourth Order. Pero dahan-dahan naman sa susunod. Ayoko namang mamatay nang hindi nakikita ang tagumpay natin."
Pumitik si Moonstone sa hangin dahilan para mapaubo si Silvano dahil sa malakas na pagtama ng spirit force na pinakawalan niya sa sikmura nito.
Umungol sa reklamo si Silvano habang hinihimas-himas ang nasaktang tiyan. "Gah, you're in a foul mood again. Hindi ko kasalanan kung kinailangan kong istorbohin ang pag-e-emote mo dito. Hinahanap ka na ng Council dahil kailangan na nating magdesisyon kung anong resulta ang ibibigay natin sa Trials ni Misoo McCollins. Let's head back, Moonstone."
Sa pagkakataong iyon, nagbabantang tingin ang ibinigay ni Moonstone kay Silvano.
Tumawa lang si Silvano. "Sorry, my boy. Nakalimutan kong ayaw mo nga palang tinatawag kita sa totoo mong pangalan kahit tayong dalawa lang ang magkasama." Eksaherado itong yumukod sa harap niya. "Let's head back, Lord Wren."
---End of Book 2: TAKE MY SOUL---
THANK YOU FOR READING.
BINABASA MO ANG
The Fourth Order Series
Fantasy[NOTE: I'm working on the English translation of The Fourth Order Series on Royal Road. :)] Simula pagkabata, hinahabol na ng mga demonyo si Misoo. Alam niyang special siya pero ayaw na niyang malaman kung ano siya. Pero nakilala niya ang aroganteng...