Fourteenth Promise

1.3K 64 1
                                    

NAKATAYO si Misoo sa harap ng chapel kung saan nakaburol sina Jana at Daye. Nagkasundo ang mga magulang ng dalawa na sa isang lugar na lang iburol sina Jana at Daye dahil sigurado namang iyon din ang gugustuhin ng mga kaibigan niya—ang may makasama hanggang sa huli.

Sa labas pa lang ay dinig na dinig na niya ang malakas at puno ng paghihinagpis na pag-iyak ng mga pamilya nina Jana at Daye kaya hindi siya makapasok sa loob. Dala-dala pa rin niya ang guilt sa pagkamatay ng mga kaibigan. Lalo na si Jana. Nadamay lang naman ito sa tangkang pagpatay sa kanya. Kung hindi sana nito inagaw ang inumin na para sa kanya, baka buhay pa ito ngayon.

Si Daye naman ay napatawad na niya. Oo, masakit ang pagtatraidor nito at ang mga huling salitang binitawan nito sa kanya. Pero hindi sapat iyon para makalimutan niya ang limang taong pagkakaibigan nila. Isa pa, hindi naman niya ito sinisisi sa pagtatangka na patayin siya. May kung sinong nagmanipula sa isip nito para kamuhian siya ng dating kaibigan.

Bumangon ang galit at hinanakit sa kanyang dibdib.

Whoever you are that has pulled the strings for this cruel show, I'm going to find you and make you pay. Kailangan kong malaman kung bakit mo ako gustong makuha. Kung bakit nadamay pa ang mga kaibigan ko sa kasamaan mo. Pagkatapos, saka ko ipaghihiganti ang pagkamatay nina Jana at Daye.

Tinatagan ni Misoo ang kalooban nang maramdaman ang paglapit nina Wynn at Elnora. May dalawang presensiya pa siyang naramdaman. 'Yong isa ay pamilyar sa kanya dahil madalas niya itong nararamdamang sumusunod sa kanya pero mukhang wala namang masamang intensiyon. Ang isa pa, sa kung anong nakakapagtakang dahilan, ay nakilala agad niya. Nagtataka siya kung bakit nandoon si Syndrome. Pero hindi naman niya maintindihan kung bakit kumalma siya sa ideyang iyon na para bang inaasahan niya ang presensiya nito.

Pumihit siya paharap kina Wynn at Elnora na gaya niya ay itim din ang suot mula ulo hanggang paa. Pero hindi gaya no'ng papunta sila sa UnderGround para mag-party, hindi na sila mukhang mga anak ng buwan. Kung ano ang hitsura ng mga taong nawalan ng minamahal, ganoon sila ngayon.

Pinukol niya ng nag-aakusang tingin sina Wynn at Elnora nang makita ang mga marka sa kamay ng mga ito na ngayon lang niya napansin sa limang taon ng pagkakaibigan nila. Pareho ang hitsura ng marka ng dalawa.

May marka ng kadena sa bawat daliri nina Wynn at Elnora. Lahat ng iyon ay konektado sa patulis at hugis-diamond na talim ng isang sibat. Maging ang pahabang rod ng spear ay nakabalot ng kadena pero sa pagkakataong iyon, konektado iyon sa nakapalibot na kadena sa pulsuhan ng mga ito.

Iba lang ang sandata pero ganoon din ang marka na nakita niya kina Syndrome at Aries noon.

"What are you?" sumbat niya kina Wynn at Elnora. "Bakit ngayon ko lang nakita ang mga tattoo na 'yan in the five-year history of our friendship?"

Pinaraan ni Elnora ang mga daliri sa marka sa kamay nito. "Itinago namin 'to gamit ang spirit force namin para hindi mo makita. Alam kasi naming espesyal ka."

"Obviously," malamig na sagot niya. Pakiramdam kasi niya ay natraidor siya. "Binabantayan n'yo ko, 'di ba? Sino ang nag-utos sa inyo na gawin 'yon?"

"I'm sorry, Misoo, but we're not really in the position to tell you more than what you already know about us. We are under orders to keep you safe. 'Yon lang ang puwede naming sabihin sa 'yo sa ngayon," sabi naman ni Wynn.

Nasaktan siya pero hindi niya iyon ipinahalata. Naging malamig tuloy ang sunod niyang tanong. "'Yong friendship ba natin, parte lang ng misyon ninyo? Did you ever think of me as a friend or am I just a client you needed to protect?"

Halatang nagulat sina Wynn at Elnora sa mga tanong niya. Nagkatinginan ang dalawa bago siya sabay na binalingan. Pero parehong blangko ang mukha ng mga ito.

Malungkot na ngumiti si Misoo. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin para ilabas ang pagkadismaya nang hindi umiiyak. Kaya tinalikuran na lang niya sina Wynn at Elnora, saka nagmartsa papunta sa direksiyon ng tao na hindi niya inaasahang lalapitan niya nang kusa.

Mukhang naramdaman naman ni Syndrome ang intensiyon niya dahil sinalubong siya nito habang sakay ng isang magarang kotse na bukas ang bubong kaya kitang-kita niya ang guwapong driver. Ayaw man niyang aminin, kasingguwapo ng sasakyan ang nagmamay-ari niyon.

A shiny black Mustang.

Tiningala siya ni Syndrome kasabay ng pagbukas ng pinto sa passenger side. Wala itong sinabi pero makikita sa mga mata nito na binibigyan siya ng pagpipilian at ng oras para mag-isip.

Wala pang isang minuto, sumakay na si Misoo sa kotse ni Syndrome at hindi na nilingon sina Wynn at Elnora na sa gilid ng mga mata ay nakita niyang biglang huminto sa pagsunod sa kanya.

Take me away, stranger.

The Fourth Order SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon